WISH UPON A SHOOTING STAR
Isang gabi habang pinagmamasdan ko ang mga bituin sa kalangitan ay nakakita ako ng isang parang bolang apoy na mabilis na bumabagsak patungong kalupaan. Kung hindi ako nagkakamali, iyon ay isang bulalakaw. Ang sabi sa akin ni Lola noong bata pa ako ay kung hihiling ako sa bulalakaw ay matutupad iyon.
Ipinikit ko ang aking mata at saka humiling. "Sana, sana dumating ang araw na maging malaya ako. Maging malaya sa mundo. Iyong tipong magagawa ko ang lahat ng gusto ko. Iyong walang makakapansin, walang mangingialam sa mga gagawin ko. 'Yong pakiramdam na ang ako lang ang nage-exist sa sarili kong mundo."
KINABUKASAN ay alas 9 na ako nagising. Lumabas ako ng kwarto, nakita ko sa mesa ang mga mangkok at plato na nakatakip. Malamang ay ulam iyon na niluto ni mama. Ala-una pa kasi ng hapon ang pasok ko kaya ako lang ang naiiwang mag-isa dito sa bahay, si mama at papa kasi ay sabay na pumapasok sa opisina nang alas-7 ng umaga.
Matapos akong makakain ng umagahan ay nagdiretso ako sa sala upang manood ng tv. Ganito lang naman umiikot ang buhay ko sa loob ng bahay sa tuwing mag-isa ako. Minsan naman ay nagbabasa ng libro kapag sinipag.
Hindi ako palakaibigan, hindi ako mahilig makisalamuha sa kahit na sino, mas gugustuhin kong mag-isa kaysa may kasama. Mas gugustuhin kong tumambay sa isang lugar na walang tao, ayaw na ayaw kong dumadaan sa mga lugar na kumpol ang mga tao. Ayaw ko kasing pinagtitinginan ako, ayaw ko ng pakiramdam na parang nakatuon ang pansin nila sa akin, naiilang ako, pakiramdam ko ay hinuhusgahan nila ako sa tuwing tumitingin sila sa akin.
ALAS ONSE na, naligo na ako at saka nagbihis. Matapos kong magbihis ay kumain muna ako ng tanghalian at saka nagtoothbrush at lumabas ng bahay.
Heto na naman ako, nakayuko na namang lalakad habang pilit na iniiwasan ang mga tingin ng tao. Minsan kasi sa aking buhay ay nabully na ako, niloko, hinusgahan ng harap-harapan at ipinahiya sa maraming tao kaya sa tuwing lumalabas ako ng bahay ay natatakot akong mapansin dahil ayoko nang maulit pa ang naranasan ko dati. Mas gugustuhin ko na lang mag-isa kaysa mayroong kasama.
Nang makarating ako sa kanto ay may tatlong tao na din na nag-aabang doon, nakayuko pa rin ako dahil baka magkasalubong ang aming mga mata at baka kung ano pa ang isipin nila. Ilang sandali pa ay may jeep nang huminto pero tatlo lang ang kasya kaya sumakay na iyong tatlo at naiwan akong mag-isa. Siguro ay dalawang minuto ang nakalipas at may jeep na ulit na paparating, pinara ko ito ngunit hindi naman ako hinintuan. Ilang minuto ulit ang nakalipas ay may paparating na namang jeep, pinara ko ito ngunit hindi na naman huminto kahit nakita kong onti pa lang ang sakay nito. Nagtataka na ako dahil sa pang-limang jeep ay hindi pa rin ako hinintuan at parang hindi man lang tumitingin sa direksyon ko.
Hanggang sa nakakita na naman ako ng jeep na paparating. Dahil sa inis ko at hindi ako hinihintuan ng jeep, naglakas loob akong magpunta sa gilid ng daan upang siguradong makita na ako ng drayber at hintuan ako. Paulit-ulit akong pumara pero mabilis lang ang pagtakbo ng jeep at walang balak huminto, hindi ko napansin ang papaover- take na motorsiklo. Dahil sa bilis ng motorsiklo ay hindi ko na nagawang umatras pa, hinintay ko na lang ang pagbundol nito sa akin, sigurado akong sa bilis ng motorsiklo ay tiyak na hindi na ako mabubuhay pa. Pero imbis na mabundol ako ay nakita ko ang pagtagos nito mula sa aking katawan. Paanong...paano nangyari iyon? Bakit tumagos lang ang motorsiklo?
Napaatras ako at sa pag-atras ko ay isang nakaputing babae ang nasa gilid ko. Si-sino naman ang babaeng ito?
Ngumiti siya sa akin at saka nagsalita. "Ako ang bulalakaw na pinaghilingan mo kagabi, tinupad ko ang iyong kahilingan. Magiging malaya ka na tulad ng nais mo. Isa ka na lamang kaluluwa ngayon." naalala ko na. Oo nga pala! Humiling ako kagabi sa isang bulalakaw. Hindi ko akalain na totoo pala ang mga sabi-sabi ng matatanda.