TWO SAD FACES
One sad face.
Tingin sa notifications. Kuha ng kaunting lakas ng loob tapos punta sa timeline niya. Sad react sa mga post niyang medyo madrama tapos kaunting stalk pa.
Malakas ang ulan sa labas. Dinig ko ang paghampas nito sa aming bahay, para bang anumang oras ay mabubuwal nito ang bahay sa pundasyon.
Kapag ganito ang panahon, wala akong ibang ginagawa kundi ang maupo magdamag sa isang sulok ng bahay at magmukmok. Kapag sinipag, mag-o-online, titignan kung may bago siyang posts, at kung wala, hihintayin kong may makapansin sa akin hanggang sa mapagod at mag-offline na lang pala. Minsan ang panahon na talaga ang gumagawa ng paraan para iparamdam kung gaano kaganda ang ulan sa tuwing nag-iisa ka.
Sana walang pasok bukas.
Whooo! Lakas ng ulan, feeling ko suspended.
Tagal ng suspension.
Puro tungkol sa suspension ang posts ng mga kaklase ko ngayong gabi sa facebook, pero napansin ko agad 'yung sa kaniya dahil naiiba.
Sana tumigil na yung ulan. Hindi ko siya makikita bukas.
May dalawang nagheart react at sampung naglike.
Ni-refresh ko. May isang nag-angry face.
At para maiba rin, sad face ang pinindot ko.
Ilang minuto pa ng pakikinig sa bagsak ng ulan ang lumipas, may natanggap akong isang notification.
Karen Orquija mentioned you in a comment.
Marcus Ignacio bakit sad? bakit sad face reaction mo sa lahat ng posts ko?
Bakit nga ba? Malungkot ba 'yung post niya o ako ang malungkot?
Sa huli hindi na lang ako nagreply sa comment niya. Nakakapanghinayang man, pero hindi ko na lang pinansin. Sayang nga lang 'yung pagkakataon na makausap siya kahit doon lang.
***
Umaga ang pinakamahirap na parte sa isang araw. Mahirap gumising kapag ayaw mo. Mahirap kumilos kung wala kang motibasyon. At kaakibat ng kawalan ng motibasyon ay ang pag-aaksaya ng mga pagkakataon-
1. Pagkakataon na umamin sa taong mahal mo.
2. Pagkakataon na humingi ng sorry sa mga nakaalitan mo.
3. Pagkakataon na magsabi ng mahal kita sa mga magulang mo.
4. Pagkakataon na maiayos ang buhay mo.
5. Pagkakataon na makatulong sa ibang tao.
Mahaba pa ang listahan ko, pero nakakatamad nang sabihin. Lalo lang din akong manghihinayang sa mga pagkakataong nawawala sa akin kapag masyado ko pang iniisip.
Ewan ko ba. Siguro kaya ganito na naman ang nararamdaman ko ay dahil naririnig ko na naman ang sigawan nina mama at papa tungkol sa pera. Nag-aaway na naman sila dahil hindi pa dumarating ang pera galing sa scholarship ko at wala pa ring inaabot na sweldo si ate.
Pakiramdam ko tuloy ay pabigat ako. Pakiramdam ko rin, ang halaga ko ay nakabase na lang kung may pera ba silang mapapakinabangan mula sa akin.
Isang buntong-hininga at naramdaman ko na ang pagbasak ng luha na kanina ko pa pinipigilan. Matagal ko na palang pinipigilan. Umagang-umaga, maaliwalas ang paligid, wala na ang ulan, pero ang lungkot ng pakiramdam ko. Para bang ang dilim ng paligid ko.