Entry #8: Mga Pangangailangan

124 4 4
                                    

MGA PANGANGAILANGAN


Pilit kong inabot ang dulo ng aking lalamunan hanggang sa lumabas ang mga kinain ko kanina. Kahit sumakit man ang aking leeg, pakiramdam ko pa rin ay nakahinga ako nang maluwag.

Naghilamos ako saka lumabas ng banyo. Agad akong tinawag ng isa kong kagrupo sa thesis, si Lucy at ipinabasa ang kanyang gawa.

Hatinggabi na ngunit hindi pa rin tapos ang ipapasa namin bukas. Tatlo lamang kaming nagtutulungan. 'Yung isa naming kagrupo, nagse-cellphone lang at kumakain, habang yung isa, masyadong maraming sinasabi ngunit walang ginagawa.

"Mapupuyat na naman tayo nito. Hay buhay." Nagsalita na naman ang pabida naming kasama.

"Kupo. Si Leon walang reklamo. Sanay sa puyatan 'yan. Tulog sa umaga 'yan pero gising sa gabi," sambit naman ni Lucy.

"Ayoko lang na natutulog kapag gabi. Saka nakasanayan ko na rin kasi," sagot ko naman sa kanila.

Narinig kong tumunog ang aking tiyan. Siguro, dahil isinuka ko ang ipinakain sa 'min kanina ay nawalan ito ng laman. Biglang nagsalita si Cyrus, ang kaklase kong may-ari nitong bahay na pinaggagawaan namin.

"Pre, hindi ko akalain na sa dami ng kinain mo kanina, nagugutom ka pa rin." Tumawa siya nang bahagya ngunit hindi ako umimik. Yumuko na lamang ako at pinagpatuloy ang pagtitipa.

"Ipaghahanda na lang uli kita ng pagkain," sabi niya saka tumayo upang pumunta sa kusina. Huli na upang pigilan ko siya. Dahil nahihiya rin ako, hindi ko kayang sambitin na hindi ako kumakain ng hindi ko luto.

Bumalik siya na may dalang isang plato ng kanin at ulam. Nang makita ko ang inihanda niya, parang nais ko muling sumuka.

"Dapat hindi ka na nag-abala pa." May halo ng pagkukunwari ang aking tugon na agad ko namang dinugtungan.

"Nakakahiya tuloy." Ayokong kainin 'yan dahil hindi ko alam kung anong inilagay mo. Mga salitang kating-kati na akong sabihin ngunit pinipigilan ko.

"Okay lang Leon. Naiintindihan ko, tayong mga lalaki, malakas talaga tayo kung kumain," sagot niya. Tiningnan kong kung paano niya inilapat ang kanyang kamay sa aking balikat upang ako'y tapikin. Pakiramdam ko masyado iyong mainit at mabigat.

Tayong mga lalaki...

Nakaramdam ako ng kilabot. Tinitigan ko siya.

Tayong mga lalaki?

"Oh. Bakit Leon? Totoo naman 'di ba?" Nakangiti niyang tanong. Sinasadya niya talagang pakuluin ang ulo ko.

"Putangina mo pa lang bading ka e!" Sinunod-sunod ko ang pagsuntok. Wala akong pakialam kung nasa pamamahay niya ko basta mailabas ko lang ang galit ko.

"Putangina ka ba't ka pa nabuhay!" Hindi ko na kaya pang pigilan ang aking sarili kapag nagsimula na akong maging bayolente. Pilit kaming inaawat ng iba kong kagrupo ngunit hindi nila kami kaya.

"Tumigil na kayo! Leon! Cyrus!" sigaw ni Lucy ngunit hindi kami natinag ni Cyrus sa pagsusuntukan.

Ang totoo, sa bawat suntok na ibinibigay sa akin ay wala akong maramdaman. Sa tingin ko, masyado nang sanay sa bugbog ang aking katawan. Kung siguro, may taong titingnan ang loob ng aking katawan ay wala siyang makikita. Kaya masyadong maingay ang alingawngaw ng mga salita sa aking isipan ay dahil wala na akong laman.

Napatingin ako sa ilaw ng kisame. Nahihirapan akong makaaninag dahil napuruhan ang aking mata. Nasa ibabaw ko si Cyrus na muli akong sinuntok. Lumalabo ang aking paningin. Dumidilim. Hindi pwede. Ayokong matulog.

"Papa..." Nagising ako nang may pumatay ng ilaw sa kwarto ko. Hindi ako sanay na natutulog nang walang ilaw.

"Sandali lang 'to anak..." Bulong niya saka lumapit at hinawakan ako sa balikat.

"Ayoko po. Wag po.." pagmamakaawa ko sa kanya. Nagpumiglas ako ngunit sinikmuraan niya ako kaya't nawalan ako ng lakas. Palagi na lamang nauuwi sa ganito. Hindi ko kayang lumaban. Hindi ko kayang magsalita dahil papatayin niya raw ako.

Napuno ng hikbi ang aking kwarto nang umalis siya. Hindi ako makakilos dahil hanggang ngayon ramdam ko pa rin ang bawat hagod na masyadong masakit. Nakakapaso ng balat.

Sa sampung taon na nabubuhay ako ay hindi ko akalain maaga akong mamumulat sa ganitong kababuyan.

"Kainin mo 'to anak." Pilit isinusubo sa akin ni papa ang pagkain na nangggaling sa kanyang bibig.

"Po?" Nanlalaki ang aking matang nagtatanong. Lumingon ako sa paligid. Kumakapit pa rin ako sa pag-asang uuwi si mama ulit dito sa bahay upang kunin ako mula sa puder niya.

"Tayong mga lalaki, may dalawang pangangailangan na kailangan matugunan. Una dito," tinuro ni papa ang kanyang bibig. "Pangalawa dito." Saka niya tinuro ang kanyang ibaba. "Kainin mo na 'to."

"Ayoko po." Umaagos na ang luha sa aking pisngi. Bakit niya sa 'kin ibinibigay 'yung may laway na niya?

Napabuga ako ng dugo nang suntukin ako ni papa. "Ayoko sa maarteng bata."

Gusto ko nang mamatay.

Minsan, iniisip ko na sana lason na lang 'yung nilalagay ni papa sa pagkain ko. Na sana maging umaga na lang ang gabi. Na wala na lang gabi. Para walang papasok sa kwarto ko. O kaya sana wala na lang akong kwarto. Walang hahawak sa 'kin gamit ang maiinit na mga kamay. Para walang paso na mananatili sa katawan ko bilang mga peklat.

Inalalayan ako ni Lucy papalabas ng bahay nina Cyrus. Mabuti raw ay natauhan si Cyrus nang makitang nawalan na ako ng malay.

"Dadalhin kita sa ospital."

"Wag na. Uuwi na lang ako." Pumara ako ng masasakyan at sumakay. Nagulat ako nang sumunod si Lucy sa akin.

"Leon.." may halong pag-aalala ang kanyang mga mata nang ako'y kanyang tingnan. Magkatapat kami habang nasa dulo ng jeep.

"Leon, ano bang problema mo kanina? Nagbibiro lang naman si Cyrus. Bakit gano'n na kaagad ang inasal mo? Nasa katinuan ka ba?" Sunod-sunod niyang tanong. Tinitigan ko siya nang masama.

"Iniisip mo bang nababaliw ako? Wala kang alam kaya tumahimik ka." Napabuntong-hininga siya.

"Sorry. Gusto ko lang naman may malaman kaya ako nagtatanong. Leon, kung may problema ka handa akong tulungan ka. Iyon ay kung gusto mong magpatulong. Para saan pa na magtatapos tayo bilang mga psychologists kung 'yung mga sarili nating issue hindi natin masolusyunan."

Hindi ako nakaimik dahil wala akong maisip na isagot. Nablangko ako bigla dahil sa sinabi niya.

"Kung binulag ka ng mga napagdaanan mo, pipilitin kong ipaaninag sa 'yo kung anong hindi kayang makita ng iyong mga mata. Kung ang magiging paraan para makamit iyon ay ibigay ko sa 'yo ang bagay na hindi mo nakuha mula sa iba at sa sarili mo, handa akong ialay iyon sa 'yo.

Leon, matagal na kita inoobserbahan. Alam kong may problema ka na pilit mo lang itinatago dyan sa loob mo pero kusa na lang iyong lumalabas nang hindi mo nalalaman. Kaya naman gusto kitang tulungan, hindi lang bilang kapwa mo psychologist, pero bilang tao rin na nagpapahalaga sa 'yo."

"Matagal ko nang nasolusyunan ang problema ko Lucy. Okay na ko ngayon. Salamat sa offer." Pumara ako at mabilis na tumakbo papauwi.

Naghanda agad ako ng pagkain para sa aming dalawa ni papa dahil alam kong hindi pa siya kumakain at hindi niya na rin kayang magluto pa.

"Bakit ayaw mo pang kumain ha?" Pilit kong isinusubo sa kanya ang pagkaing iniluwa ko ngunit hindi siya tumutugon at nakatingin lamang siya sa akin.

Napahalakhak ako. "Wala ka na kasing kwenta ngayon. Anong pakiramdam na ginagawa ko sa 'yo ang ginagawa mo lang sa 'kin noon?" Muli, hindi siya sumagot.

"Putangina mo kumain ka na!" Sinuntok ko siya nang may mahulog sa sahig. Pinulot ko iyon.

"Mukhang ang kailangan nating tugunan ay ang pangalawang pangangailangan mo papa," bulong ko habang ikinakabit ang kanyang ulo sa leeg.

VOLUME 2: LOST BOYSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon