Minsan maalon ang silakbo ng aking damdamin
binubuwal ang bangka kasama ang hangin
may alimpuyo rin kapag minsan ang hinaing
tulad ng pagdikit ng kabibe sa tenga't humahaging.
Kahit buhangin ay aking pinalilipad
sa dalampasigan doon nakaladlad
ang guhit ng pagsintang pangarap
na binubura ng alon sa kaniyang paghampas.
Minsan parang korales,nakatitig na lamang
katulad ng pawikan na ang pagasa'y hinayaan,
tulad din ng alimangong nagtatago sa batuhan
nilulumot ang nais isigaw.
Minsan naman ang alat ng aking pagsinta
sa huling bigwas napapaluha
habang minamasdan ang papalayong bangka
na nilalamon ng dilim sa pangingisda.
Malawak na tulad ng karagatan ang nilalaman
subalit nauuwi na lamang sa dalampasigan
ang inaanod na boteng may laman na liham
na umaasang kaniyang malalambat.
Parang dagat ang aking pagibig
may misteryong minsan sarili ang ligalig,
katulad ng paglubog ng araw kasama ang luhang nangingilid
na lasang mapait kapag nalagok ang tubig.
BINABASA MO ANG
'Santasang Tula
PoetryAng koleksyon na ito ay para sa mga Filipinong manunulat na naghahanap ng lugar para sa kanilang mga akda. Para rin ito sa mga pinoy na patuloy na sumusuporta at tumatangkilik sa mayamang sining ng pagsulat sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbabasa n...