LEON
"Sunog! Sunog!"
Pabalibag na binuksan ng naalimpungatang si Leon ang pintong yari sa kawayan. Inapuhap pa niya ang kanyang hinagap kung panagainip pa ba iyon o totoong pangyayari na. Subalit, ang makapal na kimpal ng maitim na usok sa bungad ng barrio Pugad ang mistulang malamig na tubig na bumuhos sa kanyang pagkatao. Tagaktak ang kanyang pawis. Walang panama ang malamig na hamog nang umagang iyon sa tindi ng nararamdaman niyang kaba. At nang makita ang nagngangalit na ga-halimaw na apoy, agad niyang isinara ang pinto.
Dali-dali niyang tinungo ang papag. Umupo siya roon. Bahagyang nanginginig ang mga tuhod. Hindi rin mapirmi ang namumulang mga mata sa iisang direksyon lang. Kung saan-saan niya ipinupukol ang kanyang paningin: sa mesa, sa orasan, sa pinto at sa bintana.
"W-wala... W-wala akong k-kasalanan... hindi ako... hindi-" paulit-ulit niyang bulong nang bigla siyang napasampa sa papag nang makarinig ng kaluskos mula sa labas ng kubo.
Lalo lang tumindi ang kanyang ipinapakitang takot nang marinig ang sunod-sunod na sirena ng mga rumespondeng trak ng bumbero. Maging ang wang-wang ng police mobile ay nagpakaba sa kanya nang husto. Halos umuga na ang papag na kinauupuan niya sa lakas ng panginginig ng kanyang tuhod. Nadamay na rin ang katabing lamesa na kanyang sinandalan na dahilan kung bakit nahulog ang basong may lamang tubig. Lumikha iyon ng ingay. At ang pagtalsik ng tubig sa kanyang pinagpapawisang mukha ang nagpabalik ng kanyang alaala sa nangyari bago pa man ang sunog.
Dumadagundong sa lakas nang pagpalo sa snare ang drummer na sinabayan pa ng tumatalong offbeat ng bass sa kabuuan ng sports complex. Tila kumakagat din sa balat ang riff ng distortion ng lead guitar. Punk na punk ang datingan ng banda na tumutugtog nang gabing iyon. Kahit na maalinsangan ang panahon, kitang-kita sa mga manonood ang sigla sa unang pitada pa lamang ng ingay. Tila mga hipong naglundagan agad ang mga kabataan, lalo na ang mga kalalakihang mahilig sa ganoong klase ng tugtugin. Umpisa pa lamang ay tila kakapusin na sa hininga ang sinumang umiinom ng alak na sinabayan pa ng kasisigaw upang sabayan ang maingay at nakabubulahaw na musikang naglalaro sa paligid. Mistulang mga uhaw na basang-sisiw; halos walang pakialam kung sino ang masasaktan sa ginagawang paglundag-lundag. Ang iba pa nga'y sunasampa pa sa upuan at ang iba'y walang permisong sumasalabay at umuupo sa balikat ng mga hindi kilalang katabi at doon naghihiyaw na parang hayop na nakawala sa coral.
Habang abala ang karamihan, tahimik lang na nakasilip si Leon sa maliit na awang ng sirang bintana. Tiim ang bagang nitong nakatitig sa bokalista ng banda. Naglabasan na rin ang mapupula't maliliit na ugat sa kanyang mga mata na dahilan nang bahagyang pagkabasa nito.
Lumipat siya ng puwesto. Umupo siya sa gilid ng kamang yari sa kawayan. Balisa. Tagaktak ang naglalakihang butil ng pawis. Kinuha niya ang isang stick ng yosi na nakalapag sa lamesa at agad niyang sinindihan iyon. Gumuhit ang kulay pulang baga ng yosi sa kadiliman ng silid na kanyang kinaroroonan kasabay ng isang hinugot na buntong-hininga ang pagbuga ng maputing usok. Sunod-sunod na paghithit ang kanyang ginawa kung kaya mabilis na naubos ang kasisindi pa lamang na yosi.
Napatayo siya at tinungong muli ang bintana. Mula sa lumang apartment na kanyang kinaroroonan, tanaw na tanaw pa rin niya ang kumpulan ng mga tao na parang mabilis na alon na gumagalaw sa saliw ng maingay na musika. Hindi pa rin tapos ang tugtugan. Wala pa rin siyang mahanap na tiyempo. Ngunit, nababakas sa naglalakihan niyang ugat sa kamao nang ikuyom niya ito ang kagustuhang maisagawa na ang plano. Lumayo pa siya nang bahagya sa bintana. Mabilis na bumalik sa pagkakaupo. Napasapo pa siya sa ulo. Ang kanyang paghinga'y tila sumasabay na sa bawat pagdagundong ng drum. At sa bawat paghiyaw ng bokalista, nagtatangis ang kanyang bagang.