GINTONG PANALANGIN (Mysterious_aries)

45 4 0
                                    

Napakarikit tuwing sumasatenga,
Salitang pagtulong sa ating kapuwa.
Ngunit nawa ay di lang sa bukambibig,
Tumbasan sa gawa ito ngang pag-ibig.


Pag-ibig sapagkat kung wala ring haplos,
Pagtulong sa kapwa'y di masabing lubos.
Yung walang halong pakitang tao lamang,
Tipong pagtulong na walang timplang gulang.


Gulang namamasid lagi nitong ulap,
Sa pekeng pagbigay tulong sa mahirap.
Kaya bigat na dala'y halos di mabuhat,
Pasanin n'ya ito sa kanyang balikat.


Balikat kung walang ga'nong tangang hirap,
Maganda kung sa iba'y maipalasap.
Iyakap sa palad ng kapwa 'tong kamay,
Upang sa dibdib nya'y mapawi ang lumbay.


Lumbay tunay na naghahari sa iba,
Pasakit, dulot ng mapanirang kanta.
Boses ng tadhana'y di man mawari,
Sana sa tulong nati'y ito'y mapawi.


Mapawi upang bagong himig marinig,
Masaganang awit, marikit na tinig.
Di ba't ganung kanta'y walang hihigit pa,
Ngiti'y naghahari sa mukha ng kapwa.


Kapwa ko makinig nawa ang 'yong puso,
Damhin itong saysay na itinuturo.
Mata ng ulap, nagmamasid sa atin,
Dasal sa gawa ay gintong panalangin...

'Santasang TulaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon