Mas mahirap ka pang intindihin kesa sa mga problem sa Accounting.
Mas mahirap ka pang i-imagine kesa sa mga triangles ng Geometry.
Mas mahirap ka pang i-explain kesa sa mga philosophical issues ng Philosophy.
Mas mahirap ka pang i-memorize kesa sa mga important dates and names ng History.
Sa totoo lang, napakahirap mong abutin, napakahirap mong intindihin, napakahirap mong arukin.
Pero kahit ganyan ka kahirap intindihin, kahit mas mahirap ka pa sa Accounting, Geometry, Philosophy at History… gusto pa rin kitang intindihin at sagutin.
Masakit na ang ulo ko sa’yo Kuya. Para akong naglalaro ng chess nang mag-isa. Bukod sa hirap na hirap na nga akong kalabanin ang sarili ko, nagmumukha pa akong tanga.
Bakit nga ba gano’n Kuya?
Siguro nga, mali akong paasahin ka. Pero eto lang naman ang kaya kong ibigay sa’yo eh. Hindi ko pa kayang ibigay ang titulo na hinihingi mo. Hindi pa ngayon.
Pero kahit naman hindi tayo, ikaw lang naman ang gusto ko.
Ikaw lang naman ang nagpatibok nito, ikaw lang naman ang lalakeng hindi mawala-wala sa panaginip ko, ikaw lang naman ‘yung gumugulo sa isipan ko, ikaw lang naman ang nambubulahaw sa pagrereview ko, ikaw lang naman ang lalake sa buhay ko. In short, ikaw lang naman eh.
Napakalamig. Malamig na nga ang panahon, nakisama ka pa.
Ang lamig-lamig mo din.
Nanginginig ang buong katawan ko, halos gustuhin ko nang itapon ang sarili sa nagbabagang apoy para lang mawala ang lamig na ‘to. Idagdag pa ang kadramahan mo sa cold treatment na ginagawa mo. Alam mo, minsan, hindi talaga kita maintindihan.
Minsan, hindi ko maintindihan kung bakit ang lakas ng feeling mo magka-moodswing? Kuya? Ano bang nangyari? Sa totoo lang, para akong baliw kakaisip kung ano ba talaga ang dahilan nang pagiging suplado mo.
Lagi na lang kitang tinitingnan sa malayo dahil hindi ko alam kung pa’no ba kita kakausapin. Hindi ko alam kung sa oras na lumapit ba ko sa’yo, iirapan mo ba ako o yayakapin. Lagi na lang akong walang ideya. Minsan pa, natatakot ako sa’yo. Nakakatakot ka kaya! Para kang laging may dalaw. Lagi kang naka-busangot. Lagi kang nagtatampurorot. Lagi mo na lang akong iniirapan. Para kang isang dalagang may dysmenorrhea.
Pero sa ngayon, isa lang ang alam ko eh, miss na miss na kita. At kahit ipagtulakan mo pa ko dito sa kalsada, kahit ipagdakdakan mo pa sa’kin ang mga salitang ayaw mo na, okay lang. Hindi ako bibitaw. Kahit ngayon man lang, ako naman ang humawak, ako naman ang mag-effort. Hindi ako bibitaw, Kuya. Hindi talaga.
Dahil alam mo ba, Kuya? Miss na miss na miss na talaga kita.
“Julienne,” sambit mo. Napabuntong-hininga na lang ako at tumingin sa madilim na langit na para bang humihingi ng isang milagrong hindi ko alam kung ibibigay ba o hindi.
“Bakit ba ang lamig mo Kuya?” tanong ko habang nakayakap sa’yo. Ramdam ko ang mahinahon mong paghinga. Samantalang ako eh halos aatakehin na sa puso dahil sa sobrang kaba. Bihira ko lang gawin ‘to eh. Este hindi ko nga pala ginawa ‘to sa buong buhay ‘ko. Ngayon lang. Oo na, bente anyos na ako pero legal naman kung sasabihin kong NBSB ako di’ba?
“Aba, ikaw lang naman ang malamig ‘no. Cold-blooded amphibian ka kasi!” At nakuha mo pa talagang mag-biro? Kung pwede lang akong mag-face palm eh ginawa ko na pero dahil yakap kita eh mas gugustuhin kong ipulupot na lang ‘tong mga kamay ko sa’yo.