"Kung sino man ang pumatay sa asawa ko!" Anunsyo ng unang suspect ni Simon sa mga kaumpukan nito sa regular nitong tambayan para mag-inuman. "Salamat sa kanya!" Humalakhak ito nang pagkalakas-lakas, sinegundahan naman ng kaniyang apat na kainuman. "Free again!" Naglulundag pa ito sa kabila ng kalasingan.
Nagulat si Simon na nagawan pa pala niya ng pabor ang nais niyang gantihan kaya lalo siyang binalot ng poot sa sobrang inis.
"Kung sino man ang killer, sana idamay na rin ang Misis ko." Pagsabat naman ng isa sa lima, "Masyadong bungangera eh. Mabuti sana kung may iba akong pakinabang sa kaniya. Di na naman kasi siya sexy at maganda. Kaya kung sino man 'yang killer ni Roda. Damay na niya kamo ang Misis ko para mapakasalan ko na ang kabit ko." Muling naghalakhakan ang kanilang grupo.
Lalong nanggigil sa inis si Simon. Dahil do'y namuo na sa kaniyang isipan kung paano niya papatayin na mismo ang mga tao sa paraang mas mararamdaman nila ang sakit.
Papaalis na sana siya sa pagmamatyag sa umpukan ng mga suspect nang may mapansin siyang isang papalapit dalagang lumalapit sa mga ito.
"Itay." Anito sa isang suspect—'yung asawa ni Roda, "kailangan ko po ng pera pambili po ng kape at tinapay para sa mga naglalamay."
"Ok." Dumukot ito sa kanyang wallet at ibinigay sa dalagang anak. "O 'yan, may sobra 'yan, mag-ingat ka. Ikaw na ang bahala sa sa lahat ha?"
"Opo."
"Mag-iingat ka sa mga rapist diyan sa mga eskinita!" Hirit ng isa sa lima na sinundan naman kaagad ng kanilang paghahalakhakan.
Hindi na sila pinansin ng dalaga. Umalis na ito at naglakad sa mismong dinaanan niya kanina. Nakakita ng pagkakataon si Simon. Kung hindi mahalaga si Roda sa asawa niya, siguro naman mahalaga ang kaniyang anak na dalaga. Siguro naman, masasaktan din ito kapag may nangyaring masama sa kaniyang anak.
Sinundan ni Simon ang dalaga. Nagtungo ito sa isang maliit na bahay na may mga taong naglalamay sa harapan. Naglakas loob siyang puntahan ang lamay at silipin si Roda sa loob ng kabaong, at hindi man lang siya nakaramdam ng gatiting na pagsisisi.
"Kuya, kape po." Nilingon ni Simon ang nagmamay-ari ng tinig. Ito ang dalagang sinundan niya kanina. May hawak itong isang tray na may limang tasa ng kape. Mas maganda pala ito sa malapitan. Maputi ito at mahaba ang buhok. Balingkinitan ang katawan at maamo ang mukha. "Salamat po sa pakikiramay niyo sa amin." Mas di hamak na mas maganda ito kay Karen.
Walang salitang kumuha sa Simon ng isang tasa habang nakikipagngitian sa dalagang kaharap niya.
"Ate Hannah," pagtawag ng isang binatilyong lalaki sa kaharap na dalaga ni Simon. "Tulungan na kita." Kinuha nito ang hawak na tray ni Hannah. "Magpahinga ka muna, ikaw na ang nag-asikaso dito buong maghapon at magdamag eh."
"Salamat, Ian."
"Ok po ate." Tumalikod na si Ian para mamigay ng kape sa iba pang taong naglalamay.
"Hindi kita namumukhaan, hindi ka ba taga rito?" tanong ni Hannah kay Simon.
"H-hindi." Natutulala ito sa ganda ng kaniyang kaharap.
"Halika, maupo tayo." Pagyaya nitong maupo sa unang helera ng mga upuan. Sumunod naman si Simon. "Kakikala ka ba ng Inay ko?" Matapos nilang makaupo.
"H-ha? O-oo pero hindi gaano. N-naging kostumer ko lang siya sa dating... uhm, bar na pinagtatrabahuhan ko. T-tama, do'n kami nagkakilala."
"Ah, gano'n ba? Naku, mahilig ngang mag-bar itong si Inay kahit mag-isa. 'Yun nga ang madalas na pag-awayan nila ng itay ko. Alam mo na, delikado kasi ang panahon ngayon."
BINABASA MO ANG
SIX TABOO: Forbidden Tales
General FictionLanguage: Filipino Six Pitch Dark Horror Novelettes about things humanly unacceptable. Content Warning: This material may be disturbing and traumatizing for some readers. PLEASE READ AT YOUR OWN RISK! SIX TABOO [6T] Six-in-One Forbidden Tales Cop...