ID
Nagtagis ang kaniyang bagang - nagdulot iyon ng ingay na noo'y kinaiinisan niya. Noon, na tila napakatagal na panahon na.
Napukaw ng isang kaluskos ang kaniyang tainga. Normal sa gubat ang mga kaluskos dulot ng hangin o mga hayop ngunit kakaiba ang tunog ng paghawi ng mga sanga ng halaman - mas malalaki. Kasunod niyon ay ang pagputol ng isang sanga na pakiwari niya'y nasa lupa't natapakan.
Umakyat siya sa mas mataas na sanga ng puno, agad din namang bumaba dala ang sangang matagal na niyang pinatulis ng ilang umaga at gabing pagkiskis sa bato. Iyon ang armas na nagligtas sa kaniya sa ilang araw na pakikitira sa teritoryo ng mga hayop na sa telebisyon niya lamang dati nakikita at nasisigawan.
Tahimik siyang naupo sa matibay na sanga ng puno. Malikot ang kaniyang mga mata, nagmamasid. Mabilis ang pintig ng kaniyang puso ngunit sa kabila ng lahat ng iyon, napawi saglit ito nang mahaplos niya ang magaspang na sanga ng puno ng manga.
UNANG araw.
Ang paghinga ang unang hinabol niya sa pagmulat. Kasunod nito ay ang pag-ikot ng mata sa paligid - mga puno. Maraming puno. Naisin man niyang bumalikwas ng tayo ngunit nahihilo siya at nanghihina. Doon naproseso ng kaniyang isip ang lahat - ang paghampas ng tubig sa kaniyang mukha, ang pag-anod ng kaniyang katawan sa rumaragasang tubig ng ilog at ang huling sulyap niya sa mga kaibigang natulala habang siya'y sumisigaw ng tulong.
"Tulong!" Tila kumausap lamang siya ng isang taong kaharap sa pilit na sigaw na iyon. Itinukod niya ang palad sa lupa upang makaupo. Nanunuyot ang kaniyang lalamunan habang tumutulo ang mala-tubig na sipon sa kaniyang ilong. Marahan siyang umubo at humarap sa ilog upang uminom bago pa man tumayo at ipagpag ang sarili.
"Tulong!" sigaw niyang muli, sa pagkakataong ito ay mas malakas. Naglakad siya sa kawalan - habang puro puno ang tanging nakarinig ng kaniyang mga pakiusap. Sa isang malawak na kagubatan.
IKALAWANG araw.
Hindi siya makapag-isip nang diretso dahil sa gutom. Tanging tubig na lamang sa ilog ang nagpapanatili sa kaniya mula sa pagsuko.
Pagkain.
Naalala niya ang mga panahong nagsasayang lamang siya ng pagkain na nasa hapag nilang pamilya. Hindi niya alam kung hanggang kailan niya kakayaning alisin sa isip ang panginginig ng tuhod at panghihina.
Kumalam muli ang kaniyang sikmura.
Pagkain.
Isinalok niya ang kamay sa umaagos na tubig. Uminom siyang muli bago mapagpasyahang maglakad papunta sa loob ng gubat. Iisa na lamang ang suot niyang sapatos. Hinubad niya ang medyas mula roon at inalagay sa walang saping paa.
Sumalok siya ng tubig gamit ang isang plastic bag na nakita niya sa tabi. Bitbit iyon, nagsimula na siyang maglakad.
Bawat punong nadadaanan ay ang pagkabawas sa enerhiyang natitira sa kaniya. Pagal ang kaniyang hininga kahit na napakaliit lamang ng bawat hakbang niyang mabagal lamang din. Tirik na tirik ang araw at nakasisilaw ang bawat niyang pagtingala kahit pa halos matakpan na ng mga dahon ang init na galing dito.
"Putangina. . ."
Nanghihina na siya. Huli na para bumalik pa sa tabi ng ilog.
Sumandal siya sa puno.
Sandaling pahinga lang. . .
IKATLONG araw.
Nagising siya nang may maramdamang makati sa mukha. Agad niya iyong kinamot ngunit nagulat siya nang mahawakan ang isang insektong noon niya lamang nakita!
"Aaaaa!" Napabalikwas siya ng tayo. Saglit na nagkaroon ng enerhiya dahil sa gulat. Pinagpag niya ang katawan habang nagmumura sa isip.
Nanginginig ang kamay niya kasabay ng pangingilabot. Ngunit matapos ang ilang segundo, nanghihina ulit siya napasalampak sa puno. Kinapa niya ang supot na dala sa tabi.
"Butas pala, hayop."
Ibinato niya ang hawak. Walang pagkain, walang tubig. Lalo siyang nanghina dahil doon.
Pagkain.
Nilibot niya ang paningin sa paligid.
Namataan niya ang kaisa-isang punong alam niya.
Isang puno ng mangga.IKA-LIMANG araw.
Namamalat ang kaniyang labi ngunit ni hindi na sumagi pa sa kaniyang isip ang maghanap ng daan papunta sa iinumang ilog. Mula siyang sumubsob sa kahoy na yakap habang nakapikit ang mga mata.
Hindi niya matukoy ang dahilan kung bakit ayaw na 'ata niyang mawalay pa sa punong buhay na niya ngayon. Totoong takot na takot siya, ngunit nawawala iyon habang iniisip niya kung gaano kaperpekto ang pagkakataon kung papaanong nalagay ang kaniyang mata sa malaki at nahihitik sa bungang kanlungan niya ngayon.
Siguro nga ay gutom lamang siya.
Ibinato niya sa malayo ang buto ng manggang kakaubos niya lamang. Pinulot niya ang sangang pinutol kanina at nagsimulang patulisin ito. Natanawan niya ang mga manggang nasa lupa.
Pang-ilan ko na nga 'yan?
Sa simpleng konsepto ng pangangailangan ng tao, madaling irason na ganito ang kaniyang nararamdaman dahil sa ang tao ay nais at ninanais na mabuhay. Sino nga bang takot sa katapusan?
Tama. Natatakot siya sa katapusan. At ang kinasasadlakan niya ngayon ay ang dahilan kung bakit sa ilang araw ay hindi dumapo ang kawalan ng pag-asa sa kaniyang sistema.
Ngunit kinabukasan, at sa mga sumunod pa, unti-unti na niyang niyakap ang kapalarang tila sobrang positibo na mula sa noon pang mawalay siya sa dating buhay.
IKA-SAMPUNG araw.
Kunot-noo siyang tumitig sa halamang humahawi sa kaniyang harap. Agad siyang bumaba mula sa sangang inuupuan. Bitbit niya ang isang palasong gawa sa mga gamit na nahagilap niya, ilang batong pandagdag-bigat, matulis na dulo ng isang sanga at ilang tali na nagawa niyang makuha sa ilang halamang baging na nakatali sa ilang sanga.
Marahan siyang naglakad papunta sa pinanggalingan ng kilos. Mabagal ngunit mabilis. Kasinghina ng bawat hininga at kilos. Bulag siyang tumusok sa kung saan, sa bigla'y natumba siya sa puwersa mula sa isang itim na hayop!
"Puta!"
Masakit ang kaniyang binti maski ang puwit na sumalo ng bigat niya. Ininda niya iyon ngunit pinilit pa rin niyang ibato ang hawak. Agad siyang napasigaw nang matamaan ang baboy ramo sapat para mag-ingay ito at sandaling mapabagal.
Inihanda na niya ang katawan sa pagtakbo ngunit nag-alangan siya nang madaanan ng tingin ang puno.
Umakyat siyang muli nang walang pag-aatubili. Bakas na ang paglubog ng kaniyang pisngi at ang pagbagsak ng bigat. Natakam siya sa dami ng bunga ng puno.
Napakaganda. Sino ako para bawasan 'yan?
Natulog siyang tumutunog ang tiyan. Mapayapa sapagkat nahanap na niya ang tamang kanlungan. . .
Sa kabila ng kagutuman.
KASALUKUYANG araw.
Dinamba niya kaagad ang lumabas na bulto sa likod ng puno. Mabagal ang lakad nito at abala ang isip kaya't agad niya itong napatumba sa lupa. Nakarinig siya ng malakas na putok ng baril kasunod ng sigaw, hindi niya alam kung sa sarili iyon galing. Agad niyang inipit ang lalaking dinadagan, saka pinukpok ang mukha nito gamit ang nakayukom na kamay.
"Rescu-!" Suntok pa. "A-ako!" Isinakop niya ang buhok nito sa kaniyang palad at hinila papunta sa mabatong parte ng lugar. Pinukpok niya ang ulo nito, nagawa pa ng lalaki ang humawak sa kaniyang leeg. "Tangina mo!"
Unti-unting sumasakit ang kaniyang leeg. Humirap ang bawat paghinga at nawawalan na siya sa tamang huwisyo para mag-isip. Kusang gumalaw ang kaniyang braso; agad niyang pinukpok ang ulo ng lalaki nang pagkalakas-lakas sa patusok na bato - patay.
Patay na ito, at malapit na siya.
Tinitigan niya ang dumudugong tagiliran. Sumigaw siya sa sakit. Naglaway sa hapdi. Ilang ulit siya nagmura ngunit lalong napapaigik sa sakit. Mababaw ang bawat niyang hininga.
Datapwat ay nakita niya ang isang litrato.
Sa likod nito ay nakasulat ang isang pangalan.
Sa pagtatapos ay isang konklusiyon ang namutawi sa kaniyang isipan.
Zachary Benites, Rescue. . .
Tangina, 'di ko kailangan ng kaligtasan.