Pang-apat na snooze na yata ng alarm ko bago ako tuluyang dumilat.
Oo, dumilat lang. Di pa ako bumangon.
Kulang pa rin ang itinulog ko, pero Monday na. Ibig sabihin kailangan ko nang maghanda para pumasok sa school. Pagod pa rin ang pakiramdam ko hanggang ngayon.
Paano naman kasi, almost seven na ng umaga nung maihatid ako ni Aris kahapon galing Tagaytay. Pagdating nga namin, nag-aalmusal na sina Papa. Di na rin tumanggi si Aris nung inalok siya ni Mama na sumabay na sa amin mag-breakfast.
Naghilamos lang ako at nagsepilyo pagkatapos magpalit nang bagong damit dahil magsisimba kami... at sabit uli si Aris.
Gamit nina Papa ang bagong kotse. Ako naman, sa kotse ni Aris.
Kapag nasa bahay si Papa, di namin pinalalampas na magsimba as family, kahit gaano pa kami kapagod. Pasasalamat namin na ligtas si Papa at kapiling namin kahit napakadelikado ng trabaho nya.
Nagpaalam na si Aris pagkatapos ng misa. Kawawa naman at ni hindi pa nakakapagpalit ng damit simula kahapon.
Agad rin naman kaming umuwi at nagpahinga muna sandali dahil namasyal naman kami pagdating ng hapon. Alam kong pagod pa si Papa galing byahe from Mindanao. Gayun din sina Mama dahil sa birthday party ko nung Sabado, pero minsan lang kaming magkakasama.
Nag-malling kami para bilhan ni Papa nang bagong charcoal drawing set si Juno, at isang branded double-sided pressure pan kay Mama.
Tuwang-tuwa nga sya dahil may bago raw syang laruan sa kusina. Haha!
Alas diyes pasado na kami nakauwi kahapon dahil sa labas na rin kami nag-dinner.
So all in all, sabog pa rin ako sa antok ngayong Monday.
Nakabihis na ako papasok sa St. Margaret bago bumaba para mag-agahan. Nagkakape na si Papa at nagkukwentuhan sila ni Mama.
Sundalo talaga, early riser!
"Good morning!" masaya kong bati at humalik sa pisngi nila.
"Si Jun po?" tanong ko sa kanila habang kumukuha ng sinangag at tocino.
"Maagang umalis. Dadaan pa raw dun sa gym para i-confirm yung sched nya sa judo class," sagot ni Mama.
Oo nga pala. Tinapos nya na yung taekwondo nya last week.
"So, ano'ng plano mo sa pagbabanda?" tanong ni Papa.
"Sa April pa naman po ako official na sasali, pero kapag free ako, sasama ako sa mga practice nila bago pa umalis yung babaeng bokalista," sagot ko. "Sayang kasi, Pa. May opportunity ako kumita paminsan-minsan at enjoy ko pa ang gagawin ko."
"Andie, yung sa choir mo, bahala ka kung bibitawan mo, pero ang pag-aaral mo ha. Wag mong pababayaan," bilin ni Papa.
Tumango na lang ako dahil may pagkain ako sa bibig.
"Paano nga pala yung driving lessons mo?" ungkat nya.
"Next week na lang po kapag balik nyo sa duty. Para di po makaagaw sa oras na kasama namin kayo," ngiti kong sagot kay Papa.
Nangangalahati na ang kinakain ko nang makarinig ako ng pagbusina sa labas. Maya-maya lang,
"Good morning!" si Aris.
Lumapit kina Papa at Mama para magmano.
"Nag-agahan ka na ba?" si Mama.
"Tapos na po. Isasabay ko lang po si Andz pagpasok. Susulitin ko na at kapag marunong na yan mag-drive, di na ko papansinin nyan," biro nya.
BINABASA MO ANG
Claiming Andromeda #B1
General Fiction***LOSE THE TRUST... LOSE THE HEART!*** Kung ikaw si Andromeda, will you still wait for your 'prince' who seems to take his time, or stay beside your 'knight' who never left you?