Salamat sa likha ng mabini mong kamay
na hanggang ngayo'y aking iniingatan,
bawat nakatitik ay may kaligayahan
alam kong alam mo ito aking hirang.
Nariyan ka lang sa tabi at aking nakikita
aaminin kong laman ka pa ng aking diwa
lalo kapag kumakaway ka at may sigla
na nababasa ko sa'yong mga sulat at mata.
Kahit maiiksi lang na galing sa papel na pilas
nakabulalas ang pag-aalala mo sa'king nakaraan
ligaya ko ang ika'y nasisilayan
kahit sa mga letra na lang nagmamahal.
Kapag nalulungkot ako, sulat mo'y aking binabasa
na iniipon ko sa aking ala-ala,
kahit ngayon nga'y may tuwa ang aking luha
'di pa rin mawaksi ang tulad mo na mutya.
Alam kong alam mo ang bulalas ng aking labi
mga damdaming hindi na mapakali
narito lamang ako sa tabi-tabi
hawak ang sulat na mumunti.
Sa makulit na ating mga pagbabansag
na ako'y isang hibang at ikaw ang lunas,
sarili mo'y laging pakaingatan
gaya ng pagaalaga ko sa mga masasayang liham.
Inaamin ko...inaamin ng may litanya at pagibig
ikaw ang pumukaw sa puso ko't dibdib,
kaya salamat sa sulat na nakatitik
pangako ko'y iingatan ko 'yun at isasama sa langit.
BINABASA MO ANG
'Santasang Tula
PoetryAng koleksyon na ito ay para sa mga Filipinong manunulat na naghahanap ng lugar para sa kanilang mga akda. Para rin ito sa mga pinoy na patuloy na sumusuporta at tumatangkilik sa mayamang sining ng pagsulat sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbabasa n...