Masakit. Napakasakit. Kung meron mang isang bagay na gusto kong alisin sa buhay ng isang babae, eto 'yun eh. Bakit pa kailangang dumanas ang mga babae ng ganito? Sa dinami-dami naman kasi nang pwedeng mangyari, eto pa talaga! Bakit ba kasi?!
Napasinghap na lang ako nang muli na naman akong tinira ng pesteng sakit na 'to. Inikot ko ang paningin ko sa buong kwarto pero halos mahilo-hilo na ako sa sakit ng ulo ko. Maya-maya pa ay tumunog naman ang cellphone ko at kahit sobrang sakit na ng nararamdaman ko ay pinilit kong tumayo para makita kung ano ang dahilan kung bakit tumunog ito.
One message received.
Marahan ko munang ipinikit ang mata ko nang muli na naman akong inatake ng sakit. Huminga muna ako ng malalim at pinigil ang paghinga pagkatapos, sa pagpigil ko kasi nang paghinga ay panandaliang nawawala rin ang sakit.
Papunta na ako d'yan. Hintayin mo 'ko, mahal kita.
Napakunot ako ng noo pagkabasa ko ng text mo. May usapan ba tayo? Wala naman akong naalalang usapan ah. Gustuhin ko mang ngumiti sa huling sentence ng text mo eh di ko magawa.
Huh? Ba't ka pupunta dito? Wag kang pumunta, masakit ulo ko.
Isasagot ko sana pero halos mag-hurumentado naman ako nang makita ang senyales na wala na pala akong load. Sa inis ko ay muli akong dumapa sa kama at nahiga. Bahala na, mawawala rin naman siguro 'tong sakit na 'to pagdating mo. Itutulog ko na lang muna 'to.
"Nicole," sambit ng isang tinig na siyang gumising sa'kin sa mahimbing na pagkakatulog. Unti-unti kong binuksan ang talukap ng mata ko at tumambad sa'kin ang maamong mukha ni Mama na kanina pa ata nakatayo malapit sa kama ko.
"Bakit?" tanong ko dito. Ngumiti lang siya ng matamis bago muling sumagot.
"And'yan sa sala ang magaling mong boyfriend," turan niya pa. Napatango na lang ako at mabilis na tumayo. Nang tumayo ako ay wala na ang sakit ng puson ko, mabuti naman.
"Lalabas na lang po ako," sambit ko pa kahit halos ayokong magsalita kay Mama. Naalala ko kasi ang mga kalokohang ginawa niya sayo tatlong linggo na ang nakararaan. At hindi rin nakalagpas sa tainga ko ang sinabi niyang 'magaling kong boyfriend' na para bang inis na inis siya sa idea na boyfriend kita. Bakit ganun siya, Kuya? Actually, bati na naman kami ni Nanay eh, hindi ko lang talaga mapigilang mainis sa kanya sa hindi malaman-lamang dahilan.
"Bilisan mo na, kanina pa 'yun naghihintay," dagdag niya pa. Napailing na lang ako at nagsuklay ng buhok gamit ang kamay ko. Lumabas na rin naman si Nanay, nakatunog ata na hindi ko gusto ang presensya niya ngayon. Nang lumabas lang ako ay saka lang nakahinga na rin ako nang maluwag.
Nang pakiramdam ko eh maayos na ang itsura ko eh lumabas na ako. Dahan-dahan akong naglakad palabas hanggang sa nakita kita. At kaagad namang umusok ang tainga ko nang makita kita habang suot mo ang kinaiinisan kong polo shirt mo. Trip na trip mo lang talaga 'yang suotin kapag special ang okasyon eh. Tulad nung birthday ni Tall Nut, nung exam at marami pang iba.
Hindi ko talaga siya gusto, 'yang polo na suot mo! Umiinit na naman ang ulo ko dahil 'yang Tshirt rin na 'yan ang suot mo nang minalas tayo sa pag-take ng midterm exam kung saan hindi tayo parehong pumasa. Ang sabi mo pa nga sa'kin, dahil suot mo 'yang polo na 'yan ay sweswertehin tayo. Pero ano? Bumagsak tayo, natatandaan mo ba? BUMAGSAK lang naman tayo, at ang malala pa, midterm 'yun eh. Buti sana kung prelims lang o semi-finals dahil maliit lang ang epekto nu'n sa grades natin pero hindi eh. Midterms 'yun at bagsak tayo, hindi mo man lang inalala na maaaring hindi tayo maka-graduate kung hindi natin makuha ang grade na 88 para lang makasama tayo sa graduating class.