Hindi ko mapigilan ang pagngiti habang pinagmamasdan ang madilim na langit na ngayo’y napalilibutan ng iba’t ibang kulay ng bituin. Pa’no ba naman ako hindi magkakaganito kung hawak ko ang kamay mo at nakasandal pa ang ulo mo sa balikat ko?
Takte naman Juniper, kinikilig ako, letse!
Akalain mo ‘yun? Aabot pala tayo sa puntong ganito? ‘Yung magiging tayo at hindi na Kuya kundi Andrew na ang tawag mo?
Ang saya ko lang! Pero syempre, sikreto lang ‘yun. Kahit pakiramdam ko eh sasabog na ako sa sobrang tuwa eh ‘di ‘ko ‘yun ipapakita. Baka mapagkamalan mo pa ‘kong bakla. Aba, mahirap na!
Marahan kong pinisil ang magaspang mong kamay. At oo, wala akong pakialam kung ‘sing gaspang pa ‘to ng papel de liha. Ang mahalaga ay kung ano ang meron tayo. Hanggang ngayon, di pa rin ako makapaniwalang totoo na ‘to. Hindi na ‘to biro, hindi na ‘to yung gawa-gawa lang ng imahinasyon ko. Hindi na ‘to yung dream day ko lang. Totoo na ‘to!
“Andrew,” biglang sabi mo at tumingin ka pa talaga ng diretso sa mata ko.
Juniper, utang na loob. Huwag mo kong tingnan, matutunaw ako. At takte lang, ang bakla ko na din.
Takte! Ngumiti na lang ako nung mapansing wala na ‘yung salitang kinaiinisan ko sa pangalan ko. Wala nang Kuya oh, Andrew na lang! Kung sana, di mo na pinatagal ang kalbaryo ko, baka mag-asawa na tayo ngayon eh. Pero joke lang ‘yun. Hintayin mo lang Juniper. Darating rin ang panahon na maikakabit ko rin ang apelyido ko sa pangalan mo.
Ang Julienne Nicole Peralta mo ay magiging Julienne Nicole Gomez na. At imbes na Juniper ang pangalan mo ay Junigo na ang itatawag sa’yo. Oh di’ba, Junigo ko? Ang sweet sweet ko? Ang ganda lang pakinggan ng Junigo dahil kapag naririnig ko ‘yun, isa lang ang pumapasok sa utak ko… akin ka na.
“Oh bakit?” pa-demure na sagot ko. Kung alam mo lang Juniper. Gustung-gusto na kitang ihagis dahil sa sobrang tuwa ko. Pero ‘wag kang mag-alala. Hindi naman kita ihahagis sa bangin, ihahagis lang naman kita papasok dito sa puso ko. Okay, ang cheesy at korni ko na. O sige, tawa na.
“Mahal kita,” ngumiti ka pa. Takte Juniper, oo na. Wag ka nang ngumiti, please lang. Hulog na hulog na ako.
“Mahal din ki—“ sagot ko pero hindi na natuloy ang sasabihin ko dahil sa muli mong pagtawag sa pangalan ko.
“Andrew!”
“Oh?”
“Gumising ka na!” sabad mo. Napakunot ako ng noo. Anong pinagsasasabi mo Juniper?
“Ba’t naman ako gigising eh kita mo namang mulat ang mga mata ko?”
“Late ka na oy, gising na!”
“Huh? Saan ako late?”
“Di’ba may Acquinatance Party pa tayo?” mas lalo akong naguluhan sa sinabi mo. Nasa Acquaintance Party na kaya tayo? Maya-maya pa ay may biglang yumugyog sa’kin at sa pagmulat ko, ang mga nagtatakang mukha ni Jan, Paulo at Tall Nut ang tumambad sa harap ko.
Juniper, nasa’n ka? Anong ibig sabihin nito Juniper? Bakit?
Nanlumo ako nang mapagtanto kung ano ang imahinasyon lang at kung alin ang totoo.
Totoong sinagot mo ako at tinawag mo na ring Andrew. Ang kaso, sa panaginip lang ‘yun totoo.
Ayos na e, happy ending na. Eh ang kaso, gumising pa. Nalaman kong panaginip lang pala. ‘Yan tuloy, nga-nga.
“Problema mo ‘tol? Ba’t parang pinagbagsakan ka d’yan ng langit at lupa?” lumapit si Jan habang hawak ang dalawang coat, isang itim at isang pula. Napakunot-noo lang ako ng maamoy ko ang kaharap ko. Bakit ang bantot ng lalakeng ‘to?