Entry #3: 'Ma, Itim Ang Kisame

110 4 4
                                    

'MA, ITIM ANG KISAME


NAKABALUKTOT lang ako sa aking higaan, ilang minuto na lang matatapos na ang araw na iyon ngunit mailap pa rin ang antok sa akin. Namimigat ang talukap ng aking mga mata ngunit nananatiling bukas iyon at nakatitig lamang sa kulay pulang pinto ng aking kuwarto na bahagyang nasisinagan ng liwanag ng buwan mula sa bintanang nakabukas. Pula nga ang kulay niyon pero dahil sa lungkot na namamayani sa aking sistema, tingin ko ay kulay itim iyon.

Tumihaya ako at sinimulang bilangin ang mga pekeng bituin na glow in the dark na nakadikit sa kisame na kakulay rin ng pinto. Paborito ko ang pula at gusto ko na palaging nakikita ang kulay na iyon bago ako matulog sa gabi o kaya'y kapag bagong gising ako. Ngunit hindi ako mahilig sa mga bituin na nakadikit doon. Pero dahil si Mama ang naglagay niyon bilang desinyo sa kisame hindi ko na rin inalis. Kaya kapag nakikita ko ang mga bituing iyon na lumiliwanag kapag walang ilaw, nasisiyahan ako. Pakiramdam ko kasi naroon ang mga mata ni Mama para bantayan ako. Payapa rin akong nakakatulog at magigising na lang ako sa mga tawag niya kinaumagahan upang mag-asikaso sa pagpasok.

Noon, hindi ako bumabangon hangga't hindi siya pumapasok sa aking kuwarto para gisingin ako. Sanay kasi akong naglalambing muna sa kaniya bago bumangon. Mama's boy nga ang palaging pintas sa akin ni Ate Jessica. Hinahayaan ko lang siya dahil hindi naman talaga ako mabubuhay sa maghapon nang wala si Mama. Perpekto ang lahat ng bagay para sa akin basta nariyan siya.

Pero hindi ko akalaing magbabago ang lahat ng iyon. Nasa edad onse ako noon nang iwan niya kami para mangibang bansa matapos mamatay si Papa dahil sa pagkakasakit. Ang sabi niya isang taon lang siya roon kaya pumayag ako at tiniis na wala siya sa tabi ko noong graduation ko sa elementarya. Pero na-extend ang kaniyang kontrata kaya hanggang ngayon ay naroon pa rin siya.

Bumangon ako at tiningnan ang larawan niya na nakapatong sa maliit na mesang nasa gilid ng aking kama. Ang larawang iyon ang palagi kong tinitingnan at minsa'y kinakausap. Mas tumindi ang aking naramdamang kalungkutan kahit nakangiti siya sa larawan, namasa rin ang aking mga mata.

Kumuha ako ng papel at panulat para magsulat sa kaniya tulad ng palagi kong ginagawa. Isa kasi sa mga bilin niya, magsulat ako kapag nalulungkot ako. Doon ko raw sabihin ang lahat ng aking nararamdaman para gumaan ang aking pakiramdam.

Binuksan ko ang ilaw bago muling umupo sa aking higaan habang nakaharap sa mesa at sinimulan ang pagsusulat.

Dear Mama,

Hi, 'ma! Kumusta ka na? Hindi po ako makatulog kaya magku-kuwento na lang ako sa inyo...

Ako raw ang pinaka-pogi sa class room namin sabi ng aming adviser, pero hindi ko naman ramdam iyon. Kasi hindi naman ako nanalong escort ni Mia-'yong nanalong muse sa section namin. Crush ko po si Mia, crush lang naman 'ma! Mag-aaral pa ako nang mabuti dahil 'yon ang bilin niyo. Crush ko lang siya kasi ang ganda niyang ngumiti pero ayaw ko siyang nakikipag-usap sa akin. Nayayamot kasi ako dahil tanong siya nang tanong. Ang daldal niya, pati mga kaklase ko ang dadaldal! Kaya wala po akong kinakausap sa kanila kahit na isa. Saka hindi rin palagay ang aking loob na makipag-usap kahit na kanino.

Kapag naglalaro kami ng soccer, palagi akong sinisita ng captain ball namin dahil palagi akong nadadapa. Nakakainis, dahil pinipintasan nila akong lampa, dapat daw hindi na ako sumasali sa soccer dahil pabigat lang daw ako sa team. Pero hindi po ako sumusuko,'ma. Alam niyo naman na pangarap kong maging mahusay na soccer player at lumaban sa ibang bansa, 'di ba?

Kapag nasa bahay naman ako, palaging nagagalit sa akin si Ate, lalo na po kapag nag-aaway sila ng boyfriend niya. Opo, 'ma, may boyfriend na si Ate. Ayaw niyang ipasabi sa inyo kasi ang bilin niyo raw sa kaniya, huwag magbalita ng mga hindi magagandang bagay na ikagagalit niyo. Kapag nagsumbong naman ako, hindi niya ako bibigyan ng allowance. Kung p'wede nga lang na ako na lang ang tumanggap ng perang pinapadala niyo para hindi niya ako naiisahan palagi. Kaso alam kong hindi siya papayag.

VOLUME 2: LOST BOYSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon