MAS BINILISAN ko pang maglakad papunta sa silid ng isang pasyente, habang dinadaanan ang mga mukhang pagod na paminsan-minsang nakatuldok sa pasilyo ng ospital. Mga pasyente sila. Yung iba, mga bisita nila. Madali akong nagpasalamat sa isang ginang na hinila ang anak niyang babae mula sa pasilyo.
Destinasyon ko ngayon ang silid ng isang pasyenteng pumindot ng call button dahil sa kung anong dahilan. Kaya ko aalamin kung ano yung dahilang iyon.
Isa akong nars na ilang lingo pa lamang na na-destino sa ospital na pinapasukan ko ngayon. Baguhan. Kakaunti lang ang mga pasyente ng ospital na ito dahil masyado nang kalat ang mga bali-balitang haunted daw, o minumulto ang mga pasilidad ng gusaling ito. Pero hindi ko sila masisisi dahil ako man, nakaranas na rin ng mga di-maipaliwanag na bagay sa maikling panahong nanatili ko rito.
Mayroong isang pagkakataong may pumindot ng call button mula sa isa sa mga pasyente. Tatakbuhin na dapat ng isa kong ka-trabahong nars ang silid na iyon kung hindi lang siya pinigilan ng isa pang nars na nagsabi sa kanyang kamamatay lang ng nagmamay-ari ng silid na iyon noong umagang ‘yun, at walang kasalukuyang umo-okupa sa nasabing silid.
Narating ko rin ang silid ng pasyenteng nagpapatawag sa akin. Nasa dulo ito ng mahabang pasilyo. Guni-guni ko lang ba, o talagang mas malamlam ang mga bombilya rito? Hindi ko na lang pinansin ang kung anu-anong pmapasok sa isip ko at pumasok sa pinto.
Handa akong makakita ng bakanteng kama, o ng isang babaeng wala nang buhay, ang mga walang buhay niyang mata bukas pa at nakatitig sa akin. Halos manhid na rin ako sa mga pagpaparamdam ng kung anu-anong mga nilalang na nakatira dito.
Pero hindi ko napaghandaan ang nakita ko.
May isang kung anong nilalang ang nakadagan sa pasyente. Nakapatong ang mga paa nito sa kamay ng maputla nang babaeng nakatirik ang mga mata sa pagkakasakal habang ang katawan ng bruhang balot ng tela ay nakadagan din sa katawan ng kawawang pasyente. Isang himala sigurong napindot pa ng pasyente ang call button para mapatawag ako, dahil pati ang mga aparatong dating naka-kunekta sa kanya ay putol na.
Hindi ako makagalaw. Naroon lang ako sa harapan ng sarado ngpinto, nakatitig sa nakapangingilabot na eksena sa harapan ko. Napakahirap man, pero nagawa kong tingnan ang matandang sumasakal sa pasyente.
Napakaputla niya, kaya siguro mahirap matantya ang edad niya. ‘Sing-kulay niya yung mga bangkay na bagong-labas sa morge. Magakadikit ng husto ang dalawa niyang labing kung maaari pang mawalan ng kulay ay nawalan na, samantalang nanlalaki ang dalawa niyang mga mata habang nakatitig na nakatirik na mag mata ng pasyente.
Naalala ko noong bata pa ako. Noong mga panahong kasimbabaw lang ng mga halimaw sa ilalim ng kama ang kinatatakutan ko. Halos matawa ako sa sarili ko, dahil kung makikita lang ng batang ako ang mga nangyayari sa harapan ko, malamang sa himatayin ‘yun.
Saka ko naalalang may isang taong namamatay sa harapan ko. Kulay asul na sa gilid ang labi ng pasyente.
Inilabas ko mula sa ilalim ng suot kong puting polo ang isa kong munting sandata. Isang rosaryo. Araw-araw ko na itong suot sa mula nang madestino ako rito.
Hinawakan ko ng mabuti sa pagitan ng dalawang pinagdaup na palad ang malamig na krus. Damang-dama ko ang bawat nakaukit na detalye rito.
Wala akong alam sa pagpapalayas ng espirito dahil hindi naman ako pari. Kung anumang ideya ang mayroon ako pagdating sa exorcism, napulot ko lang sa mga pelikulang hindi ko alam kung tunay nga ba.
Pinikit ko ang mga mata ko at inipon lahat ng naipon kong tapang, kung mayroon man. Mahirap makapag-isip ng maayos, lalo na kung nakikipagsabayan sa tenga mo ang lakas ng kalabog ng dibdib mo.
Napansin din ako ng nilalang na nananakal. Nakita kong bahayang lumuwag ang hawak niya sa leeg ng pasyente. Kung gaano pala kakila-kilabot ang hitsura ng nilalang na ito habang nakatagilid ay walang panama sa hitsura nito kapag humarap.
Naramdaman kong nagsitayuan ang mga balahibo ko sa likod at braso.
Multo lang naman ‘to, ‘di ba? Usisa ko sa sarili ko. Hindi niya ako masasaktan.
“I believe in God,” panimula ko. “The Father Almighty. Creator of heaven and earth…” Hindi ako relihiyosong tao, pero sana kahit ngayon lang, marinig ng Diyos ang panalangin ko.
Biglaang napuno ng galit ang mukha nito. Isang impit na tili ang pinakawalan nito, at tuluyang binitiwan ang leeg ng pasyente. Inilipat nito ang mga namamaga nitong mga kamay sa baba at ibabaw ng ulo ng pasyente.
Nanlaki ang mga mata ng kawawang matandang pasyente. Basa ng luha ang pisngi niya. Isang sigaw ang pinakawalan nito pero naputol din agad nang biglang pinihit ng bruhang nilalang ang ulo ng pasyente pa-tagilid.
Hindi ko mapigilang mapahikbi sa nakita ko.
Ganun-ganun lang, nagawa niyang tapusin ang buhay nga kawawang pasyente.
Unti-unting tumayo sa pagkakadapa at umapak sa sahig ang mamamatay-taong nilalang na para bang nananakit ang lahat ng kasu-kasuan sa katawan niya.
Humarap siya sa akin.
“A—and in Jesus Christ h-his only,--” patuloy ko, pero halos mapasigaw ako nang makita ko ang mga bakanteng mga mata ng pasyenteng pinaslang. Sa akin ito diretsong nakatingin.
“Walang magagawa ‘yan,” bulong ng multo gamit ang boses nitong mababa at garalgal.
Hindi ko namalayan, pero tuloy-tuloy na pala ang daloy ng luha ko mula sa mga mata ko. Hindi ito ang nakikita kong katapusan ko.
Himampas ko ng maraming ulit at paulit-ulit ang nakasaradong pintuan gamit ang palad kong hindi nakahawak sa rosaryo habang humihingi ng tulong mula sa mga tao sa labas.
Naglakad siya palapit sa akin habang nakayuko. Isang hakbang. Dalawa. Hindi ko na maalala kung ano ba yung kasunod ng dasal. Ipinikit ko na lang ang mga mata ko at yumuko. Ito na yata ang katapusan ko.
Mula sa labas, nakarinig ako ng mga taong tumatakbo papalapit sa silid. Pero bago pa ako makagalaw, inunat ng babae ang malamig at magang kamay nito papunta sa leeg ko.
“Please,” saad ko. “maawa ka sa akin.”
Dahan-dahang humigpit ang hawak niya sa leeg ko. Iniangat niya ang ulo niya. Sapat na para makita ang maiitim niyang mga mata sa pagitan ng kurtina ng magrasa niyang buhok.
Iniangat niya ako sa lupa kaya nabitawan ko ang rosaryo. Napakalakas niya para sa isang payat na nilalang.
Nagpumiglas ako, kahit alam kong wala rin lang saysay. Unti-unti nang nagdidilim ang paningin ko.
Maya-maya lang, hindi na ako gumagalaw. Wala na akong maramdaman. Pero kitang-kita ko pa rin ang kisame ng ospital. Patay na ba ako?
Tumingin ako pababa sa nilalang na sumasakal sa akin.
At saka siya ngumiti.
![](https://img.wattpad.com/cover/14276297-288-kd94bc6.jpg)
BINABASA MO ANG
The Last Five Standing (Summer Battle of 2014)
RandomThis is the Summer Writing Contest of the Year! JOIN NOW! Credits to @magandangbabaeinsideandout for the cover