"Bakit hinayaan mo pa silang makatakas, Braedan?" inis na tanong ng isang lalaking bampira sa bampirang nakasuot ng tuxedo at pulang long sleeves at may gintong buhok.
"Sapagkat sila ang magdadala sa atin kay Blackfire," kampanteng tugon ng tinawag na Braedan. Nakaupo ito sa sanga ng isang malaking punong-kahoy habang tinatanaw ang papalayong sasakyan.
"May isang babae pa sa loob ng sasakyan. Sana ay kinuha natin ang isang iyon," inis na sabi ng lalaking bampira.
"Hindi tayo patay-gutom na bampira, Claudiu. May oras para sa pagkain nang masagana."
Bumuga ng hangin si Claudiu. Hindi nito maitago ang pagkaasar sa naunsyaming hapunan. "Pero kailangan ng ating mga kasama ng maraming dugo. Nagkakasya lamang tayo ngayon sa paghahati sa isa o dalawang biktima. Kaagaw pa natin ang mga pesteng nosferatu na iyan."
"Iyan nga ang dahilan kung bakit kailangan nating magdiyeta sa dugo. Hindi tayo puwedeng mambiktima nang mambiktima dahil dadami ang mga walang disiplinang nosferatu na sa huli ay magiging kaagaw pa natin. Isa pa ay ayaw kong maalarma si Blackfire tungkol sa pagdating natin sa nayong ito," kalmado pa rin si Braedan. Hindi alintana ang inis ni Claudiu.
"Sa palagay mo ba ay hindi pa niya nararamdaman ang presenya natin sa lugar na ito? May mga nosferatu na nangaglipana. Ibig sabihin ay may demonic vampire na pinanggalingan ng virus na naging dahilan upang mag-transform ang mga biktima."
Halatang iritado na rin si Braedan sa kakulitan ng kausap nang sumagot. "Bugok kasi ang Callux na iyan. Kung bakit ang paninipsip ng dugo ang unang inatupag pagkarating na pagkarating natin dito. Hayan tuloy, pitong nosferatu agad ang gumagala rito."
"Corectie," anim na lang sila. Namatay ang isa kanina nang sabuyan ito ng magandang babae sa loob ng kotse ng banal na tubig ng mga kristiyano."
Ngumisi si Braedan. Kumislap ang matatalim na pangil nito sa tama ng liwanag ng buwan. "At dahil doon, nagkaroon ako ng ideya na tila tapos na ang ating paghahanap kay Blackfire."
"Paano mo naman nasabi iyan?"
"Alam ng babaeng nasa loob ng kotse kung ano ang gagamitin sa paglaban sa isang bampira. Maaaring turo iyon ni Blackfire at may koneksyon siya sa babae."
Napangisi na rin si Claudiu. "Mijloace posibile, Braedan. Walang bampira sa bansang ito ayon sa kanilang mitolohiya. Upang malaman kung paano lalabanan ang ating uri ay nangangahulugan ng isang karanasan."
"Deapta. Nakuha mo rin." Tumango-tango pa si Braedan. "Pero alam mo namang walang bisa sa ating mataas na uri ng bampira ang banal na tubig ng mga kristiyano. Ang espadang Ragnor na nasa pag-iingat ni Blackfire ang tanging makapupuksa sa atin. Kaya halika na at sundan na natin ang sasakyang iyon. Palagay ko ay ihahatid tayo ng babaeng iyon sa mismong bakuran ni Blackfire."
Pagkasabi noon ay biglang lumutang sa ere si Braedan. Kasama si Claudiu ay parang may mga pakpak na lumipad sila habang ikinukubli ng dilim.
Hindi matigil ang iyak ni Aurea habang kausap ni don Leandro. Si Arabella naman ay kalmado na kahit balot pa rin ng kilabot ang buong katawan.
"Kawawa naman si Delfin," malungkot na sabi ng don. "Kung alam ko lang na mangyayari ito ay hindi ko na sana kayo inutusan na pumunta sa bayan."
"Walang may kagustuhan ng nangyari, lolo. Isa pa ay dahil sa tulong ni mang Delfin, nakakuha tayo ng maraming banal na tubig na magagamit ng ating mga kababaryo laban sa mga bampira. Isa siyang bayaning maituturing, lolo. Nakita ko mismo ang bisa ng agua bendita nang isaboy ko iyon sa isang bampira," sumisinok pa na sabi ni Arabella.
"Sa mga nosferatu, oo. Pero hindi sa ibang uri," malungkot na tugon ng matanda.
"Ang mga Gualtieri ba ang tinutukoy mo, lolo?"
"Hindi ko alam, Arabella. Hindi ko alam. Pero sa ngayon ay may mas dapat tayong unahin. Kailangan nating isara ang lahat ng pinto at bintana ng mansyon. Sigurado akong darating mamaya si Delfin at kailangan nating paghandaan iyon?"
"Ang inaalala ko ay ang kanyang pamilya, lolo. Paano natin sasabihin sa kanila na wala na ang ama ng kanilang tahanan?"
"Wala na tayong magagawa kungdi sabihin sa kanila ang totoo. Lahat namang tao ay namamatay, iba-iba nga lang ang paraan. Pero sana ay hindi na mangyari sa iba ang nangyari kay Delfin at sa iba pang mga biktima. Kung kaya bukas na bukas din ay ipamamahagi natin ang agua bendita sa ating mga kababaryo. Iyon ang magiging kalasag nila laban sa mga nosferatu."
"At paano naman laban sa mas mataas na uri?" may pagdududang tanong ni Arabella sa agwelo.
"Tayong dalawa ang bahala sa iba pa."
BINABASA MO ANG
DEEP WITHIN YOU (Into the Darkness Series Book 1) Published in Paperback
Vampire"Because I dream more than anyone else and so I see more than I should. But when the night comes there is a refuge of a dream of ecstasy. Where I only see love, you and me."