Kung sa una at ikalawang subok ay nagkamali ka, ayos lang 'yun, katanggap-tanggap pa 'yun. Pero kung sa ikatlo, ikaapat, ikalima, ikaanim at sumunod pang subok na nagkamali ka pa, aba, mahiya ka na. Hindi na 'yun pagkakamali, katangahan na 'yun.
Ilang beses na ba akong sumubok sa'yo? Ilang beses na rin ba akong nagmukhang tanga sa'yo? Hindi ko na mabilang, nakakahiya na. Siguro nga, tama na rin ang naging desisyon kong pagtigil na sa katangahang 'to. Katangahan lang naman ang lahat ng ito, di'ba? Wala naman akong mapapala kung ipagpapatuloy ko pa 'to, di'ba?
Tama na rin siguro ang pagtango ko sa Mama ni Baby di'ba? Wala naman akong pagsisisihan, diba? Wala naman akong maitatapon, di'ba? Dahil simula't sapul, wala naman talagang tayo, diba?
Nasa loob kami ng bahay habang tumutungga ng pulang kabayo na inutang pa namin sa tindahan nang mapadako ang kwentuhang tungkol sa mga desisyon ko sa buhay.
"And did it, my huweeeeeeeeeeeeeeeeeey--aray ko naman, Paolo! Bakit mo ko binatukan?" singhal ko matapos hawakan ang ulo kong pinukpok ng notebook ni Paolo. Nilapag ko na rin ang mike na kanina ko pa minumurder gamit ang boses kong pang-matinik idol. Ito namang si Paolo eh parang walang ginawang masama, prente lang itong nakaupo sa sofa ng bahay ko habang nakatutok sa hawak niyang notebook habang ang isang kamay naman eh hawak-hawak ang isang bote ng red horse. Ang gara naman nitong mga kaibigan ko, group study pero nag-iinuman. Hayaan na, genius daw sila. Mantakin niyo bang pagsabayin ang paglalasing sa pag-rereview. Oo na, kami lang ang ganyan. May patutunguhan ang tuition namin, pramis!
"Alam mo kasi, Andrew. Ang tanga-tanga mo. Kaibigan kita pero pasensya na, ang tanga-tanga mo lang kasi talaga! Bakit ka ba pumayag, hah? Ano ka, alila? Bawat utos nila, susunod ka? Kapag ba inutos nila na magpakamatay ka, susunod ka ba? Andrew naman, gumising ka nga!" parang Tatay na bulyaw sakin ni Paolo matapos niyang lumagok sa bote ng beer niya. Ang hawak ko namang mike ang pagdidiskitahan ko sana. Ang kaso, biglang hinila ng damuhong si Tall Nut at inilapag sa sahig ang mike na hawak ko. Ang duga nito, akin kaya ang bahay na 'to, bakit pinapakialaman ako sa mga trip ko?
"May saltik ka ba, tol? Akala ko ba, si Juniper ang mahal mo? Bakit lumiliko ka na?" seryosong tanong ni Tall Nut. Tumingin na lang ako sa sahig dahil may punto naman ang sinasabi niya.
Higit sa lahat, sila at sila rin lang ang nakakaalam ng mga nararamdaman ko. Sila 'yung tipo ng barkadang isang tingin lang sa mata eh alam na nila kung inlababo o heartbroken ako. Halos wala na akong maitatago sa kanila. Ultimo nga ang pagkakagusto ko sa isang tao, sila ang unang-unang nakakabisto. Minsan nga, hindi ko alam dahil gulo pa ang utak ko, pero sila, alam na nilang inlab na pala ako sa isang tao.
"Alam niyo naman na pagod na ako, di'ba? Gusto ko na ring magpahinga, mga tol. Nakakapagod ang habol ng habol. Nakakapagod kasi para lang akong asong ulol. Pagod na nga, nagmumukha pang tanga," sambit ko na parang wala sa wisyo. Naramdaman ko naman ang pagtapik ni Jan sa balikat ko.
"Pero ipapaalala ko lang sa'yo, Andrew. Si Juniper ang naging dahilan mo para bumalik ka sa dating ikaw. Siya ang nagbigay sa'yo ng bagong buhay. Nakalimutan mo na bang para ka nang isang patay na nabubuhay dahil sa pagkabigo mo sa Baby na 'yan? Tapos, sasabihin mong ayaw mo na kay Juniper dahil pagod ka na? Tol naman, bakit? Hindi ka ba napapagod kay Baby? Alam mo, hindi ka namin maintindihan eh. Kung sino pa 'yung sinasabi mong mahal mo, siya pang susukuan mo, anong problema mo? Bakit si Baby ang pinili mo?" anas naman ni Jan. Sa kanilang tatlo, kahit lagi siyang parang bobopol-bopol, siya ang nakapagbigay ng pinakamalalim na punto ngayon.
At nahihiya ako kasi kahit anong paliwanag nila, wala akong magawa kundi ang bumuntong-hininga sa kawalan ng pagasa.
"Kung hindi mo pa nga nakilala 'yang kulot at matabang Juniper na 'yan, malamang sa alamang eh araw-araw ka pang nagtitirik ng kandila at iblo-blow mo pa na para bang isa kang birthday celebrant matapos mog humiling na bumalik na 'yang si Baby mo. Kung alam mo lang, halos kaladkarin ka na namin sa Mental Assylum dahil sa kakaibang trip mo na 'yan," pagpapatuloy naman ni Paolo gamit ang tono ng matatanda sa pagpapasyon.