LAST TIME:
25 years ago, two starcrossed sweethearts, 'Rose-Red' and 'Boy Blue', became their school's first campus detectives, aided by a tipster from Reverie Valley Subdivision.
Now, to stop a criminal calling himself the Blackmail King, Trisha Navarro and Tim Crespo - St Jude's current schoolyard detectives - head for Reverie Valley to track down Rose-Red and Boy Blue's final fates - and learn if there is any help left for them there...
------
Reverie Valley Subdivision / 9:43 PM
Malamig at madilim ang gabi.
Nakadapa't umiiyak sa gitna ng kalye si Christian Gonzales, kinse-anyos, food vendor.
Nakatumba ang vending cart niya sa 'di kalayuan: Nakapinta dito ang mga salitang KAIN-CART! A Livelihood Project of the Reverie Valley Homeowners' Association.
Mabagal na umiikot ang isang gulong ng Kain-Cart. Katabi nito ang isa sa mga kaibigan ni Christian.
Hindi na ito gumagalaw.
Tinaga ng takot ang binatilyo.
Nag-umpisa siyang gumapang, iniiwasang masagi ang nabaling tuhod. Ilang metro lang, nakita niya ang dalawa pa niyang katropa: magkatabi silang nakahilata sa aspalto, duguan at walang kibo.
Humikbi siya, pero patuloy na gumapang.
Sa may talahiban. Konting gapang na lang. Pwede 'kong magtago sa kanya, sa-
Biglang kinaladkad si Christian pabalik sa Kain-Cart, sumisigaw at kinakalmot ang kuko sa kalye na parang pusa. Binuhat siya't inihampas sa yero ng kariton, at naiwan siyang nakasandal sa vending cart.
Tumingala si Christian. Nanlamig ang dugo niya.
May lalaking nakatayo sa gitna ng liwanag ng buwan. Walang maaninag si Christian na detalye kundi isang itim na hugis - mistulang aninong kumalas sa kadiliman ng Reverie Valley at nagkaroon ng sariling buhay.
Ito ang sumalakay kay Christian at sa Kain-Cart niya, ang bumali sa binti niya...ang dahilan kaya nagkalat sa kalsada ang mga kaibigan niya.
Sinubukan niyang tumayo, pero isang mabigat na botas ang tumapak sa bali niyang tuhod.
Naglakad palayo ang may-ari nito, at nakarinig si Christian ng malakas na ingay sa kariton niya. Inusog niya ang sarili para lumingon.
Sinisira ng anino ang Kain-Cart. Tumilapon sa kalsada ang mini-kerosene stove, kawali, mga plastic na garapon at isang money tray, puno ng kinita ni Christian sa paglalako.
Sa wakas, tumigil ito. Mula sa loob ng Kain-Cart, may pinulot itong pulang sobre, puno ng makapal na rolyo ng perang papel.
Binulsa ng tulisan ang ninakaw niya mula sa Kain-Cart - at napatingin niya kay Christian, takot na nakatitig sa kanya.
Nanlaki ang mata ng binatilyo. Tinaas niya ang kamay niya.
"Ser, tama na po... Ser, parang awa niyo na-"
Naglakad ang anino pabalik at sinagpang ang kaliwang kamay niya, mistulang may hinahanap. Tumingin ito kay Christian, at pinakita ang rolyo ng perang ninakaw niya.
Sa wakas, mula sa dilim, may nagsalita.
"Akin 'tong teritoryong 'to."
Humigpit ang kapit sa kaliwang kamay ng binatilyo.
BINABASA MO ANG
Hidden Hearts
Mystery / ThrillerDalawang bata, pinagbuklod ng isang school mystery. Dalawang magkaibigan, pinaghiwalay ng matinding away. Dalawang schoolyard detectives, back for one last year of crime-solving...and the great, old evil behind their first case.