CORAZON
"Bakit hindi ka na lang manghiram kanila Miles ng sapatos? O kaya sa ibang ka-grupo natin?" tanong ni Myriah sa kanya habang nginangata ang isang stick ng banana cue na natapos niyang lutuin. Hindi pa man niya naisasaayos ang mga iyon sa bilao ay nabawasan na nito.
Bumuntong-hininga siya at umiling. Nabanggit niya dito ang tungkol sa kawalan niya ng sapatos at ang posibilidad na hindi na makapaglaro. Ang dahilan niya ay dahil masyado na iyong luma at tuluyan na talagang bumigay kaya hindi na magagamit pa.
Bukod pa sa ginawa ni Kristine ay inilihim niya rin ang tungkol sa paglabas nila ni Donny kahapon. Sigurado kasi siyang hinding-hindi iyon agad palalampasin ni Myriah. Igigiit nito na may malisya iyon, panigurado. Kahit ang totoo ay wala naman talaga.
Pinilig niya ang ulo para ihinto ang linya ng pag-iisip niya doon. Nag-focus siya sa ginagawang pagsasalansan ng mga banana cue sa bilao. Mabuti pa dito kikita siya. Kung mag-iisip pa siya ng ibang bagay ay makukulta lang ang utak niya.
"Hindi ba nakakahiya iyon?" Totoong nakakahiya naman talaga kung abalahin pa niya sila Miles para manghiram ng sapatos. Bukod pa doon ay hindi naman sigurado kung may maipapahiram nga sa kanya.
"Sus. Parang hindi naman natin mga kaibigan iyon! 'Tsaka hiram lang naman, Raz! Malay mo manalo tayo dito sa liga, eh, 'di may pangbili ka na ng sarili mo at maibabalik mo na iyong nahiram mo!"
Tinignan niya ito. Iginalaw-galaw nito ang kilay habang bakas ang pagmamalaki sa ideya. Nabanat ang kanyang mga labi sa isang malapad na ngiti. May punto nga naman ito!
"Oo nga 'no?"
"Oh, 'di ba? Kaya ibenta na natin 'to dali! Para bago mag-practice mamaya ay makahiram ka na ng sapatos."
Tumango siya at dinalian na doon. Sinamahan siya nito sa paglalako pagkatapos sa karaniwan nilang ruta. Nang marating na nila ang plaza ay hindi niya maipaliwanag ang hampas ng kaba sa puso niya.
Isinawalang-bahala niya iyon at nagpatuloy sila ng kaibigan sa pagtitinda. Nahagip ng kanyang tingin sina Edward kasama ang buong barkada nito. Nandoon din si Kristine na hindi naman madalas naglalagi dito. Ngunit napuna niyang may kulang.
"Corazon!"
Napalundag siya sa gulat sa pagkakatawag ni Myriah sa kanya. Nilingon niya ito at nakitang nasa tabi na nito si Miles nang hindi niya napapansin. Dala nito ang gym bag, bola ng volleyball at mukhang handang-handa na para sa practice nila.
"O-Oh? B-Bakit?"
Hindi kasama nina Edward si Donny. Isang panakaw na sulyap pa ang ginawa niya sa direksiyon ng mga ito at nakumpirma nga na may kulang sa mga naroon.
Naisip niya ang sinabi ng ate niya sa kanya kahapon. Ang tungkol sa pagbalik ni Donny sa Maynila kung saan naman talaga ito nakatira. Kung bakit tila may butas na namumuo sa kanyang dibdib isipin na baka ngayon ito umuwi doon ay hindi niya malaman.
"Corazon, nakikinig ka ba?" hinampas na ni Myriah ang braso niya.
Napahawak siya doon ngunit hindi na nag-reklamo pa. Lumutang nga naman talaga ang isip niya sa mga ideyang nabubuo, "O-Oo."
Suminghap si Myriah at nag-ikot ng mga mata, "Sabi ni Miles may sapatos pa daw siyang maipapahiram sa'yo!"
"Talaga?" tuluyang napukaw no'n ang atensiyon niya. "N-Naku, salamat, Miles."
"Eh, kaso luma na iyon. Dapat nga itatapon na iyon kung hindi lang ako tinatamad gawin!" humagikgik ito. "Pero ayos lang ba sa'yo?"
Sunod-sunod ang kanyang pagtango, "Ayos lang!"
![](https://img.wattpad.com/cover/94239378-288-k168528.jpg)
BINABASA MO ANG
Falling for Mr. Wrong (A SharDon Fanfiction)
FanficAlam ni Corazon kung ano ang mga katangiang hinahanap niya sa isang lalaki para masabing ito na si Mr. Right. Until Donato "Donny" Pangilinan came in to the picture and made her experience strange feelings. But why? He's the total opposite of her dr...