Wala na atang mas sasakit pa sa katotohanang 'yung taong inaakala mong hindi ka iiwan eh iniwan ka na. May kulang. Sa pagkawala niya, may nawala rin sa'yo. Maaaring ang mga alaala, mga pangako o kaya naman, ang saya. At kahit ilang taon ang lumipas, hindi na maibabalik pa ang nawala. Dahil kasama itong nawala nang mawala rin ang taong 'yun.
Kapag mag-isa na lang ako, lagi kong naaalala si Mama. Oo, mataray siya sa lahat. Oo, masungit siya. Oo, hindi siya gusto ng karamihan ng mga tao. Pero kahit gano'n siya, alam kong totoo siya. Walang balat-kayo, what you see is what you get nga raw.
Kaya naman ngayon huling araw ng burol niya, hindi na ako nagtaka na maraming tao ang dumating para makita siya. Isang mapagkakatiwalaang accountant si Mama, mismong mga former boss at collleagues ay pumunta. Efficient kasi siya, she always gets ahead of everything. Na kahit ang burial niya ay planado na. Kung meron mang role model na tinitingala ko, siya 'yun. Mapagmahal siyang nanay. At magaling, loyal at maalaga na asawa nung buhay pa si Papa. Nakakapagtaka ngang hindi na siya naghanap ng iba nang mamatay si Papa. Siguro nga, kasama ring namatay ang puso niya sa pagkawala ni Papa. Higit sa lahat, isa siyang career woman. Hindi niya hinayaang maging hindrance ang pagkakaroon ng pamilya sa pag-abot ng mga pangarap niya. She was a great multi-tasker, at kahit ano man ang ginagawa niya, she always see to it that she do her best for the said thing.
Unti-unti akong lumapit sa casket niya at kasabay ng mga maliliit kong hakbang ay ang pagtulo ng luha at ang panginginig ng buo kong katawan. Hindi ko alam kung pa'no ko tatanggapin ang lahat. Hindi ko kaya. Buong buhay ko, kasama ko siya. Tapos ngayon, mag-isa na lang ba akong makikipaglaban sa bawat hamon ko sa buhay?
Isang simpleng ngiti ang nakaguhit sa kanyang mukha. Ngiting mapagparaya, ngiti ng tagumpay, ngiti ng pagtanggap sa kamatayan, ngiting patunay na masaya siyang lilisan. Masaya ba talaga siya? O gawa-gawa niya lang 'yang ngiting 'yan para mas lumakas ang loob ko. Minsan talaga, hindi ko rin maintindihan si Mama. Sa sobrang pagmamahal niya sa'kin, maraming prinsipyo na ang tinapakan niya.
Tanda ko pa nung elementary ako, sinuntok ko 'yung kaklase ko dahil tinapunan ng putik ang puti kong jumper. Galit na galit ako nu'n dahil ayaw na ayaw ni Mama na nadudumihan ang mga nilalabhan niya. Kaya naman nang makita ko ang mantsa sa damit ko, agad kong sinugod 'yung kaklase kong lalake dahil sa kapilyuhan niya. Pinatawag kami sa principal's office kinaumagahan dahil kitang-kita ang black eye sa mata nang nasuntok ko. Pero si Mama, kahit tagilid na, ipinaglaban niya pa rin ako. Alam kong may mali ako dun, hindi ko dapat sinuntok ang kaklase ko. Pero etong si Mama, halos makipagsabunutan pa nga sa Mama ng kaklase ko. Sa huli, pinalayas na lang kami sa office na walang binibigay na sunction.
Muli akong dumungaw kay Mama at sa pagdungaw kong 'yun eh muli kong naalala ang mga luhang tumulo mula sa mata niya nang matanggap ko na 'yung diploma nung nakaraang graduation. Tuwang-tuwa siya nu'n. Halos ibalandra niya pa nga sa lahat 'yung nirolyong papel sa mga nadadaanan. Sa sobrang proud niya, siya pa 'yung sumagot sa pamasahe namin papunta sa farm resort. Ibinili niya rin ako ng isang mamahaling Chanel bag kahit di ko naman hiningi. 'Yun daw ang gamitin ko sa una kong pagpasok bilang CPA.
Hindi ko na alam. Lahat na lang ata nang parte ng katawan ni Mama, may naalala ako. Hindi na rin natigil ang pagtulo ng luha sa mga mata ko. Nakakaasar. Hindi ko pa rin matanggap. Maya-maya pa ay naramdaman ko na lang ang pag-akbay mo sa'kin. Bumuntong-hininga ako habang pinupunasan ang luha ko. Kailangan ko ring ayusin ang gusot na ito. At ayaw ko nang patagalin pa 'yun.
"Juni, tahan na."
Tumango lang ako at tumingin sa'yo ng diretso.
"Pwede ba tayong mag-usap?" tanong ko. Ramdam ko ang pagbabago ng aura mo. Tumango ka makalipas ang ilang segundo.