NILAMON NG PAGDUDUDA
Sa isang maliit na baranggay ay kilala ang binatang si Leonardo o mas kilalang Leon na magaling sa paglalaro ng basketball at lalong-lalo na sa sikat na online game na Defense Of The Ancient o DOTA. Mula umaga hanggang gabi ay makikita mo lang siya sa internet café o 'di naman kaya ay nasa gym na malapit sa kanilang bahay. Halos hindi na nga ito kumakain dahil nilamon na ito sa paglalaro.
Kahit na ganito ang ugali ng binata ay mahal naman nito ang inang si Milagros ngunit nawindang ang buong baranggay nang pinatay ang kanyang ina ng kanyang ama. Nagkalat na lamang sa buong baranggay ang usap-usapan na dahil daw ito sa droga. Agad namang sumuko ang ama ng binata habang naiwan naman si Leon sa ospital ng mga baliw. Ayon pa sa chismis, nabaliw na lamang daw ito dahil sa sobra nitong mahal ang ina at hindi maatim ng binata na mawala ito sa kanya.
Tatlong buwan na rin matapos ang nangyari sa pamilyang Selanova. Nakalaya na ang ama ng binata ngunit siya ay nasa ospital pa rin.
"Hijo, maayos na ba ang pakiramdam mo?" Tumango lamang si Leon sa tanong ng babaeng doctor na nasa harapan niya.
"Gusto mo na bang umuwi?" Sa pagkakataong ito ay hindi man lang tumango o sumagot man lamang ang binata. Animo'y may kakaibang pwersa na gusting lumabas sa mga mata nito.
"Leon, alam mo naman siguro ang tinatawag nilang pagsisinungaling hindi ba?" Wala pa ring sagot na nakuha ang doctor mula sa binata.
"Bukas, pauuwiin ka na namin." Biglang napatingala ang binata dahil sa sinabi ng doctor at ramdam mula sa mga mata nito ang pag-ayaw. "I'm a psychologist, Leon. Alam ko kung anong ginagawa mo. Kahit na walang finger print mo ang kutsilyong ginamit sa pagpatay, may CCTV naman na mas malakas ang hatak para kasuhan ka.
"Ayaw ko po... ayaw ko pong makulong!" Nanginginig na ang mga kamay at bibig ng binata. Hindi na rin ito makatingin sa doktor.
"Sa tingin mo makakatakas ka sa batas? Alam na ng mga pulis ang lahat, Leon? Kailangan mong harapin ang kasalanan mo." Kahit na nakikita na na ng doktor ang galit mula sa mata ni Leon ay nagging kalmado pa rin ito.
"Hindi pwede! Hindi ko sinasaadya 'yon! Si papa dapat 'yon, hindi si mama!" Dahil sa narinig ng mga gwardiya ang pagsigaw ng binata ay agad-agad itong pumasok sa opisina ng doktor at hinawakan sa magkabilang kamay ang galit at naghi-hysterical na binata.
"Dok, kailangan na nating paalisin ang mamamatay taong ito." Nagpatuloy pa rin sa pagpupumiglas ng binata at sumisigaw pa ito.
"Hindi ko sinasadya 'yon! Hindi dapat si mama! Si papa dapat!" Animo'y baliw na itong sumisigaw sa kwarto dahilan para tawagan ng ng doktor ang mga pulis at i-turn over na ito.
"Kailangan mo nang pagbayaran ang kasalanan mo," ito na lamang ang nasabi ng doktor at bumalik sa pagkakaupo habang nilalabas siya ng mga gwardiya.
Tatlong buwan na rin matapos ang nangyari sa pamilyang Selanova at kailangan ng pagbayaran ni Leon ang kasalanan nito... at ito ang pagpatay sa sariling ina.
Naging malaking balita ang buong pangyayari sa buong lungsod at hindi ito inasahan ng mga nakararami. May ibang nawindang dahil sa pag-ako ng ama ni Leon sa kasalanan ng binata. Nagalit naman ang ilan dahil akala nila hindi ito magagawa ni Leon. Hindi naman kasi nila alam ang buong pangyayari... tanging si Leon at ang kanyang ama lamang.
Sa maliit na baranggay ng San Andres, kilala ang pamilyang Selanova dahil sa angking kabaitan ng pamilyang ito. Ngunit, nag-iba ang lahat ng nalulong ang nag-iisang anak ng mga Selanova na si Leonardo o Leon sa larong DOTA. Akala ng lahat na si Leon pa rin ang mabait na bata na nakilala nila dahil sa palaging pagsisimba nito kasama ng kanyang mga magulang. Ngunit nagkamali sila dahil habang tumutuntong ito sa sekondarya, nag-iba na ang ugali nito.