Nabitawan bigla ni Aubrey ang bungang kinakain niya nang mag-iba ng anyo ang mga magagandang fairy sa harapan nila. Nanlaki ang mga mata niya sa nakikita niya sa mga sandaling ito. Muntikan pa ngang makagat si Carlita sa daliri nito. Pasalamat ito dahil naiwasan nito iyon kaagad.
Akala niya ay may magbibigay muna ng hudyat bago sila tumakbo pero nang magkatinginan palang sila ay tila nakapag-usap na sila kaagad kung anong dapat nilang gawin.
Ang tumakbo.
"Bilisan niyo! 'Wag kayong magpapakagat sa kanila!" sigaw ni Hans at sandali silang tinapunan ng tingin habang matulin na tumatakbo.
"Ang sakit na ng mga paa ko! Saan ba tayo pupunta?!" Katahimikan lang ang tinugon nila sa naging katanungan niya.
Napatigil sila sa pagtakbo nang mapansin nilang hindi na nila kasabay si Cielo. Nataranta sila. Hindi pa naman nila kabisado ang lugar na ito. Bago lang sila rito at marami pa silang hindi alam sa lugar na ito.
"Tulong! Tulungan niyo 'ko!"
Napatakbo sila sa pinanggalingan ng sigaw. At ganon na lamang ang gulat nila nang makita si Cielo na pinapaikutan ng mga bampirang fairy. Sinusubukan ni Cielo na hampasin ito ng board game sa tuwing lalapitan siya ng mga ito. Matagumpay naman ang ginawa niya dahil hindi siya nito magawang lapitan at kagatin.
Lalapitan na sana nila si Cielo nang biglang magliwanag ang board game na hawak nito. Natakot ang mga nilalang na iyon sa nangyari at dali-daling nagsi-alisan ang mga ito pabalik sa malaking puno kung saan ito nanggaling kanina.
"Cielo? Ayos ka lang ba?" tanong agad ni Carlita nang makalapit na sila kay Cielo. Lumuhod ito at hinawi ang ilang hiblang buhok ng kaibigan.
"A-anong nangyari? Papaanong--" naguguluhan na sabi ni Cielo at isa-isa silang tinapunan ng tingin.
"Hindi namin alam. Ikaw ang may gawa nang liwanag na iyon. Sabihin mo nga samin, ngayon mo lang ba talaga nakita ang board game na yan?" Tumango lang si Cielo sa katanungan ni Hans.
"Kung ganon, bakit parang kilala ka nito? Hindi ko sinasabing nagsisinungaling ka pero sa mga nangyayari, parang may koneksyon kayo sa isa't-isa?" Kumunot ang noo ni Cielo at halatang naguluhan ito ng husto sa sinabi ni Hans.
Kahit ang iba sa kanila ay hindi maintindihan kung anong ibig ni Hans.
"Wala talaga. Inisip ko lang kanina na layuan ako ng mga nilalang na iyon hanggang sa mangyari ang bagay na iyon. Sobrang nakakagulat. Hindi ko inexpect na magliliwanag ito at ito ang tutulong sakin upang makaligtas ako." Ngumiti muna si Cielo bago sila tumayong dalawa ni Carlita.
"Hayaan na nga natin. Ang problemahin natin ngayon, ay kung papaano tayo makakaalis sa lugar na ito? Dahil sa totoo lang, gustong-gusto ko na talaga makabalik sa bahay namin. Sa totoong bahay namin. Sigurado akong hinihintay na ako nina mama't papa doon kasama ang kuya kong si Gabby," sabi ni Carlita at iglap na tumingin sa relo niya.
"Walang kwenta yang relo na yan. Iba ang oras sa lugar na ito. Hindi mo ba napapansin? Kanina pa tayo dito pero umaga pa rin? Mag-isip ka nga Carlita." Inira lang niya si Aubrey at tumingin kay Cielo.
"Akin na." Inabot naman ito agad sa kaniya. Umupo na siya sa nakita niyang malaking bato at doon binuksan niya ang board game.
Sinundan siya ng mga kaibigan niya habang hindi inaalis ang mga titig nila na may pagtataka. Nakakatawa. Hindi yata nila alam na kailangan na nilang maglaro ulit dahil siya na ang susunod sa player.
"Carlita, ikaw na ang next diba?" Napalunok lang siya sa tanong ni Hans.
"O-oo. Ako na nga." Dahan-dahan niyang dinampot ang maliit na bola bago paikutin ang roleta.
Sandali siyang napatingin kay Cielo habang hinihintay na bumagal ang roleta bago niya binitawan ang munting bolang hawak niya.
Nang dumating ang sandaling iyon ay napaatras sila dahil nagsisimula na ito sa pagbagal hanggang sa tuluyan na itong huminto.
Lumipad sakay ng walis ang character ni Carlita at huminto ito sa ikatlong bato dahil number 3 ang nakuha niya. As of now, siya ang may pinaka-mababang number na nakuha sa tatlong naunang naglaro. Ano kayang sa kaniya? Sana mas mataas dahil gusto na niyang matapos agad ang larong ito.
Isang ipo-ipo na naman ang lumitaw galing sa gitna ng roleta papuntang ere na sinundan lang nila ng tingin hanggang sa mahawi ito doon at makita nila ang sunod na simbolo.
"B-bibig?" nagtatakang sabi ni Carlita bago muling tignan ang simbolo. Ang kaso, naglaho na ito.
"Oo. Yun nga. Ano namang ibig sabihin nun?" Kunot noong sabi ni Aubrey bago sumandal sa punong malapit sa kanya.
"Aray! Ano ba!"
Nagulat sila nang makarinig ng hindi pamilyar na boses. Hindi isa sa kanila ang nagsalita. Wala sa kanilang apat ang may ganong klase ng boses na malalim at malakas. E, kanino? Samantalang silang apat lang naman ang tao dito at wala nang iba pa. Maliban sa kanila, ang mga kakaibang nilalang lang na nandito ang kasa-kasama nila.
Nakakapagtaka naman.
"Umalis ka nga sa harapan ko! Iniipit mo ang ilong ko!"
Napatingin si Aubrey sa likod niya nang bigla siyang tumalikod sa punong sinasandalan niya. Nagulantang naman siya nang makitang ang punong iyon ang nagsasalita. Kung ano-ano pang reklamo ang sinabi nito na hindi naman niya pinakinggan.
Nagulat rin sina Cielo at Hans nang ituro ni Aubrey sa kanila ang pinanggagalingan ng boses na narinig nila kanina. Maging sila'y hindi makapaniwala sa nakikita nila. Isang punong nagsasalita ang nasa harapan nilang apat ngayon.
"Anong tinitingin-tingin niyo?" inis nitong sabi sa kanila bago bumahing. Naalog naman ang puno kaya may mga naglaglagang mga bunga.
"Tigilan niyo yan! 'Wag niyo ngang pulutin ang mga bunga ko!" Hindi parin nila ito pinansin at patuloy pa rin sila sa pagpulot ng mga bungang naglaglagan mula sa puno.
"Bakit ba ang init ng ulo mo samin? Nakakainis ka na ah." Umaktong lalapitan ni Hans ang puno pero pinigilan namin siya ng tatlo. Mahirap na. Baka kung anong gawin sa kanila nito.
"Yang kaibigan niyo kasi ang pagsabihan niyo! Sinasandalan ba naman ako? Nagpapahinga ako rito tapos ginawa niya iyon? Nakakainis kaya!" Bakas ang inis sa boses ng puno. Napatingin naman sila kay Aubrey at pinandilatan lang sila ng mata nito.
"Bakit? Anong masama sa ginawa ko?"
Hindi alam ni Cielo pero bigla nalang siyang natawa sa naging reaksyon ni Aubrey. Parang guilty na guilty naman ito sa pagsandal lang nito sa puno. Nakakatawa ang itsura nito ngayon.
"Excuse me? Pwede bang kunin niyo na itong nasa ibabaw ng ulo ko?"
Napalingon sila sa paligid nang makarinig na naman ng boses. Ang akala nila ay sa puno na naman ito galing pero hindi. Doon pala sa malaking bato na pinagpatungan nila kanina.
"S-sorry. Hindi ko sinasadya." Ngumiti muna si Carlita at kinuha ang board game bago ito isinara.
"Masisiraan na yata ako," ang huling nasabi ni Aubrey bago siya unti-unting mawalan ng malay.
Kadiliman...
