ANG SINUNGALING KONG MUNDO
"Bakit kaya ang mga tao takot harapin ang katotohanan? Bakit kaya mas pinipili pa nilang mabuhay sa matamis na kasinungalingan gayong mamatay rin naman tayo sa masakit na katotohanan?" saad ko habang tanaw-tanaw ang sari-saring mga bubong, ang tahimik na buwan at ang natutulog nang paligid.
"Bakit mo naman natanong?" Napaangat ako ng ulo sa direksyon kung saan nanggaling ang boses. Napakapit ako sa bakal sa gawin kanan ko nang may maaninag akong tao.
Binaybay niya ang tila bibigay nang mga yero nang walang kahit kaunting takot na mababakas sa mukha niya bago siya naupo sa tabi ko.
Tinitigan ko siya. Mahaba ang buhok niya, maputi siya at napakaamo ng kaniyang mukha. Masasabi kong maganda siya.
"Ako nga pala si Vina. Nakatira ako sa ilalim ng bubong na iyon." Itinuro niya ang bubong na tatlong bubong ang layo mula sa kinauupuan ko. "Ikaw, anong pangalan mo?"
"Ako si Leon. Anong ginagawa mo rito?"
"Natutuwa akong makilala ka." Iniabot niya sa akin ang kamay niya.
"Anong gagawin mo?" Napahigpit ang kapit ko sa bakal. "Hihilain mo ako para malaglag ako, ano?"
Itinaas niya ang mga kamay niya na tila sumusuko. "Kalma. Kung ayaw mong makipag-kamay, walang problema."
"Bakit ka pumunta rito? Siguro nandito ka para itulak ako para malaglag ako mula sa bubong na ito."
"Kung iyon man ang intensyon ko, sana kanina ko pa ginawa. Dahil ang mga ganoong klaseng intensyon, kapag ginawa nang alam ng biktima ay maaring hindi maging matagumpay."
Marami siyang sinabi ngunit wala sa mga sinabi niya ang nakapagpabitaw sa akin sa bakal na iyon.
"Bakit? Takot ka bang makaharap ang masakit na katotohanan? Nabubuhay ka rin ba sa matamis na kasinungalingan?" tanong niya.
"Kung alam mo lang na hindi matamis ang kasinungalingan sa mundo ko, sigurado akong mas gugustuhin mo pang mabuhay sa masakit na katotohanan." Umiwas ako ng tingin sa kaniya. "Bakit kayong mga normal na tao takot kayong harapin ang katotohanan? Palibhasa hindi niyo pa kasi alam ang kahalagahan nito dahil hindi naman kayo nabubuhay sa kasinungalingan. Kung mayroon lamang akong kakayahan na harapin ang katotohanan tulad niyo, hindi ko hahayaan ang sarili ko na mabubuhay sa matamis na kasinungalingan tulad ng ginagawa ng karamihan sa inyo."
"Bakit hinihiwalay mo ang sarili mo sa mga normal na tao? Hindi ko maintindihan."
Tinanaw ko ang buwan. "Dahil espesyal kasi ako. Iyon ang sabi ng mga doktor."
"Sa paanong paraan ka naging espesyal?"
"Nakikita mo ba 'yung mga matang nakatingin sa akin? Lahat sila binabantayan ang mga ikinikilos ko."
"Ngunit wala akong nakikitang mga mata."
"Nakikita mo yung halimaw na 'yun?" Itinuro ko ang nakikita kong elemento sa malayong kanan. "Galit na galit siya sa akin. Kitang-kita sa mga nanlilisik niyang mga pulang mata ang labis na pananabik na patayin ako."
"Pero isa lang iyong puno. Isang malaki puno. Hindi iyon isang halimaw," depensa niya.
"Iyong lalaking naglalakad, nakikita mo? May hawak siyang baril. Hinahanap niya ako upang patayin."
"Kung hindi ako nagkakamali, telepono iyon." Biglang inilapit ng naglalakad na lalaki ang baril nito sa mukha niya na tila sinusuri itong mabuti. "Tingnan mo. Mayroong liwanag na lumabas nang gamitin niya ang hawak niya. Hindi nga ako nagkamali na isa iyong telepono."
"Naiintindihan mo na ba ngayon kung bakit ko nasabing espesyal ako?"
Napatango siya. Kasunod niyon ay isang ngiti na walang emosyon habang nakatingin siya sa kawalan. Marahil ay marami na ang tumatakbo sa isip niya.
"Mapalad ka nga at nakikita mo ang katotohanan. Samantalang ako, lahat ay kasinungalingan. At ang katotohanan ay isang palaisipan na hangga't walang sagot ay mananatiling kasinungalingan."
Napabuntong-hininga ako.
"Kaya hindi ko maintindihan kung bakit ang mga tao takot harapin ang katotohanan? Hindi ba nila alam na napakapalad nila?" dagdag ko.
"Patawarin mo ako kung hindi ko masasagot."
Napatingin ako sa kaniya. Biglang nalaglag ang isa sa mga mata ni Vina at mula sa butas ng nalaglag nitong mata ay may lumabas na mga sari-saring insekto. Kumalat ito sa buong katawan niya na hindi katagalan ay nagsipuntahan papalapit sa akin. Pumikit ako at pagdilat ko ay mag-isa na lang ulit ako.
"Ngayon alam ko na ang dahilan." Bumitaw ako sa pagkakakapit sa bakal. "May mga bagay kasi pala ang kasinungalingan na hindi kayang ibigay ng katotohanan."
#