Chapter 6.2

2.3K 101 1
                                    

Nadatnan ni Arabella si don Leandro Duarte sa veranda ng third floor ng kanilang mansyon. Nakatayo ito paharap sa lupain ng mga Gualtieri habang magkasalikop ang dalawang palad sa likuran. Dahil sa taas ng kinatatayuan nila, tanaw ang malawak na lupain ng mga Gualtieri maging ang kastilyo sa mataas na lupang kinatitirikan nito. Sinulyapan niya ang relong pambisig. Alas-sais na ng gabi. At dahil buwan na ng Disyembre, mabilis lumatag ang kadiliman sa buong paligid.

"Saan ka nanggaling?" seryosong tanong ng kanyang lolo. Ni hindi ito sumulyap sa kanya. Nakatingin pa rin ito sa kastilyong unti-unti nang itinatago ng dilim.

Hindi agad siya nakakibo. Muli na naman niyang hinangaan ang pagkakaroon ng kanyang lolo nang malakas na pakiramdam. Kahit dahan-dahan na nga ang ginawa niyang paglapit dito ay namalayan pa rin siya. Ang malakas na pakiramdam ay isa sa napakaraming katangian ni Leandro Duarte bilang isang mandirigma.

Makailang ulit siyang lumunok bago sumagot. Nangangamba siyang baka alam din ng lolo niya ang pinaggagawa niya sa gubat kanina. Ngunit hindi niya kayang magsinungaling. Maraming paraan ang kanyang lolo upang matukoy kung hindi siya nagsasabi ng totoo.

"S-sa gubat po, sa tabing ilog," mahinang tugon niya. Ilang hakbang pa rin ang layo niya kay don Leandro. Natatakot siya na may naiwang amoy si Draven sa suot niyang damit at sa balat niya at maamoy iyon ng matanda.

Hindi naman niya itinuturing na isang superhero o nagtataglay ng anting-anting ang lolo niya. Marahil ay dahil sa sobrang dami ng karanasan sa pakikipaglaban ang isa sa mga dahilan kung bakit nagtataglay ito ngayon nang malakas na pakiramdam at pang-amoy. Kungsabagay, hindi biro ang mga naging kalaban nito noong araw. Mga bampira lang naman. At hindi basta bampira, kundi ang pinakamataas na uri ng mga bampira. Ang mga direct demonic vampire.

"Matigas ang ulo mo. Sinabihan na kita na tigilan mo na ang pagpunta roon ngayon lalo na kung nag-iisa ka. At kahit may kasama ka, hindi ka pa rin dapat pumupunta roon," matigas na sabi ni don Leandro.

"Bakit, lolo? Hindi ba't dati naman ay puwede akong pumunta roon kahit noong bata pa ako? Pag-aari naman natin ang parteng iyon, hindi ba?" may himig pagmamaktol na tanong niya.

"Noon iyon. Noong hindi pa sila dumarating."

"S-sino?"

"Ang mga Gualtieri."

Nagtatakang inilipat ni Arabella ang mga paningin sa dakong tinatanaw ng kanyang lolo. Ang kastilyo Gualtieri.

"Ang mga Gualtieri?" Patanong na inulit niya ang sinabi ng kanyang lolo.

Humugot muna nang malalim na buntong-hininga si don Leandro bago sumagot. Nakarehistro ang lungkot sa mga mata nito. "Malinaw ang mga palatandaan."

"Baka naman po nagkakamali kayo ng palagay, lolo Leandro."

Umiling ang matanda saka dahan-dahang humarap sa kanya. "Hindi ako maaaring magkamali. Noon pa man ay alam kong susundan nila ako saan man ako pumunta upang kunin ang napakahalagang bagay para sa kanilang mga bampira."

"Ang Ragnor?"

"Oo. Ang Ragnor." Lalong lumamlam ang mga mata ng matanda. May takot ba siyang nakikita sa abuhin nitong mga paningin? "Kailanman ay hindi matatapos ang digmaan sa pagitan ng mga demonic vampire at ng mga mystical vampire. At ang Ragnor lamang ang natatanging paraan upang wakasan ang kanilang alitan. Kapag napasakamay ng alin mang panig ang mahiwagang espadang iyon, matatapos ang kanilang labanan at mananaig ang isang angkan."

DEEP WITHIN YOU (Into the Darkness Series Book 1) Published in PaperbackTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon