Taboo Story 1 - Chapter 3

7.9K 288 12
                                    

"H'wag! H'wag!" Humihiyaw na sigaw ni Jennica.

Pilit siyang pinapakalma ni Detective Alvarez, pero lalo lamang itong nagwala. Pumasok na si Mariella, ang duktor at at dalawang nurse para sumaklolo; na tinurukan lang naman si Jennica ng pampakalma at pampatulog.

Hinila ni Mariella si Detective Alvarez sa labas ng silid. "Anong nangyari? Bakit--"

"Hindi ko alam. Bigla na lang siyang nagwala eh." Bakas sa mukha ng detective ang pagkalito.

"Anong ibig mong sabihin? Pa'nong magwawala ang anak ko ng basta na lang. Ipinagkatiwala ko ang pakikipag-usap sa kanya, sa 'yo. Pero ano 'tong ginawa mo, anong--"

"Wala sabi akong ginawa. Basta na lang siyang nagwala. 'Yun ang totoo!"

"Anong itinanong mo sa kanya, ha?! Pinuwersa mo ba siyang sagutin ang mga tanong mo? Pinilit mo ba siyang--"

"Hindi ko siya pinilit." Kalmadong pagputol ni Detective Alvarez sa pagsasalita ni Mariella, "Napakasimple lang naman ng tanong ko sa kanya bago siya nagwala. Simpleng naging kumplikado dahil ayaw niyang sagutin. Ayaw niyang sagutin sa kahinahinalang dahilan. At para matakasan niyang sagutin ang napakasimpleng tanong na 'yon, nagwala siya. 'Yun ang nangyari. 'Yun ang totoo."

"Bakit?" bakas na sa mukha ni Mariella ang pag-aalala. "Ano ba ang itinanong mo sa kaniya?"

Sa halip na sagutin siya ng Detective ay tiningnan lang siya nito at nginisian.

"Ano?!" Pag-uulit niya nang may diin.

"Bakit hindi mo tanungin ang anak mo? Baka sakaling sagutin ka niya nang hindi nagwawala." At saka siya tinalikuran nito; akmang aalis na.

"Pakiusap." Pagpigil nito sa papaalis nang kausap. "Sabihin mo sa akin. Parang awa mo na." Maluha-luha na ito.

Nilingon siya ng Detective, "Ano ang nakasulat sa diary mo?"

Nangunot ang noo ni Mariella "Ha?!"

"Ano ang nakasulat sa diary mo?"

Lalo lamang nagusot ang mukha ni Mariella.

Tininganan siya nang patagilid ng Detective habang ito'y namumulsa. "Gusto mong malaman ang itinanong ko sa kanya, di ba? 'Yun ang itinanong ko sa kanya. 'Ano ang nakasulat sa diary mo?' 'Yung notebook na pula, na hawak-hawak niya no'ng araw na matagpuan siya. 'Yung nasa ilalim ng unan niya ngayon na ayaw niyang bitawan."

Napaisip si Mariella. Pilit inaalala ang nasabing diary. At saka niya naalalang... tama nga. Mayroon ngang hawak si Jennica nang matagpuan siyang duguan sa tabi ng imbakan ng mga basura. Isa 'yung hardbound na diary na may susian. Hawak ito ng kanyang anak kahit no'ng mga panahong ginagamot pa lamang ang kanyang mga sugat.

Ayaw nito itong pahawakan sa iba. Kahit no'ng pinapaliguan at ginagamot siya, ay nakatutok dito ang mga mata ni Jennica na para bang isa 'yong napakahalagang bagay na nakakabit na sa kaniyang pagkatao. Hindi niya ito gaanong pinansin dahil mas mahalaga sa kanya ang pagkakatagpo sa kanyang anak, matapos ang mahigit sa sampung buwan nitong pagkawala. Mas mahalaga sa kanya ang paggaling nito, at ang malunasan ang bawat sugat sa katawan nito.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza) 2015, All rights reserved.

***

"Mahalagang makapagpahinga muna siya bago siya ipakaausap sa kahit sino Mrs. Punzalan." Paalala ng babaeng duktor na nagaasikaso kay Jennica. "Wala pang dalawang araw simula ng dinala siya rito. Sariwa pa ang kaniyang mga sugat, at pagod pa ang kanyang katawan at isipan. Kaya't hangga't maari'y huwag muna natin siya kausapin o ipakausap sa mga taong makadadagdag lang sa kanyang dinaramdam."

"Opo, doc." Mahinang sagot ni Mariella, habang sinusulyap-sulyapan ang anak sa mahimbing nitong pagkakatulog.

"Alam kong mahalaga sa inyo ang mahuli kung sino ang may kagagawan nito sa kaniya." Pagtutuloy ng duktor, "pero bilang duktor niya, ipagpaumanhin mo na mas mahalaga sa akin ang mapagaling siya."

"Opo, doc. Nauunawaan ko po. Maraming salamat po."

Tinanguan siya ng duktor bago ito tahimik na umalis.

***

Hindi mawala ang paningin ni Mariella sa unan ni Jennica. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit tila may bumubulong sa kanya na kunin ang diary na tinukoy ni Detective Alvarez.

Ano nga kaya ang nakasulat do'n?

Bakit gano'n na lang ang pagpapahalaga ni Jennica sa laman no'n?

Pero dahil nasa bandang gitna 'yun sa ilalim ng unan ng kanyang anak ay hindi niya malaman kung pa'no 'yun kukuhanin nang hindi nagigising ang kanyang anak. At kapag nagising ang kanyang anak at nalaman ang kanyang ginawa, nangangamba rin siya na baka pati sa kaniya'y hindi na magtiwala ito.

Pinigilan niya ang kanyang sarili. Nag-antanda at nagdasal na lamang ng kaniyang rosaryo. Nasa kalagitnaan siya ng pagdadasal nang mapatingin siya sa hospital tag na nakatali sa pupulsuhan ni Jennica. Nakalagay do'n ang buong pangalan ng kanyang anak: Jennica Rose Fontanilla.

Fontanilla ang apelyido ng dati niyang kinasamang si Tomas. Kinasama dahil hindi naman niya ito asawa o naging asawa; hindi sila kasal. Nakasama lamang niya ito sa iisang bubungan na naging ama naman ng kanyang dalawang mas matatandang anak na sina Jun-jun at Jennica.

Ang tunay niyang asawa ay ang lalaking pinakasalan niya matapos siyang makawala sa kamay ni Tomas. Isang mabait at mapagmahal na asawang ama ng kanyang pinakabatang anak na babaeng pinangalanan niyang Rochelle. Si Emilio Punzalan, ang lalaking tinanggap siya sa kabila ng kanyang mga pinagdaanan sa kamay ng isang...baliw.

Hindi na niya maiwasan ang pagtulo ng kanyang mga luha habang inaalala ang ang kanyang nakaraan. Ang nakaraan na gusto na sana niyang makalimutan--kasama na ng mga alaalang nais niyang takasan.

Napakabata pa niya ng mga panahong 'yon at walang muwang, halos ka-edad lamang niya si Jennica nang sumama siya noon kay Tomas. Napaguwapo nito at mabait sa kanya; lahat ay ginawa nito para mapasaya siya.

Mahal na mahal din niya noon si Tomas. Ito ang kauna-unahang lalaking kaniyang minahal. Ngunit unti-unting naglaho ang pagtingin niya rito ilang buwan matapos silang magsama sa iisang bubungan.

Nagsimula ito nang makarinig siya ng mga pag-iyak sa silong ng bahay nito kung saan sila nakatira noon. Hindi naman niya 'yun mapuntahan dahil parating nakakandado ang pintuan sa basement, bukod pa sa, sadyang pinagbawalan siya ni Tomas na pumunta ro'n. Hindi na niya nalaman pa kung ano ang nasa basement na 'yun. Basta't ang natatandaan niya, isa sa pinag-aawayan nila noon ang pagbabawal sa kaniyang pumasok ro'n. Nag-iiba rin ang timpla ni Tomas kapag nangungulit siya tungkol doon. Para itong nawawala sa sarili at natataranta, na kadalasan ay nauuwi sa pananakit at paglapastangan sa kanyang pagkababae.

[ITUTULOY]

SIX TABOO:  Forbidden TalesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon