Entry #2: Bilanggo

194 4 4
                                    

BILANGGO


Pinagmamasdan kita mula sa kabilang sulok ng iyong silid. Katulad nang dati, tulala ka na naman. Malayo ang tanaw. Para bang ang layo-layo nang nilalakbay ng isip mo. Parati ka na lang ganiyan. Wala yatang araw na nagdaan na hindi ka nakatitig sa kawalan. Ano bang tumatakbo diyan sa isip mo? Ano bang nararamdaman mo? Natatakot ka pa rin ba? Naguguluhan? Nalulungkot? H'wag kang mag-alala, nandito lang ako. Dadamayan kita. Babantayan. Sasamahan. Hanggang sa bumalik ka sa dati. Kahit ipagtabuyan mo ulit ako. Ayawan. Ganoon ka kasi kahalaga sa akin. Ganoon kita kamahal.

"Leon, kasama ko ang Tita Letty mo." Marahang bumukas ang pintuan ng iyong silid. Si Papa.

Ang mga titig na ibinabato mo sa kanila ay tila kay lamig. Hindi ka mangiti. Ni-hindi ka man lang ba nakaramdam kahit kaunting tuwa? Hindi ka man lang ba nasasabik na mayakap at makita sila? Ilang linggo na rin nang huli nilang dalaw sa iyo, 'di ba?

Ayaw mo talaga sa kanila, ano?

"How are you, dear? Are you feeling okay now? Look, I have chocolates for you." Dahan-dahang lumapit sa iyo si Tita. Nang lalapat na ang kanyang labi sa iyong pisngi ay tinapunan mo siya ng isang nakatatakot na mga titig.

Hindi mo pa rin siya matanggap bilang pangalawang ina, ano? Wala na si Mama. Matagal na siyang wala. Buksan mo na ang puso mo para sa kanya. Mabait naman siya, e. Maalalahanin, lalo na kay Papa.

"H'wag mo akong hahawakan," mahina ngunit maawtoridad ang tinig mo.

"Leon!" Bahagyang tumaas ang tono ng boses ni Papa na siyang nagbigay sa iyo ng kakaibang pakiramdam. "Ganiyan mo ba tratuhin ang mga bisita mo?! Say sorry to your Tita. Now!"

Hindi ka umimik. Tila sandaling naumid ang dila mo. Nag-iwas ka lang ng tingin. Hanggang sa naramdaman mo na lang sa iyong balikat ang kaliwang kamay ni Papa. "Leon!"

Sa pagkakataong iyon, labis ang iyong pagkagulat. Natataranta ka. Para bang nagpaulit-ulit sa iyong pandinig ang bulyaw ni Papa na tila isang batingaw.

Awtomatikong tumaas ang dalawa mong mga kamay na para bang may sinasangga. "H'wag po, Papa! H'wag po! Pakiusap." Nagsimulang kumawala ang mga butil ng luha sa iyong mga mata. Takot na takot ka. Garalgal ang iyong pag-iyak. Walang humpay ang pagsusumamo mo na h'wag kang saktan.

"Maniwala po kayo sa akin. Hindi ko po sinasadya. Maniwala kayo. Hindi ko po sinasadya..." Nagpatuloy ang pagtaas-baba ng iyong balikat. Humahagulgol ka na.

Sinubukan ka nilang lapitan at pakalmahin pero mas lalong tumindi ang iyong pag-iyak. Sumisigaw ka. Nagmamakaawa na h'wag kang saktan. Na patawarin ka nila.

"Nurse! Nurse!"

Lumapit ako sa iyo para subukang pakalmahin ka. Ngunit mas lalong tumindi ang paghagulgol mo. Sigaw ka nang sigaw na iwan ka namin. Na gusto mong mapag-isa. Abot-abot din ang paghingi mo nang tawad kahit 'di naman kailangan. Sinasaktan mo na ang iyong sarili. Sabu-sabunot ng dalawa mong palad ang may kahabaan mong itim na itim na buhok.

Bakit, Leon? Bakit mo ito ginagawa sa sarili mo? Ang gusto ko lang naman ay patahanin ka. Nahahabag ako sa kalagayan mo. Gusto kitang tulungan at kausapin para mabawasan ang dalahin mo. Ayaw mo ba talaga sa akin? Sa amin?

Tumulo muli ang mga sariwang luha sa iyong mga mata. Nanginginig ang buo mong katawan.

Hanggang kailan ko ba sasabihin sa iyo na wala kang kasalanan? Na aksidente ang lahat. H'wag mo nang ikulong ang iyong sarili sa nakaraan. Wala ka namang kasalanan. Wala.

Limang taon. Limang taon na ang nakakalipas nang mangyari ang aksidente. Palayain mo na ang sarili mo. Walong taon ka lamang noon. Walang muwang. Tanging hangad lang ay maglaro at magtampisaw sa ilalim ng tirik na araw.

Si Papa. Si Papa ang dahilan kung bakit ka nagkaganiyan. Kung hindi ka sana niya sinisi nang husto sa nangyari ay hindi ka naman hahantong sa ganito. Oo. Pinagmalupitan ka niya. Minaltrato. Walang araw yata na hindi niya pinaramdam sa iyo kung gaano siya namumuhi sa iyo... sa iyo na walong taong gulang lang noon. Inosente.

Bawat araw ay bagong pasa at mga sugat na labis na pinagdurusahan mo. At sa tuwi-tuwina'y para ka nang isang asong balisa. Matanawan mo pa lang si Papa ay abot na ang atungal mo at paghingi ng tawad. Sa kasalanang hindi mo naman sinasadya at talagang ginawa. Kahit simpleng mga yabag ay kinakatakutan mo. Maging ang dahan-dahang pagbukas ng pintuan ng iyong silid ay kakaibang pakiramdam ang dulot sa iyo. Sa wari mo'y muli kang sasaktan at pagmamalupitan ni Papa.

Ilang beses mo na rin bang tinangka na wakasan ang iyong buhay? Isa? Dalawa? Tatlo? Hindi ko na matandaan. Sa tuwing makikita ko ang iyong pala-pulsuhan ay nadudurog ang puso ko. Labintatlong taong gulang ka lang. Hindi mo dapat naiisip ang bagay na iyon. May magandang bukas pa na naghihintay sa iyo. Inuulit ko, palayain mo na ang sarili mo. H'wag mong gawing bilanggo ng nakaraan ang sarili mo. Patawarin mo na rin si Papa. Alam kong nagsisisi na siya sa lahat ng nagawa niya sa iyong kasalanan. Mahal na mahal ka niya. H'wag mong sayangin ang buhay na mayroon ka.

Hinding-hindi ako magsasawa na paulit-ulit na sabihin sa iyo at ipadama sa iyo na wala kang kasalanan. Wala.

Hindi mo kasalanan kung bakit ako maagang nawala. Isang aksidente ang pagkakahulog ko sa pool na siyang dahilan ng pagkalunod ko. Wala kang kasalanan at kahit kailan ay hindi kita sinisi sa aking kapalaran. Kung kaya't magpakatatag ka. May naghihintay pa sa iyong magandang bukas. Manalig ka. H'wag kang mag-alala. Nandito lang ako. Babantayan kita. Sasamahan. Ipinapangako ko na hinding-hindi ka mag-iisa. Palagi lang akong narito... nakabantay sa iyo, kapatid ko.

VOLUME 2: LOST BOYSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon