KRIMINAL
"Humayo kayo't ibigin at paglingkuran ang ating Panginoon!"
Ang mga yabag ng paa at ingay na nanggagaling sa mga tao'y 'di mo alintana. Walang ibang laman ang iyong isip maliban sa kung papaano makaaalis sa lugar na dati mong hinangaan. Ang mga disenyong nakaukit sa loob nito ay iyo nang kinasusuklaman; hinihiling na sa bawat takbo ng minuto'y lisanin ang binansagan mong tunay na lungga ng demonyo.
"Anak, tara na. Umuwi na tayo."
Ika'y tumagilid, napapilig, nabingi. Tanging paggalaw ng bibig ng iyong ina ang 'yong napansin.
Napakunot ang iyong noo. Wari'y nag-uutos na ulitin ng iyong ina ang kaniyang sinabi.
"Marcus, anak. Umuwi na tayo at baka maabutan pa tayo ng ulan sa labas. Ayoko naman na magkasakit ka ulit," mahinahon at may halong pag-aalala nitong sambit. Mababakas sa mukha nito ang matinding pagmamahal mula sa bilugang mata nito na diretsong nakatingin sa iyo. Huminto ito sumandali na animo'y naghihintay sa magiging tugon mo.
Sa kabilang banda, ang kanina'y tahimik mong mundo ay biglang naglaho.
Ulan.
Isang salitang gumising sa mahimbing na pagtulog ng iyong pagkatao. Walang lingunan mong iniwan ang 'yong ina sa inyong pwesto at pilit na nakipagsiksikan sa bulto ng mga tao palabas ng simbahan. Dahil sa mabilis na pagbaba ng iyong timbang bunga ng kawalan mo ng ganang kumain, nagawa mong makipag-unahan sa iba at saka mo tinungo ang lugar kung saan mo siya huling nakitang may buhay.
"Ikaw lang ang m-mahal ko. Ikaw lang, Marcus. M-maniwala ka sa 'kin, parang awa m-mo na. Walang ibang ibig sabihin ang nakita mo. Magkaibigan l-lang kami ni Rico. 'Yan ang totoo!"
"Magkaibigan lang kayo, Leah? Magkaibigan lang kayo ng hayop na 'to?"
Bigla mong sinugod ang kasama nito at iyong pinagsusuntok. Gamit ang natitira mong lakas ay walang pakundungan mong inilapat ang iyong kamao sa sikmura't mukha nito.
"Ano ba, Marcus! Tama na 'yan! Wala siyang ginagawang masama! Tigilan mo na 'yan," pagsusumamo nito. Pilit ka niyang inilalayo sa kaniyang kasama ngunit hindi ka pa rin humihinto. Walang makapigil sa matinding galit na lumukob sa iyo.
Bumalik ka lamang sa ulirat ng maramdaman mo ang isang mainit na sampal sa kaliwa mong pisgi. Tumingala ka sa kaniya't nag-iwan ng tingin na nangungusap.
"Para sa'n 'yon," ang tanging lumabas sa iyong bibig. Sa tatlong taon ninyo bilang magkasintahan ay ngayon mo lang ito naranasan gamit ang sarili nitong kamay. Tinanong mo ang 'yong sarili kung ikaw ba ang may sala. Ikaw nga ba?
Sa 'yong pagtigil ay nakakuha ng tiempo ang kasama nito. Puno man ng sugat at pasa ay kumaripas ito ng takbo. Duwag. Sa isip-isip mo'y 'di man lang ito gumanti sa ginawa mo sa kaniya.
"Ano bang hindi kapani-paniwala sa sinabi ko, Marcus? Ano?" tanong nito.
"Wala ka bang tiwala sa 'kin? Sa tingin mo kaya kitang lokohin?" dugtong pa nito. Seryoso itong tumingin sa iyo. Naantig ang iyong puso sa unti-unting pagpatak ng luha sa kaniyang mga mata; kasabay noon ay ang pagbuhos ng ulan mula sa nangingitim na kulay ng kalangitaan.
Ipinagsawalang bahala mo ang iyong naramdaman. Muli mong binuksan ang isip sa nakita mong pag-akbay ng lalaki sa iyong minamahal. Ang kanilang tawanan, ang kanilang pag-uusap. Ang kawalang tiwala sa iyong kasintahan ang naging daan upang masabi mo ang mga salitang hindi nararapat.
"Ayoko na. Tapos na tayo. Hindi mo na kailangan pang magpaliwanag dahil sapat ng ebidensya ang nakita ko."
Nanariwa sa iyong isipan ang nakaraan. Kung paano mo pikit-matang inihatid sa huling hantungan si Leah. At kung paano mo kinayang ilihim ang lahat-lahat; mula sa pag-iwan mo sa kaniya sa lugar na iyon, maging sa pagiging manhid mo sa kaniyang mga palahaw na bumiyak sa puso nito maging sa 'yo.
"Kung hindi lang sana kita iniwan dito, siguro kasama pa kita ngayon."
Bumuhos ang malakas na ulan.
"Kung naniwala lang ako sa 'yo, baka masaya pa tayo hanggang ngayon."
Malalakas na hangin ang sumalubong sa iyo.
"Wala sanang hamak na gagahasa sa 'yo, kung nandoon lang sana ako."
Ininda mo ang malamig na tubig na kumakapit sa iyong balat.
"Kung totoo lang sana na may Diyos, nandito ka sana sa tabi ko"
Mali.
Mali na sisihin ang Panginoon!
Ikaw lamang ang dapat managot sa nangyari.
Hindi mo na naisip kung ano ang tama sa mali. Pinilit mo ang iyong sarili na maakyat ang ibabaw ng rehas na sa ilalim ay may umaagos na tubig.
Masakit. Masakit na 'yong taong pinahalagahan mo ay wala na sa mundong ito.
Ang ilang taong naglalakad sa daan ay napatingin. Nagulantang sa napili mong aksyon--- ang kumawala sa madulas na rehas patungong ilalim.
Ang bughaw na agos ng tubig ay pinalitan mo ng sarili mong kulay; kadiliman na sumakop sa iyong katawan habang buhay.