TRISHA (GRADE SCHOOL)
Lumingon si Kuya Erning sa passenger seat ng kanyang school bus, at tumambad sa kanya ang naka-handusay na katawan ng isang batang babae.
“Anak ng tinapa naman, Trisha! Wag nga’ng hihiga sa sahig, ang kulit!”
Ito ang banat ni Kuya Erning, bago ibalik ang tingin sa tinatahak na Alhambra Road, paalis ng Saint Jude of Galilee Academy.
Nang-hihinang tinaas ng bata ang ulo ng ilang saglit, bago ibaba uli. Kahit na nasa harapan si Erning ay narinig niya ang pag-umpog ng ulo ni Trisha sa itim na bakal na sahig. Toog.
“Sobrang hilo na po ako, eh,” protesta ni Trisha. “Time first lang.”
Papauwi na ang Grade 2 na si Trisha mula sa SJG, at ang school bus na sinasakyan niya ngayon ang kaniyang school service pauwi araw-araw.
Hindi L300 ang gamit ni Kuya Erning, kundi malaking yellow at mahabang bus, kagaya ng gamit ng mga ordinaryong pasahero papuntang opisina.
Lumiko ang bus, at inatake muli ng hilo si Trisha. Pinaka-malayo siya sa mga hinahatid ni Kuya Erning, kaya dehado ang sikmura niya kada hapon mula Lunes hanggang Biyernes.
Ang paghiga niya sa sahig para hindi makita ang labas ang tangi niyang pangontra sa hilo, pero parang ngayong araw ay hindi gumagana iyon.
“Yari ka nanaman sa nanay mo niyan,” sabi ni Kuya Erning. “Tinanong ka nga niya kung ba’t ang dumi-dumi ng damit mo nung isang araw, tapos ito ulit?"
“Uungh…ito na po. Babangon na,” sabi ni Trisha, na unti-unting tumayo galling sa bus. Nagmistula siyang batang gumagawa ng push-up, isang maliit na cadeteng naka girl’s blouse, berdeng palda, at dalawang tali sa mag-kabilang parte ng buhok niya: pigtails.
Sa totoo lang, hindi lang ang pasikot-sikot na mga kalsada ng Alhambra Homes ang iniinda ni Trisha. Ang Student’s Diary ni Trisha ay puno ng naka-listang homework, at alam niyang isa sa mga ito (ang math activity na pinauwi ni Principal Delgado, na nag-substitute kay Miss Diane) ang magpapapuyat sa kanya.
“10:30 na naman ako matutulog nito. Gabing-gabi, tapos puro Math homework pa,” sabi ni Trisha sa sarili. (9:45 ay pinapatulog na si Trisha ng magulang, dahil ayon kay Marsha Navarro, ‘hindi ka tatangkad pag nagpuyat ka.’)
"Ano ‘yun?” Tanong ni Mang Erning.
“Ay, um, wala po.” Kumapit si Trisha sa hawakan ng railing, at sa eksaktong sandaling iyon, ginulungan ng service ang isa sa pinakamalaking lubak sa Alhambra Homes.
BINABASA MO ANG
Hidden Hearts
Mystery / ThrillerDalawang bata, pinagbuklod ng isang school mystery. Dalawang magkaibigan, pinaghiwalay ng matinding away. Dalawang schoolyard detectives, back for one last year of crime-solving...and the great, old evil behind their first case.