Minsan, may mga bagay na akala mo, alam mo na. 'Yung mga bagay na napag-isipan mo na nang ilang milyong beses at akala mong tama na eh mali pala. Minsan, mas masaya pala ang ma-surprise. Minsan, mas masaya palang umasa sa mga bagay na maaaring mangyari kung hahayaan lang natin na mangyari ang mga dapat mangyari at huwag pigilan ang mga bagay na dapat ay huwag pigilan. Kasi sa paghihintay na 'yun, makikita nating mas magiging masaya pala tayo. Mas magiging mas maganda pala ang sitwasyon kung susunod tayo sa ikot ng mundo at hindi sa ikot ng utak lang natin.
"Umalis ka nga sa harapan ko, ang taba taba mong batchoy ka!" bulyaw ko nang makita ko na naman na umaaligid-aligid ka. Kung pwede lang tumawa kanina pa ay ginawa ko na pero dahil kitang-kita ko naman na determinado ka d'yan sa trip mo ay pagbibigyan kita. Minsan ka lang maging ganyan kaya pagbiyan na. Aba, ilang habol din kaya ako sa'yo kaya susulitin ko muna 'yang determinasyon mo.
Akalain mo bang pagpasok na pagpasok ko pa lang sa campus eh ang dami mo nang ginawang pakulo. Kesyo gumawa ka pa talaga ng mala-passion na mensahe gamit ang radio system ng campus natin, ilang babae rin ang nagbigay sa'kin ng bulaklak. Pakiramdam ko tuloy, ang baduy-baduy ko. At ngayon naman, kinantahan mo ko nung kantang I won't give up sa harap ng canteen na may videokehan. Ang lakas rin ng trip mo eh. Ako ata ang pinapahiya mo sa ginagawa mo?
"Kapag umalis ako ngayon, hindi kita maaagaw kay Baby kaya hindi ako aalis!" Aba't nakuha mo pa talagang mag-cross arms? Anong trip mo? Umiling na lang ako kahit gustung-gusto kitang kurutin at yakapin sa lakas ng pagka-hyper mo. Kumain ka ba ng Sting na may Milo? Ang hyper mo masyado!
"Eh sa kanina pa ko naaalibadbaran diyan sa katabaan mo kaya lumayas ka muna, kanina pa ako nauumay! Ano ka, sineswerte, nakakaumay ang taba mo, Julienne Nicole Peralta!" muling biro ko. Pero ikaw naman itong affected masyado, agad na sineryoso ang sinabi ko. Naningkit pa ang malaki mong mata na kung maka-asta eh Koreana ka. Hoy Juniper, ang layo mo maging Koreana. Kaya wag pasingkit-singkit.
"Loko ka kuya, para sa kaalaman mo. Hindi ako mataba, chubby ako."
"Chubby daw, eh pareho lang naman 'yun. Ewan ko sa'yong batchoy ka. Tatawagan ko muna si Baby," sabad ko naman at kunwari pang may dina-dial sa 3210 kong cellphone. At ikaw naman itong si adik na nanlaki agad ang mata, at nakuha mo pa talagang hatakin mula sa kamay ko ang cellphone at itapon ito sa tabi ng basurahan.
"Hala ka, ba't mo tinapon?" Akman pupulutin ko na sana ito pero pinigilan mo ako? Hala, anong trip mo? Ilang segundo lang ang lumipas bago ka gumalaw at may kung anong hinahanap sa loob ng bag mo. Nang makita mo ito eh parang bumbilyang nagningning ang mga mata mo. Agad mo itong kinuha at inabot mo sa'kin ang isang kahon na nasa loob ng isang plastic na kulay blue.
Para naman akong baliw na tiningnan lang ito. Kitang-kita ko rin kung pa'nong nangunot ang mga mata mo.
"Wag ka nang magtyaga sa pamana ni Lolo mong 3210. Ayan 'yung cellphone mo, ang loko rin kasi ni Tall Nut at sa'kin pa talaga isinangla 'yan para mai-date mo lang daw ako. Salamat kuya ah?" Napalagok na lang ako sa mga sinabi mo. Ang tanga pala ng kaibigan ko. Kita niya na ngang ide-date ko 'yung tao, sa kanya pa talaga isinangla? Ang bobo niya, takte.
Kinuha ko naman agad ang aking wallet at tiningnan ang money bills na nasa pitaka at tangkang kukuha na sana ng three thousand ng pinalis mo ang kamay mo. Hala, ano 'to? Charity event?
"Wag na. Lagi kang nag-eeffort sa'kin, ibalato mo na lang sa'kin 'yan kuya. Isang date lang naman 'yan, kumpara sa pagkadami-dami nang ginastos mo," nakangiting sabi mo. Eto naman akong si nganga. Hindi ko ugaling pagastusin ang babae sa date eh. Bakit gusto mong ilibre ako? Dyahe ka talaga.