Entry #6: Antok

116 4 4
                                    

ANTOK

(Late - Disqualified)


Alas tres na ng madaling araw pero gising pa rin siya, muli na naman niyang hinihintay ang pagdalaw ng antok.

Kanina, habang papauwi ay may nadaanan siyang napirat na itim pusa sa may kalsada. Kitang-kita ang nagkalat nitong mga lamang-loob sa daan.

Madilim ang kalsada pero kitang-kita pa rin niya mula sa kotse ang kalunos-lunos na sinapit ng pusa.

Maya-maya pa'y naramdaman niya na ang muling paninigas ng katawan. Karaniwan na itong reaksyon niya tuwing nakakakita ng patay na kahit ano. Pero bago ito ngayon, tumulo ang luha niya. Marahil dahil sa awa, o dahil pareho sila. Kapuwa sa dilim na nga lang nagkukubli, ay ganito pa ang sinapit.

Ilang beses na ba niyang naitanong sa kahit sinong kausap kung bakit kailangan pang iparanas ang isang bagay na babawiin lang din? Bakit niya pa naranasang mapankinggan ang liwanag kung bibingihin lang din pala siya ng kadiliman? Bakit kailangan pang mabuhay, kung mamamatay lang din?

Bigla siyang kinabahan. Napangiwi. Nawalan ng pag-asa. Naiyak. At maya-maya pa'y namanhid. Nakatulala na lamang siya sa kawalan, walang nararamdaman, walang iniisip.

Saglit pa'y may nangatok sa bintana ng kotse niya, kapuwa motorista, at sumesenyas itong umabante na siya.

Nang makauwi sa bahay ay agad siyang dumiretso sa kuwarto ng mga magulang. Mahimbing na ang tulog ng mga ito kaya naman hindi na napansin ng mga ito ang pagdama niya sa mga tiyan nila para malaman kung humihinga pa ang mga ito. Hindi pa nakuntento at dinama pa ang hanging lumalabas sa bibig at ilong ng mga ito. At nang makasiguradong may mag-aasikaso sa kaniya para bukas, o sa susunod pang bukas ay umakyat na siya sa sariling kuwarto.

Alas tres na ng madaling araw pero gising pa rin siya, muli na naman niyang hinihintay ang pagdalaw ng antok.

Antok na magdadala sa kaniya sa paghimbing na hindi na magigising.

Madilim ang kuwarto para sa kaniya kahit bukas ang tatlong ilaw sa lahat ng dako ng silid.

Masikip ang kuwarto para sa kaniya kahit halos ang buong palapag ay kuwarto niya lang. Nagsisiksikan silang lahat ng mga nilalang sa kuwarto niya. Kaniya-kaniya silang kabit ng kadena sa kaniya, sabay puwesto sa isip niya at gagawa na naman ng imahinasyong puti at itim lang.

Ipinikit niya ang kaniyang mga mata, pinakikiramdaman ang paligid hanggang sa nakaramdam siya ng kalabit sa may kanang balikat. Hindi niya ito pinansin. Malamang isa na naman ito sa mga kakatwang nilalang na nakikisali sa pagpupulupot ng kadena sa kaniya. Kumalabit uli ito. Hindi niya pa rin pinansin. Isa pang kalabit at isa pa, at isa pa, at isa pa.

Nilingon niya ito, isang babae. Isang batang babae na kilala niya ang mga mata pero hindi niya matandaan ang pangalan. Kung may pangalan nga ba ito, hindi niya alam.

Ngumiti ito nang matamis sa kaniya, niyakap siya nang mahigpit na nagbigay kumportable sa kaniya. Umuusal ito ng mga salita, ngunit wala siyang naririnig. Kahit sa mismong panaginip, kung nananaginip nga ba siya'y wala pa rin siyang naririnig.

Maya-maya pa'y isa muling kalabit mula naman sa kaniyang kaliwa ang kaniyang naramdaman, napalingon siya rito. Isang lalaking may hawak na lubid, isang banig ng pampatulog, baril, plastik, blade, granada at isang pares ng mga tainga ang nasa gilid niya. Tumango ito sa kaniya at inalok ang mga tangan. Matagal niya itong tinitigan. Ang nakangiting mukha ng lalaking may hawak ng mga bagay na makakatulong sa kaniya at ang mga bagay na ilang beses nang bumigo sa kaniya. Pero kung sabay-sabay, siguro...

Paulit-ulit na paghila sa laylayan ng shot niyang long sleeves ang nakapagpahinto sa kaniya. Napayuko siya para makita ito. 'Yung batang babae. Yumakap ulit ito sa kaniya. Sa pagkakataon ito, mas mahigpit. Parang walang balak bumitiw. Ang mga itim ng mata ng batang babae ang nagpalunod sa kaniya. Nangungusap ang mga ito. Nakikiusap.

"Kuya, ganyan po ba talaga nakakaenganyo sumama?"

"Kuya, paano na si Goddess? Paano na paniguradong malulungkot ang mama mo,"

"Kuya, bakit po ang selfish ninyo?"

Kitang-kita niya ang mabilis na pagbuka't sara ng bibig ng paslit. Marami itong sinasabi. Pero hindi niya pa rin naririnig. Ang alam niya lang, nagtatanong ito. Maraming tanong. Tanong na walang sagot. Mga tanong na hindi niya na masasagot.

"Kuya Marcus, nangako ka pong hindi ka aalis 'di ba?"

Kasabay nito ang malakas na sabay-sabay na kalansing ng mga kadena na nakakabit sa bawat bahagi ng kaniyang katawan.

Bingi. Hindi niya alam kung saang bahagi ng oras na iyon siya nabingi. Walang nakakaalam. Walang ring nakarinig. Walang nakakita.

Pero isa lang ang sigurado, dumating na ang antok na hinihintay niya.

VOLUME 2: LOST BOYSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon