take twenty two

43.4K 394 71
                                    

Nung bata ako, nung mga panahong walang-wala kami ni Mama, na kahit ang pagkain eh salat na salat pa dahil hindi nagpapadala si Papa, itinutulog ko na lang ang pagsakit ng tiyan ko. At paggising ko kinaumagahan, wala na 'yung sakit, limot ko na rin ang kagutuman. Kapag masakit naman ang ulo ko, itutulog ko lang 'yan o kaya naman ay iinom ng gamot, mawawala rin kapag gumising na ako. Kapag sumasakit naman ang utak ko kakaisip sa mga problems sa Accounting, isang session lang kasama ang barkada, hindi na masakit ang utak ko.

Pero kapag masakit ang puso mo, pa'no ba nawawala ang sakit nu'n? Alam ko namang mahusay akong mag-isip ng lunas sa mga sakit-sakitan ko eh pero ang simpleng lunas sa sakit sa puso, 'di ko alam ang sagot. Ni walang bisa ang pagtulog o kahit na nga ang pag-inom ng alak sa sitwasyon ko.

Sa dinami-dami naman kasi ng sakit, bakit ito pa. At sa dinami-dami naman ng taong pwedeng masaktan, bakit ako pa? Juniper, minahal kita ng buo! Walang kulang, labis-labis pa nga eh. Dumating na nga sa puntong mas mahal na kita kaysa sa sarili ko. Binigay ko naman lahat 'di ba? Pero bakit nakuha mo pa ring saktan ako? Kulang pa ba?

Para akong tangang nakatunganga dito sa kwarto ng Mama mo. Kahapon ko pa narinig 'yung tawag mo pero hindi ka man lang daw pumupunta dito. Kaya ako na lang nagbantay sa kanya. Wala naman akong magagawa sa bahay eh. HIndi ko rin kayang mag-enroll sa Review Center para sa pagkuha ng board exam dahil sigurado naman akong wala akong matututunan, ngayon pa na wasak na wasak ang puso ni Nastimak...este ko.

Tahimik lang ako habang nakatutok ang mga mata sa screen ng TV. Hindi ko naman naiintindihan ang palabas. Gusto ko lang talagang buksan ang TV dahil gusto ko ng ingay. Baka kasi kapag puro na lang tahimik ang nasa paligid ko, baka mabaliw na ako. Naka-ilang buntong hininga na rin ako sa sobrang lungkot ko. Sa tuwing maririnig ko naman ang mga yabag ng paa sa tiles na sahig ng hospital eh napapalingon ako sa may pintuan, nagbabaka-sakaling ikaw ang iluluwa ng pinto. Pero sa bawal lingon ko, nadidismaya na lang ako kasi nurse at doctor lang naman ang pumapasok sa kwartong ito.

Maya-maya pa ay umubo-ubo ang Mama mo na nagpakunot ng noo ko. Sa pagkakaalam ko, breast cancer ang sakit niya at hindi TB, bakit umuubo siya? Nahihiya akong lumapit sa kanya at tiningnan siya sa mata. Pero habang tinitingnan ko siya, halos maluha ako sa nakikita. Wala na 'yung mahaba niyang buhok, wala na rin 'yung mamula-mula niyang kutis. Ni hindi ko na makita sa kanya ang Juniora ni Hitler. Isang matandang babaeng maputlang-maputla na lang ang nakikita ko. Halos wala ng buhay, tanging ang pagkurap na lang ng mga mata niya ang senyales na buhay pa siya. Kung titingnan nga, sobrang lapit niya na sa kamatayan.

"Ano po?" sambit ko. Isang ngiti naman ang sumilay sa mukha niya. Ngiti na kailanman ay hindi niya pinakita sa'kin. Kung hindi niya ako pinalilisikan ng mata eh magkadikit naman na kilay niya ang laging bumabati sa'kin. Sa'yo lang siya ngumingiti ng ganito dati. Pero ngayon, nginitian niya na rin ako. Gumaan ng konti ang pakiramdam ko.

"Gomez, bakit minahal mo ang anak ko?" turan niya. Napangiti ako ng konti, hindi pa rin pala siya nagbago. Gomez pa rin ang tawag niya sa'kin. Huminga muna ako ng malalim, pilit na hinahanap sa utak ko ang dahilan kung bakit kita minahal kahit ang laman lang naman ng utak ko ngayon ay ang tanong na: bakit mo ako sinaktan?

"Hindi ko nga rin po alam. Nagising na lang ako isang araw na hindi na lang siya 'yung childish na kulot na kaklase ko."

Tumawa ang matanda at halos atakehin ako sa puso dahil iba sa pandinig ang tawa niya, parang nahihirapan na naghihingalo na ewan.

"Kahit kelan talaga, ang tanga mo." Napabuntong-hininga na lang ako. Kahit kelan talaga, tanga ang tingin sa'kin ng Mama mo. At mukhang nagsisimula na rin akong maniwala na tanga talaga ako. Tanga talaga ako kasi minahal kita.

KuyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon