17

33 1 0
                                    

Alas-kwatro ng hapon ng may muling kumatok sa pintuan ng aking kwarto. Sino pa nga ba? Pinagbuksan ko naman siya ng pintuan at pinapasok sa kwarto ko.

"Ang kalat ng kwarto mo..." Puna ni Neil ng makapasok siya.

Bumalik naman ako sa pagkakasalampak ko sa kama ko at tumulala na naman sa bintana-tinatanaw ang bulkang taal. Buti pa siya, payapa na. Sana ganoon din ang kalooban ko.

Nakita ko naman sa peripheral sight ko si Neil na nagpupulot ng mga nakakalat na damit sa sahig. Bahala siya kung gusto niyang umastang katulong ko at ipagligpit ako ng gamit.

"Medium..." Hinayaan ko na lang si Neil doon na magsalita mag-isa.

Nagpatuloy ang aking isipan sa paglipad hanggat may hindi kaaya-ayang sinabi si Neil.

"32A. Why so small?"

Marahas akong napalingon kay Neil at nakita ko siyang hawak-hawak ang aking bra at ini-examine ito!

"Ibaba mo yan, Neil!"

Inilapag naman niya iyon agad sa malapit na study table sa kanya.

"Sorry..." Wika nito at nagblush.

Ang cute niya sana kaya nga lang naiisip ko yung scenario na hawak niya ang bra ko kanina at naiinis ako na napapahiya.

"Sorry talaga."

"Nevermind. Please, maupo ka na lang at huwag mo na pakialaman ang gamit ko."

"Okay..."

Tahimik lang kami. Tik-tak lang ng orasan ang naririnig namin. Nakatitig pa din ako sa bulkan at si Neil naman, hindi ko alam ang ginagawa.

"Sampung bagay na natutunan ko mula sa mga umiibig. Una, napakatamis ng mga simula. Nang mga umaga na ang bumubungad sa iyo ay ang kanyang mukha. Nag-aalmusal ka ng kilig. At pagdating sa gabi ay baon mo siya hanggang sa paghimbing. Dito. Dito mo matututunan ang kapangyarihan ng isang ngiti. Nang ibang kamay na humahawi sa iyong buhok, nang mga matang sumisisid sa iyong kaluluwa..." Nagsalita si Neil. Tumutula ba siya?

Oo. Matamis ang pag-ibig sa simula. Hindi ka makakatulog sa sobrang saya. Nakaukit sa iyong isipan at nagpapaulit-ulit ang ngiti ng minamahal mo na siyang nagdudulot sa iyong puso ng sobrang saya. Para kang nakahithit ng ipinagbabawal na gamot. Ngumingiti kang mag-isa at pakiramdam mo ay lumilipad ka. Ang gaan sa puso't-isipan.

"Pangalawa, napakadaling maging kampante at masanay sa pagmamahal. Ang malunod sa kapangyarihan ng 'kami', ng 'tayo', ng 'atin'. Pero paano naman ang 'kanya'? Paano naman ang 'ako'? Napakadaling malunod sa akalang ang 'iyo' ay mananatiling 'iyo'..." Pagpapatuloy ni Neil.

Totoo... akala ko sa akin na ang lahat. Akala ko mahal na mahal mo na ako. Akala ko panghabambuhay na ang tayo... nakakalimutan ko na ang pagiging mag-isa. Nakakalimutan ko na isa din akong indibidwal.

"Pangatlo, mapapagod ka. Pero pang-apat, ang tunay na pag-ibig hindi dapat sinusukuan, 'di ba?"

Alam ko naman na pagod ka na sa pagmamahalan natin pero tama, kung sadyang mahal, hindi dapat basta bumibitaw. Kasi naniniwala akong ang totoong nagmamahal, handa sa kahit ano. Dahil sa pag-ibig, hindi lahat ng nasa plano mo ay mangyayari. Maraming hindi inaasahang bagay ang maari at posibleng mangyari.

"Pero panglima, ang tunay na pag-ibig ay hindi parating sapat. Kapag ang mga pakpak na binigay sa'yo nito ay bumigat at naging kadenang ni ayaw kang patayuin. Kapag ang langit na dating nilipad mo ay naging kulungan na nasa iyo naman ang susi at kandado pero ayaw mo pa ring panglisanin."

Marahil hindi nga sapat ang pagmamahal lang. Siguro kailangan din ng laya. Kailangan din ng maging mag-isa dahil hindi maaaring makulong tayong dalawa sa ating mundo lamang. Pero kahit na anong mangyari, hindi natin matatangap na ang mundong sa atin lang ay magiging isang kulungang nanaisin ng isang kumawala.

"Pang-anim, ang pinakamabagsik mang apoy ay mamamatay. Maghanda ka sa sakit. Pero 'wag kang mag-aalaga ng galit."

Kahit ang pinakamatinding pag-ibig ay makukulong sa mundong masyadong maliit para rito kaya't pipilitin nitong kumawala. At sa pagkawala nito, kailangang handa ako. Masakit pero kailangan kong iwasang magtanim ng galit sa iyo dahil bukod sa makukulong na ako sa sakit na dulot ng pag-iibigang kumakawala, makukulong din ako sa pait ng galit na unti-unting uusbong sa puso ko.

"Ito ang pangpito, iiwanan kang puno ng sugat, at pilat at paltos nito. Iiwanan ka nitong abo."

Masakit. Sugatan ang puso. Parang magsisimula akong muli sa simula. Nga lang, magsisimula akong may marka na ng sakit na dulot ng nakaraan. Hindi masasabing fresh start ito. Para akong sinasaksak sa sakit.

"Pangwalo, maghanda ka sa wakas. Pangsiyam, alam ko parang hindi ka pa talaga handa sa wakas e. Wala naman kasi yatang nagiging handa sa wakas."

Totoong walang nagiging handa sa wakas. Dahil kung nakakapaghanda lamang sa wakas, marahil wala ng nasasaktan. Wala ng lumuluha ng dahil sa kumakawalang pag-ibig.

"Pero pangsampu, andyan ang wakas. At sa wakas, mahalin mo pa siya. Sa tingin, sa tanaw. Mula sa abo na iniwan ng dati niyong apoy. Mahalin mo pa siya."

Hindi basta mawawala ang pag-ibig. Hindi ito parang sulat ng chalk sa pisara na madaling burahin. Mabura man ito ay marka pa ding maiiwan.

Hindi ko namalayang lumuluha na naman pala ako. Tagos sa puso ang mga salitang lumalabas mula sa labi ni Neil. Para bang sa akin mismo naka-dedicate ang tulang ito.

"Pero kapag ang pakapak ng dati mong pag-ibig ay naging gapos na, kapag ang langit na minsan mong nilipad ay naging kulungan na, mahalin mo siya sa huling pagkakataon. Pagkatapos, bitaw na."

At nang bitiwan niya ang tatlong huling salita, humagulgol ako ng iyak at agad naman akong nilapitan ni Neil at niyakap.

"Alam ko na masakit pero kailangan mo ng bumitiw. Hangga't hindi ka bumibitiw, masasaktan at masasaktan ka lang..."

"Madaling sabihin... pero mahirap gawin..." Wika ko sa pagitan ng aking mga hikbi.

Ang akala kong noo'y nabawasan ng sakit ay lahat nanumbalik. Akala ko ay unti-unti na akong nagiging okay pero ang totoo pala ay denial lang ako. Umaasa pa din ako na babalik sa dati ang lahat kaya't hindi pa din nakakalaya ang puso ko mula sa sakit.

Nang humupa ang pag-iyak ko ay naupo lang kami ng magkatabi sa kama at parehong nakatanaw sa payapang bulkan.

"Ang ganda ng tula mo..." Wika ko kay Neil.

"Hindi sa akin yan. Napanood ko sa youtube. Si Juan Miguel Severo ang totoong sumulat niyan. Ang ganda, hindi ba?"

"Oo. Tagos sa puso e. Sana lang lahat ng tao dito sa Pilipinas ganan na lang yung pinapakinggan, mga tulang Pilipino."

Nagyaya sa picnic grove si Neil at sumama ako. Kung magmumukmok ako sa kwarto, lalo kong hindi mapapakawalan ang sakit at galit sa puso ko.


Para Sa Kanya (Dedicated To You Trilogy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon