take twenty

50.1K 428 85
                                    

Tiwala.

Sabi nila, mahirap daw makuha ang tiwala ng isang tao. At kapag nakuha mo nga ito, kailangan mo ring pangalagaan 'to na para bang isang mamahaling muebles na hindi pwedeng mabasag. Tratuhin na para bang isa itong mababasaging vintage na baso na sa oras na bumagsak sa sahig ay mababasag at mawawalan ng saysay. Sa oras na mabasag ang tiwala, tiyak na masasaktan ka, hindi lang dahil sa sugat na maaaring magawa ng bubog, kundi dahil ang minsang isang maayos na baso na pinahahalagahan mo nang buong puso ay mawawala na sa'yo. At kahit anong pilit mo pang ayusin ay hindi mo na ito maibabalik sa dati nitong anyo. Dahil kahit nahanap mo man ang malalaking piraso ng bubog, mayroon pa ring matitirang maliliit na piraso na maaaring hindi mo na makita, kahit anong hanap pa ang gawin mo. Ang dating vintage na baso na dumaan na sa nagdaang mga panahon ay ganon-ganon na lang mawawala. Dahil nabasag, dahil nagkalat na sa kung saan. Dahil hindi mo na maibabalik sa dati, kahit umiyak ka pa ng dugo.

Tuliro akong tumingin sa'yo, katabi kita pero parang ang layo mo. Ito 'yung totoong pakiramdam ng 'so close, yet so far'. Hinawakan ko ang kamay mo at pinisil-pisil ito tulad ng nakasanayan, pilit na pinaparamdam sa'yo na andito lang ako sa tabi mo. Pero parang isang bato lang ang pinipisil ko, ni hindi ka gumagalaw, ni hindi ka tumitingin sa'kin. Para akong hangin, ni hindi mo ako maramdaman. Nakatingin ka lang sa kawalan na para bang pasan mo na ang lahat ng problema sa mundo, na para bang kahit ako na boyfriend mo eh hindi matatanggal 'yang bigat na pinapasan mo.

Isang linggo nang naka-confine ang Mama mo sa hospital. Pagkarating na pagkarating kasi natin sa bahay niyo galing sa night out nung graduation ay nakita na lang natin siyang walang malay sa kusina.

Napakarami na ring test na dinaanan niya para lang makumpirma kung ano ang sakit niya pero iisa lang ang sagot sa mga tanong mo, Breast Cancer. Stage four. Ayos sana kung stage one lang 'yun eh, pwede pang maagapan. Pero stage four. Hindi stage three, hindi stage two. Stage four 'yun at isa lang ang ibig sabihin nu'n, malala na. May taning na nga eh.

Dapat nga, matuwa ako eh. Wala nang Hitler na tatawag sa'kin ng Gomez kapag naiinis siya. O kaya naman, wala nang mag-uutos sakin ng mga pang-tanga lang na utos. Wala nang magpapa-laba sa'kin ng gabundok na labahan gamit ang kamay. Wala nang magpapa-brush ng tiles na sahig gamit ang bungi-bunging toothbrush. Wala nang magbabawal sa'kin na manuod ng NBA, magbukas ng electric fan at uminom ng juice habang nakapatong ang pagod na paa sa crystal table sa sala. Wala nang salot, wala nang magiging kontrabida sa oras na mawala na siya.

Pero heto ako, hindi ko na mabilang kung ilang dasal na ba ang ginawa ko sa Diyos, gumaling lang siya. Ilang pasyon na ang binasa ko, maipadala ko lang sa Diyos ang mga dasal ko. Ilang rosaryo kasama si Mama, ilang mass intentions sa simbahan. Pakiramdam ko nga, quotang-quota na ako sa dasal eh, tipong 'yung dinasal ko ngayon, 'yun lang ang normal na dasal ko habambuhay. Hindi ako madasalin na tao, bihira nga lang ako manawagan sa Dioys. Pero hindi pa rin ako tumitigil. At ang masaklap pa, naluluha ako kapag nakikita ko siyang mahinang-mahina matapos ang isang session ng dialysis.

Hindi ko alam kung bakit ang weirdo ko. Kung nasasaktan ka, nasasaktan rin ako. Hindi mo nga lang alam kasi simula nang malaman mong may sakit siya, parang tinanggap mo na rin sa sarili mo na wala na siya, na patay na siya.

Tahimik lang tayong naglakad sa lobby papasok sa kwarto ng Mama mo matapos nating asikasuhin ang mga bills. Pero hindi pa tayo nangangalahati ng lakad ay dumating na ang magaling na si Lucio. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko nang makita ko ang ngiti sa mata mo. Hindi ka man mismo ang ngumiti, kitang-kita ko naman ang pagbabago ng mata mo. Ang kanina'y malamlam eh ngayon ay kumikislap. Matutuwa ba dapat ako dahil sa sampung araw na ma-confine ang Nanay mo ay ngayon ka lang ngumiti? O magseselos ba ako dahil kahit hindi kita iniwan sa sampung araw na 'yun, ni hindi ko man lang nakitang sumilay sa mukha mo ang ngiti.

KuyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon