Chapter 2.1

3.8K 124 8
                                    


"Ce se intampla cu tine?" nagtatakang tanong ni Athan kay Draven. Kagigising lang nito. Alas-nuwebe na ng gabi.

"Bakit mo naman naitanong iyan?" Ibinaling ni Draven ang tingin sa papalapit na si Athan. Matanda ito sa kaniya ng mahigit dalawampung taon  ngunit mukhang magkasing-edad lamang sila. Guwapo pa rin ito at matikas bagama't taglay nito ang maputla at kasing-lamig ng yelo na balat ng isang bampira. Ito ang naatasan ng kanilang angkan na sumama sa kaniya dito sa Pilipinas para sa isang misyon.

"Ngumingisi ka kasing mag-isa. Ngayon ko lang nakitang maaliwalas ang mukha mo mula noong iniatang sa iyo ng ating mga ninuno ang paghahanap kay Blackfire sa bansang ito."

Agad kumunot ang noo niya pagkarinig sa pangalan ni Blackfire. "Sino ba naman ang matutuwa sa kalagayan ko ngayon, Athan? Sa halip na nasa Wallachia ako at ipinagpapatuloy ang aking pag-aaral habang ini-enjoy ang aking kabataan ay narito ako sa maliit na bansang ito at naghahanap sa isang tao na ni hindi ko alam kung nasaan at kung buhay pa."

Pagak na tumawa si Athan. "Of course, narito siya sa lugar na ito at buhay pa siya. Hindi naman magsasayang ng pera at panahon ang lolo mong si Silvero Gualteri at professor Duncan Dimitru at sampu ng ating mga kalahi kung hindi sila siguradong matatagpuan ang napakaimportanteng tao na iyon para sa lahat ng mystical vampires.

"Corectie," sambot ni Draven. "Hindi si Blackfire ang importante sa inyo kundi ang Ragnor na nasa pag-iingat niya."

"Tama." Napatango si Athan. "Pero hindi natin matatagpuan ang Ragnor kung hindi natin siya makikita."

"Pero paano? Kilala lamang natin siya sa alyas na Blackfire? Ni wala tayong ideya kung ano talaga ang itsura niya dahil diumano ay lagi siyang nakasuot ng itim na maskara kapag nakikipaglaban. At kung meron man tayong larawan niya, siguradong matandang-matanda na siya ngayon. So, paano pa rin natin siya makikilala?"

"Ang Ragnor ang pagkakakilanlan natin sa kanya."

Pagak siyang tumawa. "Pasensya na, pero hindi ko talaga maiwasang isipin na hindi totoo si Blackfire at ang Ragnor. Na mga alamat sila na nilikha ng ating mga ninuno bilang defense mechanism sa kanilang depresyon sa kalupitan ni Faramundo Voldova."

"Totoo si Blackfire. Ako, ang lolo mo, ang ina mo at ang iba pa nating kalahi ang nakakita sa kaniya nang gabing pinatay niya si Faramundo at ang mga kampon nito gamit ang Ragnor."

"Tatlumpu't anim na  taon na ang nakalilipas, umaasa pa ba kayo na nasa kanya pa rin ang espadang iyon ng diyosa ng mga demonic vampire?"

"Da!" Isang beteranong archaeologist si Blackfire. Alam niya ang kahalagahan ng Ragnor na iyon. Isa pa, ang artifact na iyon ang nagsisilbing alaala ng kaniyang kabayanihan kasama ng iba pang vampire slayers nang nilupig nila ang angkan ni Faramundo Voldova."

Umasim ang mukha ni Draven sa narinig. "So, bayani para sa inyo ang mga vampire hunter na iyon?"

Tumango si Athan. "Da! Kung hindi dahil sa kanila ay malamang ay namatay na tayong lahat sa ilalim ng kastilyo Voldova. Sila ang nagsilbing tagapagligtas nating lahat nang mga panahong iyon."

"Kayo lang, hindi ako kasama."

"Of course, naroon ka rin ng mga panahong iyon, Draven. Nasa tiyan ka pa lamang ng ina mong si Astrid nang ikulong kami ni Faramundo sa basement ng kastilyong iyon. Nasaksihan ko ang paghihirap maging ang kamatayan ng marami nating kasamahan doon."

DEEP WITHIN YOU (Into the Darkness Series Book 1) Published in PaperbackTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon