[1] Perfect Patron

751 88 88
                                    

TRISHA (HIGH SCHOOL)

Promise, hindi na ko ma-lalate. Promiiiiise…

       Dalawang tricycle ang binarayan ni Trisha Navarro para makaabot sa Saint Jude of Galilee Academy bago mag alas-siete ng umaga.

        Pinara niya yung unang trike sa kalsadang dumadaan sa tapat ng bahay nila - isang dilaw at  kalawanging motor na may puting sticker, na may pulang mga numero at mga halo-halong letrang nagtatapos sa “…TODA”.

     Tricycle Operators and Drivers Association, isip ni Trisha habang tumatakbo sa kalsada papunta sa high school building ng Saint Jude. Sa sikat ng araw, nagmistulang higanteng bloke ng semento ang gusali.

    Isa sa mga karaniwang katangian ng private school ang pagkakaroon ng napakalaki at napakalawak na parking area, o kung hindi naman ay napakalaki at napakalawak na lawn area.

       Kaya’t nang madatnan ni Trisha ang napakalaki at napakalawak na parking area, pati na rin ang napakalaki at napakalawak na na lawn area ng Saint Jude ay mas kumaripas pa siya ng takbo.

       Naman, Trish. Yung “open-air, student-friendly environment” pa na ‘to ang magpa-pa-late sa yo. Kahit na suwerte na, malas ka pa rin, isip niya habang pumapadyak sa mga sementong daan papunta sa basketball court ng Saint Jude, kung saan laging ginaganap pag Lunes – at sigurado siyang pa-umpisa na - ang kanilang Flag Ceremony.

      Sa pangalawang trike pumalya ang suwerte ni Trish. Dahil nasa loob ng Alhambra Homes – isang private village na parang sakop na halos kalahati ng lungsod nila – ang SJG, kinailangang sumakay uli si Trish nang panibagong trike na ang pasada ay sa loob ng Alhambra.

      Ang problema, hindi lang siya ang nag-aabang ng trike pa-pasok ng Alhambra. Sa makitid na terminal, binulaga si Trish ng isang pagka-haba-habang pila, ang pinakahuling bagay na gusto mong makita pag alam mong ma-la-late ka na.

     Nagsama para sirain ang umaga ni Trish ang mga papasok ng opisina (na madalas dumaan sa Alhambra dahil sa mga shortcut nito), pati na rin ng mga estudyanteng nag-aaral din sa ibang school sa loob ng Alhambra.

    Yung lalaking nasa dulo ng pila bago siya pinalitan ni Trish ay naka-berdeng polo, marka ng mga Fourth Year students ng Saint Bartholomew School, isa sa mga pinaka-matinding karibal ng SJG.

    Madalas maubos ang mga trike sa Alhambra terminal, at matapos ang ilang nakaka-panggigil na minuto  - kung saan seryosong kinosidera ni Trish na pagaspasin yung mga braso niya sa gitna ng maraming tao at subukang lumipad na parang gansa – dumating din ang susunod na tricycle.

     Tumindi ang simangot ni Trish nang naalala niya yung trike na iyon. Ano ba yung trike na yun ni manong! Parang sinumpa ni Bathala sa kupad. June pa lang, sira na attendance record ko!

    Hindi alam ni Trish kung pagod, lasing, or talagang nang-iinis lang si Trike Driver #2, pero ilang minuto pa lang ang lumilipas ay napansin niyang ang bagal ng andar ng sinasakyan nila.

Hidden HeartsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon