4

4 0 0
                                    


Galit ka pa rin ba sa kanya? Hindi mo pa rin ba kayang makita ang mukha niya o ni marinig ang kanyang tinig? Matagal na ba kayong hindi nagpapansinan? Kung oo ang sagot mo sa isa sa mga tanong na ito, malaki ang posibilidad na nahihirapan kang magpatawad.

Alam mo, okey lang ‘yan. Hindi ka nag-iisa. Marami tayo. Normal lang ‘yang nararamdaman at ginagawa mo lalong lalo na kung labis kang nasaktan o hindi mo inaasahang kaya kang saktan nang ganun ng taong ‘yun. Ganun talaga eh. Matik na kapag nagmahal ka, binibigyan mo rin sila ng lisensyang saktan ka. 

Hindi ko ito sinulat para ipamukha sa iyo na hindi maganda ang ginagawa mo. Pero tanong ko lang sa’yo: kailan ka magpapatawad? Kailan mo huling naranasan ang pagpapatawad? Naranasan mo na ba ang patawarin ng iba? Naranasan mo na bang maging uhaw sa pagpapatawad mula sa taong mahal mo?

Maganda ba sa pakiramdam na may dala-dala ka? Kung bigat na bigat ka na, bitawan mo. Kung kaya mo pa, sige lang. Hindi kita pipiliting magpatawad. Pero sana, maging bukas ang pinto mo sa pagpapatawad. Kahit maliit na siwang lang, kahit pa na hangin lang ang kayang makapasok sa sobrang sikip. Basta ang mahalaga, bukas ka.

Kung hirap na hirap ka talagang magpatawad, subukan mong alalahanin ang magagandang memorya kasama siya. Alalahanin mo na minsan, nagkamali ka rin at pinatawad ka niya. Tanggapin mo na bahagi ng pagmamahal ang pagpapatawad. Walang tunay na nagmahal na hindi nagpatawad.

Alam ko, mahirap. Alam ko, natatakot ka na baka ulitin niya lang ang pagkakamali niya. Ano, matatakot ka nalang ba? Paano ka matututo? Paano ka magiging buo bilang isang tao? Sa huli, ikaw rin ang talo. Dahil sa tuwing tumatanggi ka sa pagpapatawad, tumatanggi ka rin sa kapayapaan.

Kailan ka ba magpapatawad?

ThoughtsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon