“Every man has his secret sorrows which the world knows not; and often times we call a man cold when he is only sad.” ― Henry Wadsworth Longfellow
------------------------------------------
“Summer, ikaw na ba ‘yan?”
“Ate Summer, ang ganda ganda mo!”
“Kamusta ang Manila, apo? Kamusta ang Mama’t Papa mo?”
Kabila’t kanan ang bati kay Summer ng Tita Mina niya at ang anak nitong si Jeric pero mas tinatawag sa palayaw na Jecjec, pati na rin ang Lola Rose niya, nang makapasok siya sa loob ng bahay nila rito sa probinsya. Napakatagal na rin kasi simula nang huli nilang makita si Summer, anim na taong gulang pa lamang siya nang mapag-desisyunan ng magulang niyang lumipat sila sa Manila at doon na manirahan dahil nando'n ang trabaho nila. Wala na nga rin siyang halos matandaan dito sa probinsya.
Dito kasi talaga pinanganak si Summer, dito rin siya nag-aral simula nursery hanggang sa tumuntong ito ng grade 1. Dito rin lumaki at nagkakilala ang magulang niyang si Joan at Nel, pero dahil nga sa Manila nakakuha ang magulang niya ng magandang trabaho, kinailangan nilang lumipat doon.
Ang Mama niyang si Joan ang kapatid ng Tita Mina niya at anak ni Lola Rose. Apat silang magkakapatid, si Mina ang panganay. Si Joan ang sumunod tapos ay ang nag-iisang lalaki sakanila na si Jay, na ngayon ay nasa abroad dahil nando’n ang trabaho. Tapos ang bunso nila ay si Sheng na nasa Manila rin ang trabaho. Si Mina lang ang nagtyagang manatili rito sa probinsya at ang dahilan niya ay para raw may mag-bantay sa ina nilang si Rose dahil may katandaan na rin ito.
“Ate Summer,” agad na kumandong sa hita si Summer, ang walong taong gulang niyang pinsan na si Jecjec. May buhat pa itong laruan na pulang kotse at sa kabilang kamay niya ay ang remote control nito, “Anong itsura ng Maynila? Maganda ba do’n? Marami rin bang laruan do’n?”
Napangiti si Summer sa tanong ng pinsan, “Nako, Jecjec, maganda sa Manila. Marami ring laruan katulad niyang laruan mo. Minsan isasama kita at mamamasyal tayo, bibili tayo ng maraming laruan.”
“Talaga?” para bang nagningning ang mata ni Jecjec sa nalaman. Agad itong bumaba sa hita ni Summer at lumapit sakanyang Lola Rose, “Lola, narinig mo ba ‘yon? Ibibili ako ni Ate Summer ng maraming laruan!”
Ngumiti naman si Lola Rose sa sinabi ni Jecjec, tapos ay lumabas na ang bata para bumalik na sa paglalaro nito ng kanyang laruang kotse. Naupo si Lola Rose sa tabi ni Summer at hinawak hawakan ang mahabang itim na buhok ni Summer.
“Mas lalo kang gumanda, apo. Hindi na ako makapag-hintay na ipakilala ka sa mga kaibigan namin. Ngayon ka nalang ulit nila makikita,” tuwang tuwang sabi ni Lola Rose, “Pero biglaan ata ang punta mo rito? Sana man lang nakapag-handa ako o kaya nasundo ka man lang namin.”
“Nag-tricycle naman ako, ‘La. Buti nalang at alam nung driver ang tinutukoy ko. At saka naisipan ko kasing dito muna mag-bakasyon.”
“Gano’n ba? Siguradong matutuwa ang Lolo Lando mo pag nakita ka niya.”
“Ay, oo nga pala, ‘La!” agad na reakto ni Summer, “Nasa’n na nga pala si Lolo? Bakit wala siya rito?”
“Nasa palengke,” sagot ng matanda, “’Yung mga pinapadala ng Mama mo na pera ay naipon namin kaya nakabili kami ng lupa para mapagtaniman. Nakakuha rin kami ng pwesto sa palengke at do’n namin binebenta ang mga naitanim namin.”

BINABASA MO ANG
My Summer's Goodbye
Teen FictionNot all stories has its happy endings. But happy endings do exist... for others. Would this be one of the others?