"Mukhang may pinaghahandaan sila," sabi ni Claudiu kay Braedan habang nasa sanga sila ng isang malaking puno sa loob ng bakuran ng mga Duarte. Mula roon ay tanaw na tanaw nila ang kabuuan ng mansyon. At dahil sa kakayahan nila, maging ang mga tao sa loob ay malaya nilang nakikita.
"Tama ka," ani Braedan. "Palatandaan ang sangkaterbang krusipiho, bawang at asin na nasa buong paligid.
"Pero walang epekto sa ating uri ang mga basurang iyan, hindi ba? Maliban na lang sa krusipiho at iyon ay kung madidikit sa ating balat. Malaya pa rin tayong makakapasok sa bakurang ito kung gugustuhin natin."
"Oo," sang-ayon ni Braedan. "Pero hindi sa loob ng mansyon. Kailangan nating maghintay ng isang paanyaya upang makapasok tayo."
"Paano naman tayo makakalapit sa mga nakatira diyan nang hindi sila matatakot?" may pagdududang tanong ni Claudiu.
Napangisi si Braedan. "Ano ang silbi ng kakayahan natin sa hipnotismo kung hindi natin gagamitin?"
"Kung ganoon ay ano pa ang hinihintay natin? Lapitan na natin sila." Umakma si Claudiu na tatalon mula sa sanga ng puno ngunit pinigilan siya ni Braedan.
"Astepta, Claudiu. " Naaamoy mo ba ang naaamoy ko?" sabi ni Braedan habang sumisinghot-singhot pa.
"Hindi kasingtalas ng pang-amoy ko ang pang-amoy mo, Braedan. Bakit?"
"Hindi ako maaaring magkamali. Isang mystical vampire na ang nakapasok sa bakurang ito. Naunahan tayo."
"Si Athan Gualtieri ba ang tinutukoy mo?"
"Hindi. Si Draven Gualtieri. Rahat! Naunahan niya tayo."
"Kung ganoon ay posibleng natagpuan na niya dito si Blackfire at ang Ragnor."
"Nu! Imposibil!" nanggagalaiting sabi ni Braedan. "Walang nakakaalam sa buong Romania kung ano ang tunay na pangalan at anyo ni Blackfire. Nanatiling misteryo ang kanyang katauhan sa kabila ng kanyang kasikatan noon. Kahit ang mga mystical vampire na nagkaroon ng ugnayan sa kanilang grupo ng mga vampire slayer ay walang masyadong alam tungkol sa kanya."
"So paano nga pala natin makikilala si Blackfire? Ano? Huhulaan na lang natin?" papilosopong tanong ni Claudiu.
"Kung sino mang tao ang may taglay ng Ragnor, iyon si Blackfire," inis na tugon naman ni Braedan.
"Naaasar ka na ba sa pagtatanong ko, Braedan?"
Umiling siya. "Hindi ako sa iyo naiinis. Nagagalit ako dahil naunahan ako ni Draven sa pagpunta sa lugar na ito. Lagi na lang ganoon, nauunahan niya ako sa lahat ng bagay."
Mahinang tumawa si Claudiu. "Tigilan mo na ang pakikipagkumpetensya sa kanya, Braedan. Hindi natin siya kauri. Mas mataas pa rin tayo sa katulad niyang human vampire lamang."
"Tama ka. Isa lamang siyang human vampire. Di hamak na mas mataas ang uri ko sa kanya. Pero may mga kakayahan siya na hindi ko kayang gawin katulad ng paglantad sa araw o paghawak sa krusipiho nang hindi nasisilaw o naaagnas. Puwede rin siyang makihalubilo sa mga tao lalo na sa mga babae samantalang ako ay hindi."
Muling tumawa si Claudiu. "Ikaw ba iyan, Braedan? At kailan ka naman nagkainteres sa babaeng tao maliban sa dugo nito?"
"Mas gusto kong katalik ang tao kaysa sa mga kauri nating bampira. Ang mga kauri natin ay malamig ang katawan na parang yelo, walang kabuha-buhay samantalang ang tao ay mainit at mas masarap."
"Kung kaya ba puro babae ang iyong mga naging biktima at pinagsasamantalahan mo muna bago mo sipsipin ang dugo?"
"Hindi lang naman ako ang gumagawa noon, hindi ba? Aminin mong marami sa kauri natin ang mas gustong magparaos sa tao kaysa sa kauri natin."
Tumango si Claudiu tanda ng pag-amin. "Aaminin kong ginagawa ko rin iyan minsan," at sinundan iyon nang mahinang halakhak. "At nasisiguro kong ang unang-unang magiging biktima mo sa bansang ito ay ang magandang babae na nasa loob ng mansyong iyan, tama ba ako?"
Ngumisi si Braedan. "Tama ka. Kanina pa tumutulo ang laway ko sa kanya. Kapag nagkaroon ako ng pagkakataon, uunahin ko ang gutom ng aking laman bago ang uhaw ko sa kanyang dugo."
Lalong lumakas ang tawa ni Claudiu sa narinig. "Isa ka talagang Voldova, Braedan. Manang-mana ka sa iyong amang si Faramundo pagdating sa kasamaan o baka higit pa."
Sinundan iyon nang mas malakas na halakhak ni Braedan. "Kung kaya tatlo na ang misyon ko sa nayong ito. Una, hanapin si Blackfire at patayin siya gamit ang Ragnor upang maipaghiganti ko ang aking ama. Ikalawa ay patayin si Draven Gualtieri dito mismo sa lugar na ito at ikatlo...lurayin sa aking mga kamay ang magandang babae na nasa loob ng mansyong iyan."
Magtatawanan pa sana silang dalawa nang bigla silang makarinig nang malalakas na hiyawan na nagmumula sa di kalayuan. Kasunod noon ay ang biglang pagbukas ng pinto ng mansyon at iniluwa roon ang isang matandang lalaki. Nagmamadali itong tumungo sa kahuyan.
Pagkatapos mag-usap ang mga mata ay kusang lumutang sila ni Claudiu sa ere. Susundan nila ang matandang lalaki.
BINABASA MO ANG
DEEP WITHIN YOU (Into the Darkness Series Book 1) Published in Paperback
Vampire"Because I dream more than anyone else and so I see more than I should. But when the night comes there is a refuge of a dream of ecstasy. Where I only see love, you and me."