Pagod. Minsan talaga, 'yan ang rason kung bakit sumusuko ang isang tao. Oo, gustung-gusto niyang makuha o makamit ang isang bagay, pero kapag napagod na, du'n na dapat magtanong. Kapag napagod ba ako, ipagpapatuloy ko pa ba?
Pwes, ako, kahit mapagod ako, kahit hapong-hapo ako, ipagpapatuloy ko pa rin ito. Dahil alam ko, kahit mapagod man ako, masaya naman akong makitang ang pinagpapaguran ko eh para sa'yo at para sa kung ano ang meron tayo.
"GOMEZ!"
Napakamot na lang ako nang marinig ko na naman ang tawag niya sakin. Hindi naman sa kinakainis ko ang pagtawag sa'kin ng Nanay mo gamit ang apelyido ko, pero syempre naman, binigyan naman ako ng pangalan ng Nanay ko, mahirap ba 'yung maintindihan? Tsk, pareho talaga kayo ng Nanay mo, matigas ang ulo. Kung ikaw, Kuya ang tawag mo sakin, siya naman, Gomez. Hay, buhay, nasaan ang tinapay?
Hindi siya teacher o propesor, pero utang na loob, ganyan ang pagtawag niya sa'kin. Seryoso, Juniper, bakit ganyan ang Nanay mo? Si Mama naman, hindi ka pinapahirapan nang ganito samantalang ako, halos gawin na ata akong boy sa bahay niyo. Kung ikaw, parang maharlikang prinsesa ang turing sayo ng Nanay ko, ako naman, halos maging aliping sagigilid na ata ako sa lagay kong 'to.
Dahan-dahan kong pinunas ang bimpo sa mukha na nagmukha na atang basahan sa pagkabasa ng pawis ko. Hapong-hapo akong tumayo matapos ipapunas sa'kin ng Nanay mo ang tiles na sahig gamit ang isang toothbrush. Juskong buhay ko 'to, ano bang pinasok ko? Ano bang ginawa kong kasalanan sa unang pagkabuhay ko at pinaparusahan ninyo ako ng ganito?
Latang-lata akong umupo sa sofa. Hayaan na, pagod na ako, kailangan kong huminga. At dahil pagod sa maghapong pagbru-brush ng puting tiles gamit ang isang maliit na tootbrush (mabuti sana kung brush ang pinagamit eh, may mop naman, masyado lang talaga akong pinapahirapan) ay agad kong pinindot ang electric fan sa number three at masayang humarap dito, ninanamnam ang hanging nanggagaling dito.
At dahil gusto ko talagang mag-relax ay agad ko namang pinindot ang TV niyo, sa pagkakaalam ko kasi ay NBA ngayon, Miami Heat versus Antonio Spurs. Matagal ko na 'tong inaabangan eh dahil may pustahan kami nina Tall Nut, Jan at Paolo kung sino ang mananalo. Kami ni Paolo eh sa Heat, 'yung dalawa naman ay Spurs.
Libang na libang na ako sa panonood habang umiinom ng melon juice at prenteng nakataas ang paa sa isang glass na lamesa habang nakasalampak sa isang lazy boy na upuan nang bigla kong narinig ang boses na halos isumpa ko nang hindi marinig.
"GOMEEEEEZZZZ!"
Halata sa boses niya ang inis kaya para akong epal na nataranta sa pagtawag niya. Mabilis pa sa alas kwatro ang pagharap ko sa kanya at halos maubusan ako ng hininga nang makita ko ang umuusok na tenga at ang mas mataas pa sa Mount Everest na kilay niya.
"P-Po?" Napalunok ako habang nangangatog ang tuhod. Nagsimula siyang humakbang papalapit na mas lalong nagpakaba sa'kiin. Halos lumabas na ata ang puso ko sa lakas ng kabog nito.
"Sinong nagsabi sa'yong pwede kang gumamit ng TV ko? At talagang gumamit ka pa ng Electric Fan? At walang hiya ka! Nakuha mo pa talagang uminom ng melon juice ko? Anong klaseng tao ka ba?! Walang hiya ka! Hindi mo alam na sa bawat segundong lumilipas na nakabukas 'yang TV at Electric Fan na 'yan eh tumataas ang kilowatts ng Kuryente? Bobo ka ba? Ang mahal mahal ng kuryente tapos kung makagamit ka, akala mo, sa'yo ang bahay na 'to?!" bulyaw niya na mas lalong nagpakaba sa'kin. Dahil sa sigaw niya, nagkukumahog akong tumayo kahit gustung-gusto ko pang humilata at magpahinga. Mahirap na, ayaw ko pang mamatay at murder-in.
Nanginginig na rin ang Nanay mo sa galit, halos matalo niya na si Majinbu ng Dragon Balls sa dami ng imaginary usok na lumalabas sa tenga niya, halos talunin niya na rin sa Harimon (yung pulang demonyo) sa pula ng mukha niya.