Chapter 12.1

3.5K 97 8
                                    

Samantala'y halos mamamatay sa panibugho si Braedan na noo'y nakaupo sa sanga ng isang malaking puno sa di kalayuan sa loob ng bakuran ng mga Duarte. Mula sa kinalalagyan nila ni Claudiu ay kitang–kita nila ang mga kaganapan sa loob ng isa sa silid ng mansyon.

"Akalain mo, hanggang dito ba naman, nalamangan ka pa rin ng Gualtieri na iyan? Naunahan ka sa babaeng nagugustuhan mo." nang-aasar na sabi ni Claudiu.

"Tumahimik ka o bubunutin ko ang mga pangil mo," asik ni Braedan sa bampirang katabi.

"Ops! Alam kong nilalason ng inggit at panibugho ang puso mo at normal iyon sa ating mga bampira. Pero kay Draven mo dapat ituon ang galit mo, hindi sa akin," tuloy pa rin sa pang-aasar si Claudiu.

"Tigilan mo na ang pang-aasar sa akin, Claudiu. Pasasaan ba at maiisahan ko rin ang Gualtieri na iyan. Hindi lahat ng araw ay sa kanya," gigil na sabi niya.

"Paano? Halos kasing lakas at kasinggaling mo siya sa pakikipaglaban? At may mga katangian ang mga human vampire na katulad niya na wala tayong mga demonic vampire katulad ng kakayahang pigilan ang sarili sa pag-inom ng dugo ng tao at mabuhay kahit masikatan ng araw? Doon pa lang, lamang na sa iyo ang Gualtieri na iyan."

"Mas marumi akong maglaro," gigil na tugon niya. "Asal-tao pa rin ang Draven na iyan. Hindi pa niya alam kung paano gamitin sa kasamaan ang pagiging isang bampira."

"Na siyang hindi mangyayari." Bigla'y sumulpot sa harapan nila si Draven. Nakalutang ito sa ere. Nakahalukipkip ang dalawang braso. Muntik nang mahulog si Claudiu dahil sa pagkagulat.

Napangisi si Draven. Halata ang pagkatakot sa kanya ng demonic vampire na kasama ni Braedan. Paano naman ay ilang ulit na niyang napatunayan sa grupo ng mga ito kung gaano siya kagaling sa pakikipaglaban. Hindi ba't hindi sasampung beses siyang nagkaroon ng encounter sa mga demonic vampire sa kanilang bansa at palaging natatalo niya ang mga ito? Paano'y bukod sa kanyang kakayahan bilang bampira ay dumaan pa siya sa napakahirap na pagsasanay sa pakikipaglaban sa pamumuno ni Duncan Dmitri. Isa siya sa mga dahilan kung bakit hindi tuluyang malupig ng mga Voldova ang mga mystical vampire sa Romania.

"Welcome, Braedan Voldova," nakakainsultong bati niya kay Braedan. Nakaupo pa rin ito sa sanga ngunit nagbabaga sa galit ang mga mata.

"Nauna ka lang ng ilang oras sa amin sa bansang ito, Draven Gualtieri," tiim-bagang na tugon ni Braedan.

"At kailangan mo talagang magdala ng isang hukbo sa pagpunta mo rito?"

"Ano ngayon sa iyo? Natatakot ka ba na dito kita mapatay?"

"Alam mong hindi ako natatakot sa iyo o kanino man. Pareho lang ang ating mithiin sa pagpunta sa lugar na ito. At iyon ay para sa Ragnor..."

"Ano ngayon ang ipinupunto mo?"

"Simple lang, Braedan. Hanapin natin ang Ragnor, mag-unahan tayo sa pagkuha rito at pagkatapos ay matira sa atin ang matibay. Pero isang bagay ang gusto kong hilingin sa iyo, huwag mong idamay ang mga inosenteng tao. Wala silang kinalaman sa away nating mga bampira."

"Iyan ang hindi ko maipapangako. And besides, we own the Ragnor. It belongs to us. Our goddess Hecate forged it herself for the highest kind of vampire, the demonic vampires."

"Nakikipag-usap ako sa iyo bilang isang lalaki, hindi bilang isang kaaway. Spare the people here. Kapag isa sa atin ang nakakuha ng Ragnor, itutuloy natin ang laban sa sarili nating bansa, ang Romania."

"Kailanman ay walang kasunduang magaganap sa pagitan nating dalawa. Wala akong pakialam sa mga tao rito. Mababang uri sila, dapat lang na maubos silang lahat. Sa mga susunod na gabi ay pagpipiyestahan ng mga alagad ko ang dugo ng mga tao rito."

"Wala kang kasingsama, Braedan. Ikaw sampu ng mga kampon mo." Lumitaw ang mga pangil ni Draven dahil sa galit.

Tumayo na mula sa pagkakaupo si Braedan. Inilitaw din nito ang matutulis na pangil. "Simple lang naman ang dapat ninyong gawin upang matapos na ang tunggalian sa ating mga angkan, Draven. Yakapin ninyo ang kasamaan at tapos, wala na tayong pag-aawayan."

"Over my dead body! Hindi mo mapagtatagumpayan ang hindi rin nagawa ng iyong ama. Kailanman ay hindi namin yayakapin ang gawain ng mga demonyo!"

"Puwes, pagbabayaran ninyo ang katigasan ng inyong ulo. At baka maging ang magandang babae na nakatira sa mansyong iyan ay madamay."

Agad sumulak ang dugo ni Draven sa narinig. Itinikom niya ang mga kamao upang bigwasan ang mapangahas na bampira. "Huwag na huwag mong pakikialaman si Arabella, Braedan. Kung ayaw mong ubusin ko ang lahi mo."

Muling ngumisi si Braedan. "Arabella pala ang pangalan niya, ha? Napakagandang pangalan, bagay na bagay sa maganda niyang mukha. Siya pala ang pinagkaabalahan mo dito kung kaya hanggang ngayon ay hindi mo pa nakikita si Blackfire at ang Ragnor."

"Sinasabi ko na sa iyo, huwag mo siyang kakantiin!"

"Umiibig ka na ba, Draven? Hindi normal sa isang bampira ang mag-alala sa kahit na sino'ng nilalang lalo na kung ito ay mas mababang uri."

"Ibahin mo ako. Hindi tayo magkatulad."

"Siyanga? Sabihin mo iyan kapag dumating na ang panahong kailangan mo nang yakapin ang kasamaan. At darating tayo diyan, sooner or later." Pagkasabi noon ay biglang naglaho na si Braedan, kasunod si Claudiu. Naiwan si Draven na nagpupuyos ang dibdib sa galit.

_

DEEP WITHIN YOU (Into the Darkness Series Book 1) Published in PaperbackTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon