Kabanata 12: Saving Akira

187 19 0
                                        


Napatulala lang si Aubrey habang pinapanuod ang pagbabago ng balat ni Akira. Kalahati lang ng balat nito ang naiba dahil ang kalahati ay gaya lang ng balat ng tao.

Kung kanina'y kulay itim ito kaya labis ang takot nila rito, ngayon naman ay nagkulay dilaw ito. Mas maganda tignan kesa sa nauna. Hindi na ito nakakatakot pagmasdan at parang tattoo nalang ang nakikita nila sa mga sandaling ito.

"Nagpapalit ako ng balat sa tuwing may taong nakakakita sakin." Mas napatitig pa sila kay Akira  dahil sa narinig nila. "Wala kayong dapat na ikatakot. Normal lang ito sa mga gaya naming Viferian."

"A-anong klaseng lugar ba ito?" Sa wakas at may isa na ring nagsalita sa kanila. Si Carlita.

"Ito ang Viferia. Ang lugar ng mga gaya naming kalahating tao at kalahating ahas. Kaya naming magpalit ng wangis sa kahit na anong klase o uri ng ahas. Hindi kami nananakit o kung ano pa man. Ngunit may isang nilalang dito sa Viferia na kinatatakutan namin. Viferian rin siya gaya namin ngunit taliwas siya sa paniniwala namin. Masama siya. Masamang-masama." Napayuko si Akira habang sinasabi ang mga katagang iyon. Nakita nila ang pagpunas nito ng tumulong luha mula sa mga mata nito. Mukhang mabigat ang pinagdaraanan nito. Bigla rin itong nalungkot.

"Tungkol pala sa itinanong mo kanina, pwede mo kaming maging mga kaibigan," sabi ni Hans at tinignan ang tatlo bago muling tumingin kay Akira.

"T-talaga?" Kita nila ang pagkislap ng mga mata ni Akira. Masaya ito. Dahil sa pagpayag nila sa pakikipagkaibigan nito.

"Oo naman," sabi ni Aubrey habang matamis na nakangiti.

Nabigla sila nang bigla sila nitong yakaping apat. Isang yakap na masasabi nilang nagpatindig sa balahibo nila dahil nararamdaman nila ang mala-ahas nitong balat. Ngunit sa kabila niyon, puno ng pagmamahal ang yakap na iyon at masaya sila dahil nagkaroon sila ng bagong kaibigan sa katauhan ni Akira.

Isang kaibigan na espesyal at kakaiba.

"Nasaan pala ang iba mong kasama? Bakit parang ikaw lang ang nakikita namin dito?" tanong ni Cielo nang bumitaw na si Akira sa pagkakayakap.

"Nandoon sila sa nayon. Umalis muna ako doon kasi gusto ko magliwaliw hanggang sa maamoy at makita ko kayo dito."

Sandali silang natigilan nang maramdaman na tila ba may nakamasid sa kanilang lima sa kinatatayuan nila ngayon. Napalunok ng laway si Aubrey nang makarinig ng paggalaw ng ilang mga halaman sa paligid nila. Kasunod niyon, isang anino ng ahas ang nakita nila.

Hindi ito maliit, malaki ang aninong iyon sa totoo lang. Mas lalong lumakas ang kabang nadarama nila nang mapansin nilang natigilan silang lahat. Inoobserbahan nila ang paligid. Pinakikinggan ang bawat ingay at pilit hinahanap kung saan ito nagmumula.

Napalingon sila sa kanan nang mahagip ng mata nila ang isang taong tumakbo papunta sa likod ng puno. Hindi nila masyadong nakita ang itsura nito ngunit nakasisiguro silang kauri lang ito ng kasama nila ngayon na si Akira. Mahirap tukuyin kung kakampi o kaaway. Ngunit base sa nararamdaman nila, nasa panganib silang lima.

At hindi ito maganda.

"Magtago kayo," sabi ni Akira habang nakapikit.

Wala na silang nasabi pa at sumunod na lang sila sa sinabi nito.

Nagmamadali silang nagtago sa mga halaman malapit lang sa pwesto nila kanina. Nakasilip pa rin sila kay Akira dahil pare-parehas silang nag-aalala na baka kung ano ang mangyari rito.

"Ayos lang kaya siya?" tanong ni Hans.

"Okay lang siya. Siguro, pinapakiramdaman niya kung sino o ano yung nararamdaman natin kanina." Tumango lang si Hans sa sinabi ni Cielo.

"What if, what if kalaban iyon? Anong gagawin natin? Wala tayong sapat na lakas upang labanan iyon. Natatakot ako. Kailangan nating umisip ng paraan," natatarantang sabi ni Carlita.

"'Alam mo, ganyan rin ang kutob ko. Pero hindi tayo dapat magpaapekto. Nandiyan naman si Akira at alam kong po-protektahan niya tayo laban sa nilalang na iyon." Ngumiti si Aubrey at iglap na tumingin sa kinatatayuan ni Akira.

Nakadilat na ang mga mata nito ngunit bakas doon ang labis na kaba. Hindi nila kita ng malapitan ngunit nakasisiguro silang pinagpapawisan na ito ng matindi sa mga sandaling ito. King bakit? Hindi pa rin nila alam ang kasagutan. Palaisipan parin sa kanila kung ano ba talaga o kung sino iyong naririnig nila kanina pa.

"T-tulungan niyo ko..." bulong ni Akira na narinig naman ng apat.

Nagulat sila nang makita ang takot na takot na mukha ni Akira. Pinipilit nitong lumingon sa gawi nila ngunit may tila pumipigil rito na gawin iyon kaya naman nanatili lang ito sa posisyong iyon na sa isang direksyon lang nakatingin.

"Ito na nga ba ang sinasabi ko. Ano nang gagawin natin ngayon?" Napahilamos sa mukha si Hans habang nag-iisip ng paraan.

"Ano ba kasing nangyayari? Hindi ko pa rin maintindihan." sabi ni Carlita.

"Hindi ko rin alam Carlita. N-natatakot ako. Takot na takot," mahinang sabi no Cielo habang nanginginig na ang kanyang mga kamay.

Nanlaki ang mga mata nila nang bigla nalang sumulpot ang isang malaking anaconda sa likod ni Akira. Pana'y ang amoy nito sa buhok ni Akira. Inikot-ikutan siya nito na para bang pinapanuod kung paano siya matakot dahil sa sitwasyong kinalalagyan nito ngayon.

"S-sino yan?" tanong ni Aubrey nang maalala ang sinabi ni Akira.

Silang lahat na mga viferian ay may kakayahang magpalit ng wangis sa kahit na anong uri o klase ng ahas na gugustuhin nila. Pero sa isang 'to, tingin nila hindi lang siya basta-basta viferian. Isa siyang nilalang na higit pa sa inaalaka nila.

Natatakot sila sa maaaring gawin nito kay Akira.

"Tumakas na kayo! Iwan niyo na ako dito! Bilis!" sigaw ni Akira.

Alam nilang sila ang pinaparinggan nito. Pero bakit ayaw nila itong sundin? Nakatingin lang sila rito habang patuloy sa pag-ikot ang malaking ahas kay Akira.

"Sinabi nang umalis na kayo!" muling sigaw ni Akira kasabay ng pagmulat ng mga mata nito.

Napatulala sila sa sunod nilang nakita. Nililingkis na ng ahas na iyon ang buong katawan ni Akira. Hindi na ito kaagad makahinga at anomang sandali, maaari itong lagutan ng kanyang hininga. Nablangko ang mga utak nila.

Ano nang gagawin nila ngayon?

"Kailangan nating iligtas si Akira," bulong ni Cielo.

Cleighsia: A Game of Magic (Re-Magic)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon