Minsan talaga, ang gulo rin ng ikot ng mundo. Kung alin pa ang mahirap abutin, siya pa ang gugustuhin. Kung ano naman 'yung napakadaling kunin, di naman pinapansin.
Parang ikaw, hirap ako sayo ah. Dyahe, samantalang si Baby, isang tawag lang, magkakandarapa na 'yun sa pagtakbo papalapit sa'kin. Pero naisip ko lang, iba rin kasi ang pakiramdam kapag pinaghirapan. Tipong ang tamis ng tagumpay? Ang saya ng buhay? Oo na, ako na ang high na high. Daming alam.
Tiningnan kita matapos ang isang oras na pagsusulat ng putakteng reflection paper na pinapasulat ni Lolo Tasyo. Ang sakit na ng mata ko, bakit ba kasi sumasakit ito kapag binababad ko sa screen ng laptop ko? Bumuntong-hininga na lang ako. Hindi naman kasi nabababad ang mata, try mo kayang alisin ang eyeballs mo kung makakita ka pa?
"Ayos ka lang?" tanong ko sa'yo. Ngumiwi ka naman, anyare sa'yo? Para kang palakang hindi maihi sa kinalalagyan mo eh.
"Kuyaaaaa..." pahaba pa ang nguso mong sambit mo. Matawa-tawa naman ako sa itsura mo. Ang lakas ng trip eh, parang 'yung mga pa-kyot na anime.
"Problema mo ba?" tanong ko ulit. Hindi ko napigilan ang sarili ko, agad kong kinuha ang magaspang na kamay mo at marahang pinisil-pisil ito. Hindi ko alam, gustung-gusto kong hawakan 'tong mga kamay mo. Ang gaspang nga eh pero kahit ganon eh tuwang-tuwa pa rin ako. 'Yang mga kamay mo kasi, parang kamay ni Nanay, siguro, 'yun nga ang dahilan. Dahil sa tuwing hawak ko ang magaspang na kamay mo, pakiramdam ko, hawak ko lang ang kamay ni Nanay. Ang kamay ni Nanay na nagpapawala ng takot sa puso ko, pakiramdam ko, walang masamang mangyayari, pakiramdam ko, magiging okay lang ang lahat. Basta, kapag hawak ko ang kamay mo, panatag ako, walang mangyayaring masama sa mundo ko.
Okay, ang haba na ng explanation ko sa paghawak sa kamay mo, pwede na nga sigurong gawing 'Alamat ng Kamay' ang kwento ko.
"Eh kasi naman, ngayon lang ako pupunta sa bahay niyo. Baka palayasin lang ako ng Nanay mo," kinakabahang sagot mo. Ngumiti na lang ako nang makita ang takot sa mga mukha mo. Marahan kong hinawakan ang nakakakunot mong noo at mataman na pinisil ito, pilit na inaalis ang mga kunot sa pamamagitan ng paghagod ng kamay ko.
"Ano ka ba, 'wag kang mag-alala. Kahit naman nangagagat si Mama, wala naman siyang rabies, pinabakunahan ko 'yun nung huling punta ng mga barangay health workers," pilyong sagot ko. Mas lalo namang nanlaki ang mga mata mo. Takte, kung ang iba, maganda kapag naniningkit ang mata, iba naman sa'yo, ang ganda mo kapag nanlalaki ang mata mo.
"Tinatakot mo naman kasi ako eh," pag-aalburuto mo pa. Natawa na lang ako at muling hinawakan ang kamay mo. Huminga muna ako nang malalim bago sumagot.
"Alam mo, kahit palayasin ka pa ng Nanay ko, hindi naman niya mababago ang pagmamahal ko sa'yo. Kaya wag ka nang matakot d'yan, andito naman ako eh," sambit ko habang nakangiti.
Tumango ka naman at sumandal sa balikat ko. Ilang araw na rin tayong ganito. Kapag nalulungkot ang isa, papasayahin naman nung isa. Kapag kinakabahan 'yung isa, susuportahan naman nung isa. Ganito pala ang pakiramdam ano? Hindi ko na nga maalala ang lahat ng paghihirap ko sa'yo dahil kahit ilang araw pa lang tayong ganito, pakiramdam ko, bawing-bawi na ako.
"Sana, magkasama na lang tayo sa trabaho pagka-graduate natin dito. Para naman 'di kita mamiss. Oy ikaw, Kuya ah, wag kang magpa-miss!" Kinurot mo pa ang ilong ko pero kitang-kita ko naman sa mata mo ang takot na maaaring magkalayo nga tayo dahil sa trabaho.
"Eh kung sa abroad na lang tayo magtrabaho? Mag-take lang tayo ng international board exam para maging legitimate accountants tayo du'n?" tanong ko naman. Pero ikaw naman 'tong si kunot-noo, nagmumukha nang noodles ang pagkakulot ng noo mo.