Entry #6: Limerence

86 6 4
                                    

LIMERENCE


MALAMIG at tanging ilaw mula sa telebisyon ang nagbibigay liwanag sa madilim na kuwarto. Ngunit, nanatili siyang nakadapa at walang kumot sa kaniyang kinahihigaan habang pinagmamasdan ang mga koleksiyon niya ng mga nobela at manga series, psps, cds ng video games at dvds ng popular na Final Fantasy Series - mapaluma o latest mang release at mapa-spinoff o main. Pansumandali'y napatingin si Zachary sa pinapanood na Final Fantasy VII: Advent Children, isa sa mga pelikulang inilabas noong 2005 at paborito niya, saka sa larawan ni Tifa Lockhart. Nangingiti sa sariling ipinikit niya ang mata subalit nagambala iyon nang mahinang ugong ng sasakyan.

Kuryosong tumayo siya saka hinawi ng binata, gamit ang hintuturo, sa sapat na espasyo ang makapal na kulay puting kurtina na nagsisilbing tabing sa init, at sumilip mula rito.

Sa di-kalayuan, namasdan ni Zachary ang nakangiting dalaga habang buhat-buhat ang isang kahon. Pakiwari pa nga niya'y natigil ang oras at namalik-mata nang dumapo ang kaniyang paningin rito. Ang maamo at payapang mukha ng dalaga'y nakakahalina, ang kutis nito'y mamula-mula dahil sa init ng panahong kinukumplimentuhan ng mahaba at itim na buhok, pati ang katangkara'y nahulma sa suot na puting bestidang umaabot hanggang sakong. Para itong winangis kay Tifa Lockhart - ang karakter na may tila koneksiyon sa kaniyang pagkatao.

Nang bumaling ang tingin nito sa gawi niya'y agad ang kaniyang pagbitaw sa hinahawakan at tumalikod, kahit katunaya'y tanging itim lang ang makikita sa labas. Napapasapo sa dibdib si Zachary nang maramdaman ang ritmong hindi pamilyar ang tugtugin saka nagpigil ng paghinga. At sa pagkakataong yaon, napagtanto ng binatang may posibilidad pa pala ang sarado at manhid niyang puso't isipan sa lason ng paninibugho't pagkagusto.

Lumipas ang umaga, tanghalian, gabi, hatinggabi at madaling-araw, gayunpaman, ang sistema niya'y nantiling giyera sa sobrang gulo. Pati paglabas sa silid para sana'y kumai'y hindi na rin niya nagawa dahil naglakas-loob siyang pagmasdan pang muli ang dalaga sa pamamagitan ng binoculars na ipinabili. Ngunit, bumabagsak na ang kaniyang talukap, wala pa siyang masagap na anino nito. Kaya, para sa konsolasyon sa sarili'y tinitigan na lamang ng binata ang tanging litrato sa kuwarto.

"Zachary ... Zachary ..." subalit naging bingi-bingihan siyang nakatitig sa kisame.

Ang isipa'y naglalaro sa imahinasyong magkasama sila ng dalagang hinahangaan sa dalampasigan, nagkakaigihan at ninanamnam ang tanawin. O, 'di kaya'y pareho silang nanunuod at naglalaro ng kinahiligang role-playing video games. Gayunpaman ....

"Bumangon ka na riyan at bumaba para kumain, Apo," bilin ng kaniyang tagapangalaga, matapos ay naulinigan ni Zachary ang papalayong yabag nito.

Napabuntong-hininga nang malalim ang dise-nueve anyos na binata saka kumilos. Paminsan-minsa'y natitigilan dahil sa hindi mapigilang pagngiti at pagkamot sa batok - nasisiyahan sa mga dumadapong pantasya sa balintataw.

"Nana, may bagong lipat po ba?" nagkukunwaring tanong niya sa matandang naghahanda ng kaniyang pananghalian.

Nababalaghang napatingin ang kaniyang Nana Sela sa kinauupuan niya, siguro'y nahihiwagaan dahil ngayo'y nagkainteres sa ibang bagay bukod sa pagguhit at paglalaro. "Apo ni Hermosa ang bata, Zakario," sagot nito, "Pumunta pa nga rito't nagbigay ng adobong manok."

Bakit hindi niya iyon namalayan para sana, kahit papaano'y kaniyang masilayan ito nang malapitan? O, malaman ang pangalan? ... kaso, kaya ba niya?

Nanumbalik ang diwa ng binata nang tumikhim ang kaniyang Nana at nagsaad, "Maria Janella ang kaniyang ngalan, Apo." Nahimigan niyang may bakas ito ng tuwa kaya't pati siya'y nangingiti, saka ang hinatid ng dalagang pagkain ang kaniyang inunang kinain.

VOLUME 2: LOST BOYSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon