Labis na Pangungulila (JBagamundo)

40 4 2
                                    

Yapos-yapos ang katahimikan

Malungkot na gabing giniginaw

Dilim ay nalatag na higaan

Ningas ng pag-asang lumalabnaw.


Haya't nariyan ang mga tala

Buong giliw na kumukutitap

Pakatitigan nga nang mabuti

Aral nito'y sa isip itatak.


Pagmasdan rin ang rilag ng buwan

Subuking tuntunin ang hiwaga

Hanggang sa ngayo'y nagagadahan

Kabila ng pangit na itsura.


At maglalayag sa alangaang

Papasyalan ang mga hangganan,

Baybayin ang hatid nitong lawak

At padausdos sa alapaap.


Itatayo ko ang kaharian

Sa pinakamakinang na bitwin

Doon ilalagak ang pangarap

Sa isang maliwanag na silid.


Mga buhangi'y pagdudugtungin

Ididibuhong mukha sa langit

Magbubuklod na tulay yari na

Nang sa ganun ay makasama ka.


Kinabukasan na'y lumalapit

Paunti-unti nang humahakbang

Mangyayari pa lang 'di malirip

Saan nga bang aking pupuntahan?


Nakaraa'y matagal nang tapos

Kasalukuyan ang mahalaga

Pagsumikapan bago maubos

Ang oras ng bukas na hinabla.


Anu-ano nang aking gagawin?

Nang malampasan ang bagay na 'to

Kung ang tao'y wala ng damdamin

Saan nga bang lahat patutungo?

'Santasang TulaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon