Napatitig si Cielo sa board game na nakalapag sa mesa. "Cleighsia". Tiyak na iyon ang pangalan ng board game na ito. Ngunit, anong klaseng laro naman kaya ito? Wala pa siyang narinig na ganitong klase ng laro kaya naman talagang nangangamba siya sa maaaring mangyari oras na malaro nila ito. Pero sa kabilang banda, naeexcite siya.Hindi niya maintindihan kung bakit.
Hugis parisukat ang laro. Nakasulat ang pangalan ng larong iyon sa malalaking letra sa font na talaga namang kakaiba. Madalas niya iyong makita sa mga pelikula na may halong salamangka. Hindi niya alam kung dapat ba siyang matuwa dahil doon pero may parte sa kaniya na biglang naexcite nang maisip iyon.
Puno ng mga kakaibang simbolo at disenyo ang paligid nito. Mga iba't-ibang klase ng linya at hugis. May mangilan-ngilan rin na dahon at meron ring simbolo ng apat na elemento. Apoy, hangin, lupa, at tubig. Napaisip siya saglit sa bagay na iyon. Para saan ang mga iyon at anong kinalaman nun sa laro?
Maraming mga katanungan agad ang nabuo sa isipan niya na hindi niya masagot-sagot. Naging sabik siya bigla malaman kung anong bumabalot sa larong nasa harapan nilang apat ngayon. Anong meron dito na wala sa ibang laro katulad ng chess, snake and ladder at iba pa? Mahirap sabihin lalo na kung hindi mo pa ito nasisimulan pa.
"Excited na ba kayong maglaro?" Nakangisi pa rin siya na lalong nagpapadagdag sa kaba ng mga kaibigan niya.
Nang buksan na niya ito ay napanganga silang lahat. Sobrang ganda ng loob nito. Mistula itong mapa kung saan may mga madadaanan at may iba't-ibang kastilyo na iba-iba ang mga kulay. Maraming mga puno at ang nagsilbing daan ay ang mga hugis bato na bilog rito papunta sa gitna kung saan naroon ang isang roleta. May isang roleta na mayroong maliit na bola at may hugis diyamante sa gitna nito. Alam niyo iyong nilalaro sa casino? Parang ganon ang roletang tinutukoy rito.
Ang ganda ng kumbinasyon ng mga kulay at talagang nakakamangha. Maging sina Carlita nga ay hindi maiwasang hindi matulala sa nakikita nila ngayon.
"Choose your character," sabi niya habang may hawak na maliliit na salamangkero't salamangkera sa mga palad niya.
"Sila ang magre-represent sa mga sarili natin. Just like snake ang ladder. Hindi ba't may kanya-kanya tayong tao doon?" sabi pa niya bago sila pumili isa-isa.
Ang kinuha ni Aubrey ay ang kulay asul na salamangkera. Ang kinuha ni Hans ay ang pulang salamangkero. Ang kinuha naman ni Carlita ay ang berdeng salamangkera at ang natira para sa kaniya ay ang kayumangging salamangkero.
Pinagmasdan niya maigi ang hawak niya. Para siya talagang totoong tao kung titignan. Nakasuot ito ng mahabang damit na gaya ng mga estudyante sa Harry Potter at may mga hats rin sila alinsunod sa kulay ng suot nilang damit. Sa kanang kamay nila ay may mga hawak silang wand na pare-parehas lang ng kulay.
"Paano ba ito laruin?" tanong ni Hans habang nilalaro-laro ang hawak nitong tauhan.
Aksidente ito nabitawan at laking gulat nila nang kusa itong gumalaw at pumwesto sa likod ng pulang kastilyo. Sinubukan ni Hans na tanggalin ito mula sa pagkakapwesto pero hindi nito maalis. Parang may glue na ito na sobrang dikit kaya wala na itong nagawa kungdi ang hayaan na lang ito.
"I think, each character represents also the castle. Kung magpalit-palit kaya tayo ng pwesto?" sabi ni Cielo na sinunod naman ng tatlo.
Nagpalit-palit nga sila ng pwesto gaya ng sabi niya. Sinabihan niyang bitawan ang mga character na hawak nila at sabay-sabay silang napanganga nang maulit ang nangyari kanina. Nakatayo na ang mga character nila sa harap ng kanya-kanya nitong mga kastilyo.
Nagkatitigan silang apat.
"Anong susunod na gagawin?" tanong ni Hans na hindi inaalis ang tingin niya kay Cielo.
"Since ikaw ang unang naglapag ng character, ikaw ang mauuna. Susunod ako, pagkatapos ay si Carlita at si Aubrey." Tumingin saglit si Cielo sa game. "Kunin mo ang maliit na bola na iyon pagkatapos ay paikutin mo ang roleta. Bitawan mo ang bola kapag malapit nang matapos sa pagikot ang roleta at doon malalaman natin ang susunod na mangyayari." Muli niyang tinignan ang mga kaibigan.
"Nakahanda ka na ba?" tanong niya pa kay Hans.
"H-hindi ko alam Cielo. What if, 'wag nalang kaya natin ituloy itong game? Ibang laro nalang ang laruin natin at hindi maganda ang kutob ko na laruin natin ito lalo pa't hindi natin alam kung anong meron rito." Tatayo na sana si Hans pero muli siyang pinaupo ni Carlita.
"Tigilan mo nga 'yang kaartehan mo. Kanina pinipilit mo ako pagkatapos ngayon ikaw naman ang aayaw? Psh." Umirap si Carlita at kinuha ang maliit na bola na nasa roleta.
"Kunin mo na 'to at simulan mo na ring paikutin ang roleta," utos ni Carlita at inilagay sa palad ni Hans ang munting bola.
"'Wag ka sakin tumingin. Paikutin mo na nga!" Napaiwas ng tingin si Hans at pinagmasdan ang game.
Napalunok muna siya ng mariin bago niya dahan-dahang ilapit ang kamay niya sa roleta. Nang mahawakan na niya ito ay pumikit muna siya bago niya ito paikutin.
"Gawin mo yung sinabi ko kanina. Kapag malapit na siyang tumigil, bitawan mo ang bola and let's see kung anong number ang makukuha mo." Tumango lang si Hans kay Cielo at tinuon muli ang atensyon sa roleta.
Lahat sila ay doon lang nakapokus ang tingin habang hinihintay na unti-unting bumagal ito. At nang sandaling mangyari nga iyon, binitawan na ni Hans ang bola. Wala pa rin sa kanila ang umiiba ng tingin at nakaabang pa rin sila sa mga susunod na mangyayari.
"5," bulong ni Hans nang huminto na ang roleta at tumigil ang bola sa numerong singko.
Namangha silang apat nang makitang lumipad sakay ng walis ang character ni Hans paalis sa pulang kastilyo at tumigil sa ikalimang bilang ng bato. Bumalik ito sa dati na nakatayo lang matapos nun.
Nagkatinginan muli sila.
Sabay-sabay silang napaatras nang makakita ng parang usok na lumalabas sa hugis diyamante na nasa gitna ng roleta. Naging ipo-ipo ito habang unti-unting lumilipad sa ere. Sinundan lang nila iyon ng tingin hanggang sa tila may humawi nito sa ere at lumitaw ang isang simbolo.
Isang palaka na kulay berde na patalon-talon pa. Tumagal lamang ito ng ilang segundo bago maglaho na parang bula.
"A-anong ibig sabihin niyan?" tanong ni Hans sa mga kaibigan niya.
"E-ewan ko. Hindi ko alam," sagot ni Cielo.
Napatingin sila sa paligid nang dumagundong ang buong bahay. Parang lumilindol dahil ang lahat ng gamit sa bahay ay nagagalaw lahat. Biglang kinabahan si Hans. Hindi naman siguro tama ang naiisip niya? Diba?
"Aaahhh!!!" sigaw ni Carlita habang may tinuturo sa bintana.
Nang sundan nila ito ng tingin ay nanghina silang lahat. Nawasak bigla ang bintana dahil sa isang nilalang na may gawa nun. Ang buong akala nila ay namamalikmata lang sila pero hindi. Totoo itong nakatingin sa kanila ngayon.
Isang napaka-laking palaka!