Kapag bumagsak ka sa sa test, kahit sobra kang nag-aral, matatanggap mo 'yun. Kapag trinaydor ka ng mga taong akala mo eh totoo sa'yo, kahit mahirap ay matatanggap mo 'yun. Pero kapag niloko ka, kapag hindi ka pinapansin at trinatatong parang hangin ng mahal mo, matatanggap mo kaya?
Ako? Ewan. Dalawang linggo na rin simula nang hindi mo ako kinakausap. Dalawang linggo simula nang itinapon mo na ako sa mundo mo. Dalawang linggo na akong humihingi ng kahit anong tsansang makasama ka man lang pero wala. Dalawang linggo na rin akong hindi nakakapunta sa hospital dahil pinagbawalan mo na ako. Dalawang linggo akong parang engot tuwing review dahil lagi lang naman akong lutang kakaisip kung anong problema. Dalawang linggo akong umasa na gagawa ka ng paraan para magkaayos tayo dahil napagod na akong gumawa ng paraan. Ako na lang ba lagi? Dalawang linggo nang magulo ang mundo ko. Sa dalawang linggo na 'yun, bakit hindi ka man lang nag-effort na ayusin ang kalat at gulo sa buhay ko?
Hawak ang isang mug ng milo na tinimpla ni Mama, malungkot akong tumingin sa itaas ng langit. Walang makulay at kumikislap-kislap na bituin, ni walang buwan na sumisilip-silip sa tuwing makakawala sa lumpon ng mga ulap. At sa hindi ko na mabilang na pagkakataon, naalala na naman kita.
Naiinis ako. Dapat, hindi kita iniisip eh. Dapat, hindi mo pino-pollute ang utak ko dahil ikaw nga mismo eh hindi magawang isipin ako. Pero heto ako, iniisip kita. Takte. Ang sarap hambalusin ng utak ko para 'di na lang kita maisip. Ang sakit-sakit na ng utak at puso ko, Juniper. Pero may magagawa pa ba ako kung hulog na hulog na ako sa bitag mo?
Advice ko dati sa mga barkada ko, kung magmamahal ka, 'wag 'yung buo. Dapat eh magtira ka rin para sa sarili mo. Pero ano 'tong ginawa ko? Lahat na ata ng pagmamahal na pwede kong ibigay, pati na ang reserbang pagmamahal na para sa'kin na dapat eh naibigay ko na sa'yo. At ngayon, sinasayang mo lang. Sinasayang mo lang lahat ng 'yun.
Maya-maya pa ay naramdaman ko na lang ang pagtabi sa'kin ni Mama dito sa veranda. Natatakpan ng puting mask ang mukha niya. Hindi ko alam kung ano na namang eksperimento ang nilagay niya sa mukha niya. Dahan-dahan niyang ipinatong ang ulo niya sa balikat ko at masuyong pinisil-pisil ang isa kong kamay. Kung titingnan, para na kaming magka-relasyon sa inaasta niya pero wala akong pake. Sa dinami-dami ng babaeng dumaan sa buhay ko, si Mama lang ang alam kong hindi ako iiwan. Siya lang ang di wawasak sa puso ko. Siya lang kasi 'yung babaeng inaasahang gagawin sa'kin 'yun, hindi niya nagawa, hindi mo nagawa para sa'kin 'yun, Juniper. Hindi talaga.
"Ma," sambit ko nang ilang minuto na kami sa ganoong pwesto pero wala pa ring kumikibo.
"Ano 'yun, nak?" malumanay na sagot niya. Inalis niya na rin ang pagkaka-sandal niya sa'kin at matamang tumingin sa'kin. Napakamot na lang ako ng ulo sabay lagok ng mainit na Milo. Aray, napaso tuloy ako!
"Anong gagawin mo? Halimbawa, ikaw 'yung sundalo tapos 'yung prinsesa naman ang sumuko ngayon? Lalaban ka pa rin ba? O susuko ka na rin kasi 'yung prinsesa na 'yung sumuko, 'di ba? Hindi mo na siya mamamandahan kasi, sundalo ka lang." Napahinga ako ng malalim at tumingin sa taas. Kapag naaalala kita, awtomatikong nagiging magulo ang utak ko, at awtomatiko ring nasasaktan ang puso ko.
"Simple, maghihintay ako."
"Yun lang ma? Ano pang silbi ng pagiging sundalo mo kung maghihintay ka lang?"
"Hindi. Maghihintay akong mismong puso ko na rin ang sumuko. Minsan, madali lang, minsan, aabutin ng taon. Pero mas mahirap naman kung papahirapan mo ang prinsesang ipaglaban ang isang bagay na ayaw niya. Kung mahal talaga ng sundalo ang prinsesa, matututo siyang magpaubaya at sumunod sa kagustuhan ng prinsesa niya. Oo, masakit 'yun sa parte ng sundalo kasi buong buhay niya, 'yun ang pinaglaban niya tapos bibitawan niya lang ng ganon-ganon na lang. Pero kung alam naman ng sundalo na magiging masaya ang prinsesa sa pinili niya, bakit pa siya pipigil 'di ba? Misyon ng sundalo na pangalagaan ang prinsesa at panatilihing masaya ito. At kung ang gusto ng sundalo ang magiging rason para malungkot ang prinsesa, dapat tigilan na ng sundalo ang pinipilit niya. Kasi masasaktan at masasaktan lang siya," mahabang sagot ni Mama.