Bakit Hindi Pa Nga Sinasakop Ng Alien Ang Mundo? (poetman_24)

51 5 3
                                    

Marami pa ring palaisipan ang gumagambala

gaya ng 'di pa pagsakop ng alien sa ating planeta,

siguro hindi pa matagpuan ang lunas sa gayuma

kaya wala pa silang balak manalasa.


Mahal na kasi ang bigas sa pinas

mga pinuno pa'y ungas,

gumagawa ng demuhong batas

na sila lang naman ang magwawakas.


Ang sahod kasi'y mababa pa

sa gumagalaw na kuto sa lupa,

wala pang gatas si kaka

kulang pa ang pang-matrikula.


'Di na rin kasi maunawaan ng panalangin

kung Diyos ba o sila ang sasambahin,

may mga pananaw hirap intindihin

mga teroristang kulang sa pakain.


Trapik pa sa Edsa 'pag umaga

wala pang kaning natira

oo kahit bahaw man lang ayos na

subalit wala nang naiwan sa pinapak ng ipis at daga.


Wala pa kasing trabaho si Tatay

tambay pa sa bahay si Nanay,

nagtapos nga subalit sumablay

nagtitiis sa paglako ng gulay.


Namintakasi na nga ako sa rebulto

ipinahid sa mukha ang punit na panyo

naniniwala sa milagro ng nuno

na baka gumaling ang paang may kalyo.


'Di na ako magising sa tilaok ng manok

bulsa ko'y pasinok-sinok,

'di pa makautang sa tindahang bulok

gaya ng sistemang hindi na madaklot.


Maagang natulog subalit puyat

umiinom ng kapeng kulang sa asukal,

'di masawatang paghihirap na umaatungal

gaya ng sikmurang nabubuhay sa punyal.


Marami pang suliranin ang hindi magapi

kung paanong mahirap kalaban ang sarili,

pabalik ang ikot ng daigdig

kung paanong 'di tapat ang pagibig.


Siguro nadismaya ang mga alien sa nalaman

bulok kasi ang pinagmamalaki nating kayamanan,

mainit pa ang ulo ng sangkatauhan

kaya bulilyaso ang pananakop sa mundong parang 'di tahanan.

'Santasang TulaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon