BEWARE OF TEMPTATION
Patay-sindi ang mga ilaw. Halos hindi na magkarinigan dahil sa malakas na volume ng tugtugan at sigawan ng mga kabataang hindi magkamayaw sa kasiyahan. Parang wala nang bukas kung yumugyog ang mga lulong. Sila ay ilan lamang sa mga kabataang alipin na ng modernong panahon at kinain na ng maling sistema. Karamihan ay mga kalalakihan na ang hanap ay adventure, trip na minsan ay hindi na nakatutuwa; at higit sa lahat, mawawala ba ang paghahanap ng makakaharutan? Baka nga nangunguna pa iyon sa kanilang listahan.
Inaamin ko, isa ako sa kanila.
Sa kabila ng maingay na kapaligiran, tahimik lang akong nagmamasid sa dalawang lalaki na kanina ko pa sinusundan. Naghihintay ng tamang pagkakataon. Hindi ko mapalalampas ang pag-aligid at panglalandi nila sa mahal kong si Mirasol.
Subalit hindi lang kami ang nandito.
Dinig ng aking diwa ang mga nakapangingilabot na halakhak. Ninanamnam ang kalulungan ng sangkatauhan. Alam ko kung ano siya. Alam ko kung ano sila. Subalit ang hindi ko alam, kung bakit sa paglipas ng mga araw ay unti-unti akong nagiging katulad nila.
Naging tampulan ako ng mga matang may takot. Iniiwasan. Nagmistulang mga mata ng ahas ang aking balintataw at nagkulay berde. Ang sabi ng iba, baliw raw ako-baliw na halimaw.
Sa paglipas ng ilang sandali, namatay ang mga ilaw. Kasunod nito ay umalingawngaw ang mga sigawan sa loob ng bar.
***
Sa isang abandonadong bahay, nagkalat sa maduming sahig ang mga parte ng katawan ng tao, gano'n din ang kanilang dugo. Sa kanilang tabi ay ang isang duguang palakol. Hindi ako nakontentong patayin lang sila. Kinailangan ko silang pahirapan dahil sa nagpupuyos kong galit at selos. Sa harap ko naman ay ang umiiyak at nanginginig sa takot na si Mirasol. Kanina pa siya nagmamakaawa. Nakita niya ang lahat.
Mula sa pagkakatungo ay napatingin ako sa kanya. Hinawi ko ang aking may kahabaan nang buhok na tumatakip sa mukha ko para mapagmasdan siyang mabuti. Kahit na nga ba, liwanag lamang ng buwan ang nagsisilbing ilaw at ang bawat sulok ng kabahayan ay balot ng dilim. Lalo naman siyang nanginig sa takot.
"Akin ka lang, Mirasol. Akin ka lang!" singhal ko sa kanya.
"Tama na, Zachary. Itigil mo na ang kahibangan mong 'to! Pakawalan mo na ako-"
"Hindi! Ganito kita kamahal. Gagawin ko lahat para sa 'yo," mariin kong tugon.
"Hindi mo ako mahal! Masahol ka pa sa isang kriminal!" bulyaw niya naman sa akin.
Dala ng inis ko sa mga tinuran niya, malakas na sampal ang aking iginanti. Napaluha naman siya kasabay nang pagdurugo sa gilid ng kanyang labi. Subalit nang pumatak ang mga luhang iyon sa kanyang pisngi, nakaramdam ako ng kirot sa aking puso.
"Sorry, hindi ko sinasadya. Ikaw kasi." Kaagad ko siyang nilapitan at niyakap habang nakaluhod ako sa kanyang harapan. Subalit, dama ko ang matinding pagpupumiglas ng kanyang katawan kahit na nga ba nakatali siya sa upuan.
"Bakit ka nandamay ng mga inosenteng tao? Wala naman silang ginagawang masama. May group project lang kaming tinatapos," paliwanag niya.
Bumitaw ako sa pagkakayakap sa kanyang baywang at tinitigan ang kanyang luhaang mukha. "Kahit na, ayaw kong nakikitang may kasama kang iba. Lumayo ka sa kanila kung ayaw mong marami pang buhay ang sumunod!"
"Bakit ka ba nagkakaganyan? Ano ba'ng nangyayari sa 'yo?"
Natigilan ako sa mga tanong na kanyang binitiwan. Nanumbalik sa aking alaala ang mga nangyari, ilang taon na ang nakararaan, noong high school student pa lang ako.