Maraming nagsasabi na ang tanga ko.
Sa tuwing kinekwento ko ang mga sakripsyong ginawa ko, mapunta lang sa lugar na ito ay kanya-kanya sila ng ilingan. Mula sa driver ng cab na nasakyan ko nang minsan akong dumako sa grocery, hanggang sa isang Nanay na naghihintay sa anak niyang pumasok sa eskwela, at kahit ang isang lalaking tumatambay sa coffee shop na tumabi sa'kin dahil puno na ang lahat ng upuan, lahat sila'y nagsasabing hindi raw makatarungan. Hindi naman daw ikaw ang iniisip ko, hindi naman daw ikaw ang isinasaalang-alang ko. Sarili ko raw. Sarili ko raw ang prino-protektahan ko. Hindi naman daw ikaw.
Makasarili ba talaga ako?
Ayaw ko lang namang makita kang masaktan nang dahil lang sa pesteng sakit na 'to eh! Hindi ko kayang makita sa mga mata mo ang galit, ang lungkot, ang panghihinayang. Ayaw kong sirain mo ang buhay mo nang dahil lang may sakit ako. Ayaw kong tumigil ka sa pagtupad ng mga pangarap mo dahil lang may cancer ako.
At ayaw ko ng awa mo. Awa dahil may cancer ako, awa dahil hindi ko na matutupad ang mga pangarap ko, awa dahil kahit kelan ay hindi ko na magagawa pang tumuntong sa simbahan at sambitin ang katagang 'I do' habang nakangiting nakaharap sa'yo. Hindi ako magiging Gomez. Hinding-hindi ko na makukuha pang magka-anak. Hindi ko magagawa lahat ng 'yon dahil lang sa sakit na 'to.
Siguro nga, makasarili ako. Pero lahat ng 'yon, ginawa ko kasi alam kong bukod sa'kin, masasaktan ka rin. Mas mabuti nang dito na lang ako. Lalo ngayon na hindi ko na rin alam kung makakaya pa kitang balikan sa lahat ng mga palabas na ginawa ko.
Kung alam mo lang, ni isa dun sa mga sinabi ko, hindi totoo. Lahat ng 'yon, parte ng kasinungalingang magsasalba sa'yo sa sakit na maaaring idulot ng problema ko. Sa dami ng itinatago ko sa'yo, ni hindi ko na alam kung karapat-dapat pa ba ako sa'yo. Sa oras na malaman mo ang nangyari sa'kin nang highschool ako, hindi ko na alam...wala na akong mukhang ihaharap sa'yo.
Pansamantalang natigil ang pag-iisip ko nang biglang tumambad sa harapan ko ang nakangiting si Lucio. Sa kamay niya ay nakapatong ang isang kahon ng pizza. Pinilit kong ngumiti at nilapirot ang ilong niya. Umiling na lang siya.
"Simula nang umalis tayo sa Pinas, ganyan ka na lagi. Bakit ka ganyan, Nicole? Ni hindi mo na makuhang ngumiti ng totoo. Ano bang bumabagabag sa'yo? Si Andrew ba?" Umakbay ito sa'kin matapos umupo sa tabi ko.
"Wag na nating isipin 'yun," malamig na sambit ko pero sa kaloob-looban ko, ikaw na naman ang iniisip ko.
"Pumayag ka ngang pumunta rito pero hindi ko naman maramdaman ang presensya mo. Isang buwan na tayo rito pero wala kang ibang ginawa kundi ang magmukmok dito sa bahay. Ni hindi ka lumalabas. Lumalabas ka lang kapag shift mo na sa trabaho. Ang putla-putla mo na, Nicole! Umamin ka nga, may tinatago ka ba?" inis na turan ni Lucio. Yumuko na lang ako, hindi ko alam kung pa'no ko sa kanya sasabihin ang lahat.
Isang nakabibinging katahimikan ang namayani sa loob ng bahay.
"Sabihin mo sa'kin, Nicole. Alam ko namang wala na akong lugar d'yan sa puso mo eh. Pero kahit sa pagiging bestfriend ko man lang sa'yo, masabi mo sa'kin kung ano 'yang bumabagabag sa'yo. Alam kong hindi lang naman si Andrew ang iniisip mo eh, sabihin mo sa'kin," muling suyo nito.
Unti-unting nangilid ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Kung meron mang taong hindi ako iniwan at makakaya pa rin akong tanggapin sa lahat ng nangyari sa'kin, si Lucio na 'yun. Hindi niya ako ikinahiya. Ni hindi ko naramdaman sa kanya ang awa nang malaman niya ang nangyaring pangre-rape sa'kin noon. Andu'n siya sa tabi ko habang ipinagbubuntis ang isang batang hindi ko naman dapat ipinagbuntis. Andu'n siya habang nagle-labor ako sa hospital. At andu'n siya nang una kong makita si Erin, ang anak ko. Ang anak na bunga ng pangre-rape sa'kin. Lalong andu'n siya nang mamatay si Erin nung three day old pa lang ito. Wala na akong maitatago pa kay Lucio.