Hindi maalis ang mga mata ni Cielo sa salamangkerong si Jiro. Nakangiti ito sa kaniya at hindi niya makuha ang ibig ipahiwatig nito. Sandali siyang napatingin sa bagay na hawak nito. Nanlaki ang mga mata niya nang makita kung ano ang bagay na iyon. Ang board game na nilalaro nila.
Ang Cleighsia.
"B-bakit hawak mo ang bagay na iyan?" tanong niya rito habang tinuturo ang board game. Maging ang mga kaibigan niya ay nagulat rin nang makita ito.
"O-oo nga! P-paano napunta sa'yo iyan?" ang nagtatakang sabi ni Carlita.
"Imposibe. Sa pagkakaalam ko ay hinigop kami ng game papasok rito. Paanong nangyaring hawak mo ito ngayon?" naguguluhang tanong ni Hans.
"Teka nga, sino ka ba talaga? At bakit na sa'yo ang Cleighsia?" mataray na tanong ni Aubrey. Umirap pa ito habang kaharap ang binata.
"Gusto niyo ba talagang sagutin ko ang mga tanong niyo ng sabay-sabay?" Sige. Teka lang ah?"
Pumikit si Jiro sandali. Ilang saglit pa, nagulat ang apat nang magkaroon pa ng tatlong Jiro. Magkakasabay itong tumingin sa kanila at pagkatapos ay magkakasabay ring sinagot ang mga tanong nila kanina. Labis na naguluhan ang apat dahil sa nangyari.
Halos mabingi sila dahil wala silang maintindihan sa mga sinasabi ni Jiro. Ang mga mamimili naman ay nagsisipagtinginan na sa kanila dahil sa ingay na ginagawa nila sa kasagsagan ng gabi sa pamilihan ng Louneir City.
"Hindi kami nakikipagbiruan sayo, Jiro," walang ganang sabi ni Cielo. "Pwede bang sagutin mo ang mga tanong namin? Nang isa-isa at nang maayos." Ngumisi si Cielo habang nakatingin sa binata.
"Sa totoo lang, ang hawak kong ito ay hindi totoo. Ang totoong Cleighsia ay hawak ninyo. Nilaro niyo ito at ngayon ay nasa loob na kayo ng mundo nito." Saglit na tumigil sa Jiro upang tignan isa-isa ang apat.
"Ako ang nangangalaga sa Cleighsia. Kaya lang, sa kasamaang palad ay ninakaw ito sa akin ng isang di ko kilalang salamangkero. Tinapon niya ito sa mundo ng mga tao kaya nalaro niyo ito. Iyon nga lang, noong nilaro niyo ito ay dinala kayo nito sa mundo namin. Ibang-iba ang epekto ng laro sa inyong mga tao kumpara kapag kami lang ang naglaro nito dito mismo sa mundo namin."
"Dapat ba kaming maniwala sa sinasabi mo?" nagdududang sabi ni Cielo. "Kung nagsasabi ka nga ng totoo, pwede bang ipaliwanag mo sakin kung bakit kita nakita nang minsang pauwi ako galing sa school? Anong ginagawa mo sa mundo namin?"
"Gaya ng sabi ko, tinapon ang Cleighsia sa mundo niyo. At bilang tagapangalaga nito, tungkulin ko na hanapin iyon. At nagkataon na noong nagpunta ako sa mundo niyo, bigla kitang nakasalubong sa paglalakad. Muntikan pa nga kitang makabunggo niyon dahil tuloy-tuloy kalang sa paglalakad." Natahimik si Cielo. Hindi ito makapaniwala sa mga narinig.
"Paano mo ipapaliwanag sa akin iyong nakita kita sa labas ng taxi na sinakyan ko? Ano namang paliwanag mo doon?"
"Nandoon ako dahil iniisip ko kung saan bumagsak ang Cleighsia bago ang araw na iyon. Dahil wala akong kaide-ideya kung saan na ito napunta. Hindi kasi ito maaaring laruin ng mga gaya niyong normal na tao dahil ganito ang mangyayari. Maraming mangyayari. Pwedeng mabuti, pwedeng hindi. Ngunit ang sigurado, babalik ulit ito sa dati. Oras na matapos niyo na ang laro." Sumeryoso ang mukha ni Jiro matapos nitong magpaliwanag.
"Hindi kaya..."
"Hindi kaya ano, Carlita? May naiisip ka ba?" sabi ni Aubrey.
"Noong gabi bago namin laruin ang Cleighsia, nakakita ako ng tila bulalakaw sa kalangitan. Hindi siya hugis bilog pero hugis parisukat. Hindi kaya, ang Cleighsia ang bagay na iyon na nakita ko?" tanong ni Carlita kay Jiro.
"Posible," sagot nito sa kaniya. "Ngunit saan niyo nga pala ito nakita?"
"Sa bahay namin," sagot ni Hans.
"Hindi niyo ba muna binasa ang rules at reminders ng Cleighsia bago niyo ito nilaro?" Tumango ang apat kay Jiro.
"Mga pasaway. Dapat kasi ay nagbabasa muna kayo bago ninyo gamitin ang isang bagay. Parang sa tao lang, tignan mo maigi kung totoo ang taong kaharap mo o kung isang ilusyon lang."
Nagulat ang apat nang biglang mawala ang Jirong kausap nila at may lumitaw sa likod nila na bago. Iba ang suot ng Jiro na ito kumpara sa Jiro kanina. Ito ang totoong Jiro. Ang kanina ay ilusyon lang at ginawa lang ng totoong Jiro upang panandaliang itago ang totoong siya.
"Kalokohan," bulong ni Cielo.
"Pwede bang magtanong?" tanong ni Aubrey. Tumango lang si Jiro.
"Alam mo ba kung anong simbolo ang nakuha ni Hans kanina?" Sandaling napaisip si Jiro.
"Oo naman, ang nakuha niya ay ang simbolo ng lugar na ito, ang Louneir City. Ito ang lugar kung saan nakatira ang mga gaya kong samalangkero. Sa mundo ng Cleighsia" Nagmasid si Jiro sa paligid na tila ba may hinahanap.
"Ang nangyari lang ay dinala kayo rito. Hindi ko sigurado kung may misyon kaya kayo nandito o kung dinala lang kayo rito upang ipakilala sakin."
"Nga pala, pwede bang lumipat tayo ng lugar? Hindi na kami kumportable kanina pa sa mga tao rito," bulong ni Carlita.
"Sige. Walang problema," sabi ni Jiro.
Hindi na hinintay pa ni Jiro na sumagot ang iba at gumamit na siya agad ng salamangka upang maglaho silang lima.
"Jiro," bulong ng isang salamangkero habang nakatingin sa kinatatayuan ng lima kanina.
"Buhay ka pa palang bwisit ka."
